Adonis, kandidato ng obrero sa Senado


Ang lider-manggagawa na si Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno ang ikatlong kandidato sa pagkasenador ng Makabayan Coalition sa 2025 para isulong ang boses ng obrero sa sahod, trabaho at karapatan.

Opisyal nang inihayag ng lider-manggagawa na si Jerome Adonis ang kanyang pagtakbo bilang senador sa 2025 nitong Ago. 2 sa general meeting ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union, matapos ang matagumpay na boto para sa welga laban sa malawakang tanggalan.

Nagsimula si Adonis bilang konduktor ng bus sa Pasvil-Pascual Liner Inc. noong 1995 at naging full-time organizer ng Kilusang Mayo Uno noong 2002 kung saan siya ang kasalukuyang secretary general. Mula noon, hindi na tumigil si Adonis sa kaniyang paninindigan para sa karapatan ng mga obrero. 

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin niya ang kanyang pangunahing mga layunin tulad ng paglaban para sa nakabubuhay na sahod at national minimum wage, pagsupil sa korupsiyon at pagtatanggol sa pambansang soberanya.

Pangatlong kandidato si Adonis ng Makabayan Coalition sa pagkasenador sa halalan sa susunod na taon. Nauna nang inanunsiyo nina ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas ang kanilang kandidatura.