Kuwentong Kabataan

Ganito rin ba ang Amang mo?


Suwerte ako dahil sa dinami-dami ng puwedeng maging lolo, ang Amang ko ang napunta sa amin.

Hindi naman bago sa atin ang mga usap-usapan tungkol sa istorya ng kanya-kanya nating pamilya. Naroong pinag-uusapan kung sino’ng kamag-anak mo, kung saan ka nagmula, at malimit may tanong rin na “Sino ang lolo’t lola mo?

Hindi na rin bago na kahit pamilyado na, nakatira pa rin sa magulang ang isa o higit pang mga anak. Ganoon ang aking kinalakhang buhay. Dahil nga nakatira kami sa probinsiya, ang bahay nami’y naroon sa gitnang bukid. Lalakad ka muna ng ilang kilometro para makapunta sa patag na daan papuntang eskuwelahan. Pero ang buhay kong ganoon ay nagtagal lang ng pitong taon.

Kasama namin sa bahay ang Amang, nasa 70 anyos na siya noon, ngunit malakas pa at talagang kayang mamuhay mag-isa. Nagtatrabaho noon mga magulang namin sa Laguna kaya naman sa tuwing wala sila, nakatira kami sa aming mga tiyahin, habang si Amang ko ang nagbibigay ng baon minsan at naghahatid sa amin sa paaralan.

Noong Grade 6 ako, dumating ang isa sa pinakahinihintay ng bawat mag-aaral—ang field trip. Tanda ko noon, dahil wala kaming perang pambayad sa field trip, hindi ako ganoon kasaya noong ibalita ng aming guro na malapit na ang alis. Pero naikuwento ko ito sa aking mga magulang, gayundin sa aking Amang.

Lingid sa aking kaalaman noon na pinaplano na palang ibenta ang aming lupain sa gitnang bukid dahil halos lahat ng lupain na nakapaligid dito ay nabili na ng isang kompanya. Kaya naman sa huli, napagdesisyonan ng aking Amang na ibenta na rin ang aming lupa. Naalala kong nasa P3 milyon lang ito naibenta, maliit kumpara sa presyo ng lupa ngayon.

Nagkapartehan na at nagkaroon ang bawat kapatid at anak ng aming Amang. Dahil nga mas kailangan namin ng pera at bahay, ginamit namin ang hati namin para mapaayos ang bahay.

Isang araw, habang naroon ako sa bahay ng Amang ko, sabi n’ya, “Balita ko mayroon daw kayong field trip?” Sagot ko, “Opo, kaso, wala po kaming pambayad.” Sa isip-isip ko, huling baitang ko na ito sa elementarya, halos lahat ng kaibigan ko ay sasama at ako lang ang maiiwan.

Inabutan niya ako ng P1,500 sabay sabing, “Alam kong kulang pa ito, pero ipambayad mo na ‘yan, ipambili mo ng baon kung may sobra.”

Pero napaisip ako. Sobrang laking halaga pa noon ang P1,500. Puwede na ‘tong ipambili ng mga mas importanteng kailangan ng Amang ko, pero sabi niya, “Hayaan mo na, alam kong kailangan mo ‘yan.”

Nakasama ako ng field trip at talagang na-enjoy ko ang bawat segundo mula sa biyahe, mga destinasyon, hanggang sa pag-uwi. Lubos-lubos ang galak na nararamdaman ko noon. 

Doon ko napag-isipan na mula noong bata ako, andiyan ang Amang ko. Maraming beses na siya ang nag-iigib ng tubig panligo ko. Siya ang namimitas ng gulay at bumibili ng ulam para makakain ako. Sobrang iba pala sa pakiramdam kapag may ganitong lolo ako sa buhay ko.

Batid kong hindi tayo lahat ay may ganitong lolo. ‘Yong iba, hindi naranasan maabutan o makasama sa buhay ang kanilang lolo’t lola. Pero para sa akin, suwerte ako dahil sa dinami-dami ng puwedeng maging lolo, ang Amang ko ang napunta sa amin.