10 kandidatong senador ng Makabayan, iprinoklama na


Nakapaloob sa platapormang inilatag ng mga kandidato ng Makabayan Coalition ang pagsusulong ng matatagal nang adhikaing ng iba’t ibang progresibong grupong kanilang pinaggalingan. 

Inanunsiyo ng Makabayan Coalition ang sampung kandidato nito sa pagkasenador kasabay ng Araw ng mga Bayani nitong Ago. 26 sa Liwasang Bonifacio sa Maynila.

Sa isang pahayag, sinabi ni Makabayan Coalition co-chairperson at Bayan Muna Partylist chairperson Neri Colmenares na hindi lang mga lider-masa ang mga kandidato ng Makabayan, kundi mga tunay na nagsusulong ng mga patakarang makamamamayan upang iangat ang karapatan ng mga marhinado at para sa tunay na pagbabagong panlipunan.

“Kinakatawan ng ating mga kandidato ang ating walang maliw na dedikasyon sa mga prinsipyo ng nasyonalismo, demokrasya at katarungang panlipunan,” ani Colmenares sa Ingles.

Kabilang sa mga iprinoklama ng Makabayan Coalition sina Mody Floranda ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), Mimi Doringo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), Jocelyn Andamo ng Filipino Nurses United.

Nauna namang nagpahayag ng kandidatura sa magkakahiwalay na pagkakataon sina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, Kilusang Mayo Uno secretary general Jerome Adonis, dating anti-poverty czar Liza Maza, Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas) vice chairperson Ronnel Arambulo, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) chairperson at dating Bayan Muna Partylist Rep. Teddy Casiño, at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chairperson Danilo “Ka Daning” Ramos.

Ani Bayan president at Makabayan Coalition campaign manager Renato Reyes, kapos man sa pera at rekurso ang mga kandidato ng Makabayan ‘di gaya ng mga mayayaman at tradisyonal na politiko, sisikapin at sisiguruhin ng koalisyon ang tulong-tulong at sama-samang pagtataguyod ng kampanya sa susunod na taon.

Nakapaloob sa platapormang inilatag ng mga kandidato ng Makabayan Coalition ang pagsusulong ng matatagal nang adhikaing ng iba’t ibang progresibong grupong kanilang pinanggalingan. 

Kasama dito ang pagtatanggol sa soberanya at kalayaan, tunay na repormang agraryo at seguridad sa pagkain, nakabubuhay na sahod at regular na empleyo, pagpapanagot sa katiwalian at korupsiyon, sapat na serbisyo sa mamamayan kagaya ng edukasyon, kalusugan, panirahan, panlipunang seguridad at iba pa, at pagsusulong at pagprotekta sa mga karapatan ng magbubukid, mangingisda, manggagawa, kababaihan, maralita at iba pang marhinadong sektor ng lipunan.