Kuwentong Kabataan

Isang araw, natanggap ako sa ‘It’s Showtime’


May lungkot sa sarili ko na alam ko ‘yong sagot sa jackpot question.

Isang normal na araw, gumising ako para harapin ang aking mga tungkulin. Tapusin ang aking mga deadline at maghanda sa mga coverage na paparating, bilang isang estudyante at peryodista.

Kuha agad ng cellphone at bukas ng Facebook. Isang post ang bumungad sa akin sa isang grupo, naghahanap ng contestant na dean’s lister sa NCR na confident at maalam sa mga kanta para Laro Laro Pick segment ng “It’s Showtime”.

Bilang mahilig sa mga side quest, may parte ng sarili ko na gustong sumubok at mag-PM. Ngunit naunahan ako ng hiya at takot, bilang hindi marunong sumayaw at kaya lang maging pabibo. 

Kaya naman pinalampas ko ito ibinigay ko sa aking kaibigan. Pero ang nangyari, isa pa rin ako sa napiling ipasok sa susunod na interview dahil sinamahan ko itong kaibigan ko sa unang kita kasama ang scout na nag-post. 

Ilang beses akong sinabihan na maging masigla at maboka sa mga kasagutan at dadaan ako sa ilang tao para sa interview. Dalawang biglaang interview sa cellphone ang aking pinagdaanan.

Una, biglang napalabas ako sa isang tindahan sa mall nang may tumawag at kinausap ako ng 16 minuto. Chika sa estado ng buhay bilang estudyante at anak ng isang single mom.

Pangalawa, biglang may tumawag na naman sa akin habang naglalakad sa Maginhawa. Ito na ‘yong totoong interview na tumagal ng 21 minuto. Biruin n’yong naka-loud speaker ang aking cellphone habang nagpapabibo sa labas ng isang cafe. 

Dumaan ang gabing iyon at inanusiyo ang 13 tao na pasok sa segment na ipapalabas ng Hulyo 16 sa isang group chat. Sa dami ng taong mula sa iba’t ibang unibersidad, isa na ‘ko doon. 

Halos lamunin ako ng kaba ng gabi na ‘yon. Kinabukasan, isang araw bago ang taping, lahat ng paghahanda ay ginawa ko. 

Nanood ako ng ilang episode, nakinig sa musika at inalala ang iilang mga paksa sa hayskul.

Hindi nawala ang aking kaba hanggang sa araw na sinundo kami ng van papuntang ABS-CBN. Nawala lang ito noong dumating ako sa dressing room at pinasayaw agad kami ng sayaw ng segment.

Dito ko nakita na lahat kami kabado, kaya marami akong karamay at mas gumaan pakiramdam ko. Tatlong oras kaming naghihintay para maisalang at nasa dulo pa ng programa ang segment namin.

Sa tatlong oras ko nakita na 13 kaming may kanya-kanyang kuwento na gustong ilaban para manalo. Lahat kami ay kabataang may mga pangarap at ambisyon, may single mother, may working student student, lahat kami ay nararapat na manalo.

Kahit na nawala ang kaba, biglang nagpakita uli ito noong pinapila na kami sa studio. Ang daming tao, ang ingay at nakikita namin mga artista na napapanood lang namin sa TV.

Ginawa lang namin kung anong ibinilin at napag-usapan namin, maging masaya makapasok man o hindi. Hindi ako na-interview nina Vice Ganda at Kim Chiu.

Bilang ang unang round ay laro ng suwerte, nagpapansin lang ako sa camera habang nag-iinterview sila—pumapalakpak, tumatango, lahat na ng puwedeng gawin para mapansin ako. Noong pinasayaw na kami at pinatingin sa ilalim ng kahon na kinatatayuan namin, nakita kong hindi umilaw ang kahon ko.

Nadismaya at nalungkot ako, pero nagpatuloy pa rin kami sa panonood at pagsuporta sa aming kapwa contestant hanggang dulo. Mula umpisa hanggang dulo alam kong handa ako, kasi kaya kong sagutin ang mga itinanong at ipinahula.

Ang P250,000 jackpot question ay patungkol sa publikasyon na pinamunuan ni Andres Bonifacio ngunit hindi nasagot ng nakapasok. 

May lungkot sa sarili ko na alam ko ‘yong sagot sa jackpot question e. Estudyante ako ng peryodismo pero wala, hindi ako ‘yong nakatayo sa entablado. Darating din siguro oras ko.

Natapos ang programa na sobrang saya namin. Walang bahid ng lungkot.

Siguro ‘yong pagkapanalo naming lahat ay nakuha namin sa mabilisang pagkakakilala namin sa loob ng ilang oras nang paghihintay. 

Maraming naituro sa akin ng oportunidad na ito. May takdang oras ang lahat ng bagay.

Hindi ko man naging araw ‘yon, darating din ‘yung akin sa susunod.  Dito ko rin napagtanto na ang mga oportunidad na ganito ay hindi laging dadaan. Oportunidad na magbibigay koneksiyon sa’yo sa maraming tao.

Mas lumawak ang aking pananaw na iba nga ang kabataan, may asta talagang lumaban. Kaya naman naging motto ko na ang kasabihang, “Masyadong maikli ang buhay para mahiya. Mas okay nang maging pabibo.”