Ironikong katotohanan
Kitang-kita ng dalawang mata ko ang malinaw na dibisyon sa lipunan. Isang hanay ng mga armadong pulisya na may baril, panangga at batuta laban sa mga ordinaryong taong nakikibaka na ang tanging sandata ay boses habang hawak ang karatula.
Bilang isang iskolar ng bayan at kabataang mamamahayag, pangunahing layunin ko ang paghahangad para sa katotohanan. Mula sa unang araw ng aking praktikum sa ganitong larangan, naikintal na sa isipan ko na sa bawat pagsisiyasat, sa bawat panayam, at sa bawat piraso ng impormasyon ng pag-uulat, tanging katotohanan ang aking hangarin. Ito ang makapangyarihang paraan at gabay para isiwalat ang tunay na kalagayan ng lipunan. Kung kaya’t sa madaling salita, palagi kong gusto ang totoo. Hanggang sa unang pagkakataon, naatasan akong mag-ulat at maging saksi sa SONA ng Bayan ngayong taon.
Hindi ito ang karaniwang SONA na nakikita natin sa telebisyon. Walang mga magarbong damit, walang mga nakangiting mukha, walang mga papuri at mga pangako. Sa halip, ito’y isang pagtitipon ng mamamayan mula sa iba’t ibang sektor na nagtataguyod ng kanilang mga karapatan.
Sa kabila ng matinding buhos ng ulan, patuloy ang pagmamartsa at pagsigaw ng malawak na hanay ng sambayanang Pilipino. Bawat patak ay nagiging simbolo ng kanilang paglaban—isang paalala na walang unos ang makakapigil sa kanilang pagnanais ng pagbabago.
Hanggang sa kalagitnaan ng kahabaan ng Commonwealth Avenue, biglang tumambad sa amin ang hilera ng mga pulis na naging sanhi ng paghinto ng hanay. Kitang-kita ng dalawang mata ko ang malinaw na dibisyon sa lipunan. Isang hanay ng mga armadong pulisya na may baril, panangga at batuta laban sa mga ordinaryong taong nakikibaka na ang tanging sandata ay boses habang hawak ang karatula.
Nakakadurog ng puso na masaksihan na bilang nasa unahan ng mga hanay, tanggap na ng mga manggagawa na wala silang kalaban-laban sa mga ito, kaya matibay na itinaas na lang ang mga panawagan, patunay na hindi sila patitinag sa paninindigan.
Nakakadurog ng puso na masaksihan na bilang nasa unahan ng mga hanay, tanggap na ng mga manggagawa na wala silang kalaban-laban sa mga ito, kaya matibay na itinaas na lang ang mga panawagan, patunay na hindi sila patitinag sa paninindigan.
Hindi ko mapigilang itanong sa sarili: Bakit ang mga nagtatanggol ay nagiging banta? Hindi ba’t tungkulin ng pulisya ang magbigay proteksiyon sa mamamayan? Hindi nga ulan ang nakapagpahinto sa mga nasa laylayan kundi mga pulis na kapwa natin Pilipino.
Nakakapanlumo isipin na ang mga taong dapat sana’y nagbibigay ng seguridad sa mga mamamayan ay nagiging sanhi ng kanilang takot at pag-aalala. Ang bawat pulis na nakatayo sa harap ng mga nagprotesta ay hindi lang isang simbolo ng awtoridad, kundi pati na rin ng makapangyarihang makinarya ng estado nagbibingi-bingihan sa boses ng taumbayan.
Hindi maikakaila, ang pagkakaibang ito ay parang isang malalim na hiwa sa ating pagkakaisa bilang isang bayan, na siyang nagpapatunay na ang ating bansa ay nagdurusa. Ang ating mga mamamayan ay nagdurusa. At hangga’t nakaluklok ang mga tagapagtaguyod ng bulok na sistema, patuloy tayong magdurusa.
Dahil sa kaganapang ito, isang malupit na reyalidad ang dahan-dahang sumagi sa aking isipan: Sa laban ng bayan, ang kalaban ay kababayan. At dito ko napagtanto na minsan bilang mamamahayag, ayaw ko rin pala ng katotohanan.