Nang buksan ko ang aparador ni Lola Inang
Tulad ng mga damit sa aparador ni Lola Inang, ako ay hindi binubuo ng isang kategorya lang.
“Gigibain ko na rin ba ‘to?” paalam ng tito ko habang pinupukpok ng martilyo ang ibang gamit namin.
Gibain na raw ang lumang aparador ni Lola Inang. Naalala ko tuloy noong dalawang araw bago simulang ipagawa itong bahay. Inutusan ako ni Mama na alisin muna ang lahat ng gamit namin para hindi maalikabukan. Huli kong tiningnan ang pasira nang aparador ni Lola Inang. Unti-unti ko itong binuksan at bumuwal ang amoy ng lumang kahoy, naptalina at ang pinaghalo-halong mga lumang damit namin ng aking pamilya.
Naroon ang mga blusa namin ni Mama na kinupasan na. Naroon din ang mga lumang polo, pantalon at shorts nina Kuya at Ama na may bakas pa ng tahi sa gilid. Mga damit na minsan kong kinukuha para suotin. Minsan bihis panlalaki gamit ang maluwag na pantalon ni Ama tapos lalagyan ko na lang ng perdible sa likod. Minsan naman ang burdang blusa ni Mama o kaya naman ay ang pinaghalong kombinasyon ng dalawa.
Noon, hindi ko pa alam ang salitang gender identity at gender expectation. Ang alam ko lang, sa loob ng aparador na iyon, malaya akong pumili ng kung sino ako nang walang kailangang ipaliwanag at hindi sinisita. Kasi nga akala nila mama ay trip-trip ko lang.
Taliwas ito sa sarili kong lagayan ng damit na tila parang kahon ng ekspektasyon. Iyong nakatakda na ang dapat kong isuot batay sa kung paano ako “dapat” makita ng mundo. Saka ko lang ito napagtanto noong ako’y nasa kolehiyo na.
Matagal kong sinunod ang sinasabi ng ibang tao. Umabot na nga sa puntong tingin ko ay sobrang makasalanan ko dahil lang naiba na ang pagtingin ko sa aking sarili ngayon.
Ang lipunan ay para ring isang sistema ng pag-aayos ng damit. Kailangan organized. Pinipilit tayong pumili lang sa dalawang estante: kapag babae, dapat palda raw; kapag lalaki, dapat pantalon naman. Isang makitid na pag-iisip na pumipigil sa atin na tingnan ang buong spectrum ng pagiging tao.
Pero may dahilan kung bakit hindi lang isang kulay at iisang tipo ng damit ang nasa loob ng aparador. Marahil tulad nito, ang tao ay may iba’t ibang katangian. Na tulad sa paiba-ibang suot nating damit kada araw, ang identidad ng tao ay naiiba rin paglipas ng panahon.
At tulad ng mga damit sa aparador ni Lola Inang, ako ay hindi binubuo ng isang kategorya lang. Kasi puwede ko namang suotin ang palda habang nakapantalon, puwedeng naka-crop top habang suot ay maong na short panlalaki. Sa mas malalim na perspektiba, posible kong maramdaman na hindi ako 100% ganap na babae, pero hindi rin naman lalaki. Posible ang maging isang non-binary.
Matagal kong sinunod ang sinasabi ng ibang tao. Umabot na nga sa puntong tingin ko ay sobrang makasalanan ko dahil lang naiba na ang pagtingin ko sa aking sarili ngayon.
Kaya habang pinapanood kong baklasin ang bawat parte ng aparador ni Lola Inang, nakaramdam ako ng kaluwagan sa aking dibdib. Siguro dahil mababawasan ang gamit sa bahay o siguro dahil mapapalitan na ito ng binili kong bagong aparador? Hindi ko alam. Pero ang natitiyak ko, ito’y dahil sa kagalakang nakilala kung sino talaga ako sa tulong ng aparador na ito.
Hindi ko na mabubuksan ang aparador ni Lola Inang. Hindi na ako makakakuha pa ng mga lumang damit ni Ama roon. Pero okay na rin siguro ‘yon. Dahil nangangahulugan lang ito na hindi ko na rin kailangang magpanggap. At siguro dapat ko na ring ayusin ang sarili kong aparador.

Mag-email sa desk@pinoyweekly.org at ilagay ang “Kuwentong Kabataan” sa subject line.