Mangingisda o Mamamalakaya
Kung wala ang mga mangingisda, walang pagkain sa hapag kainan na ulam. Mahalaga ring uri na hanapbuhay dahil napapakain ang pamilya at ang buong mamamayan ng bansa.
Mangingisda o Mamamalakaya – Isang tao na pangunahing pangkabuhayan ay ang panghuhuli ng isda mula sa isang anyong katubigan.
Kung wala ang mga mangingisda, walang pagkain sa hapag kainan na ulam. Mahalaga ring uri na hanapbuhay dahil napapakain ang pamilya at ang buong mamamayan ng bansa.
Gayunpaman, ang mga mangingisda’y nananatiling isa sa pinakamahirap na sektor sa bansa. Ang mabilis na komersyalisasyon ng katubigan ng Pilipinas ay patuloy na banta sa mga mangingisdang Pilipino na nawawalan ng kabuhayan.
Noong Hun. 14, nagsagawa ng protesta ang militanteng grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas) sa harap ng Chinese Consulate sa Makati City at tinuligsa ang pagbabawal sa pangingisda ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Iginiit din ng Pamalakaya Pilipinas sa Beijing na itigil na ang mapanirang aktibidad ng pangingisda at militarisasyon sa mga katubigang kasama sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, matapos maitala ng grupo ay nagpapakita ng 80% pagbaba sa kita ng mga mangingisdang Pilipino dahil sa mga agresyon ng China.
Ang hakbang na ito ay sumasalamin lang sa patuloy na kabiguan ng gobyerno na protektahan ang WPS mula sa dayuhang pananalakay dahil ipinapakita pa rin nito na wala silang kongkretong plano na mabawi ang buong soberanya ng bansa sa lugar at lahat ng yamang dagat nito, sabi ni Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya Pilipinas.
Ayon pa sa Pamalakaya Pilipinas, lahat ng pagsisikap na bawiin ang kontrol sa teritoryo ng bansa ay dapat na nakabatay sa isang malayang patakarang panlabas, hindi pagsunod sa anumang dayuhang kapangyarihan.
Sa kabilang banda nananatiling din banta sa kabuhayan at panirahan ng mga mangingisda sa Manila Bay ang reklamasyon at dredging. Wala pang opisyal na kautusang nagbabawal sa mga naturang mapanirang proyekto, ayon kay Ronnel Arambulo, pangalawang tagapangulo ng Pamalakaya Pilipinas.
Pabaya ang administrasyong Marcos Jr. sa usapin ng pangangalaga ng mga pook-pangisdaan laban sa mga mapanirang proyekto tulad ng reklamasyon sa Manila Bay.
Bukod dito, sinabi ni Hicap na hindi matutupad ang target na gawing 100% fish-sufficient ang bansa sa 2028 kung walang pagbabago sa mga patakaran ng gobyerno.
“Hindi ito mangyayari kung ang programa at mga patakaran ng nakaraang administrasyon ay pananatilihin at ipagpapatuloy ng bagong rehimeng Marcos [Jr.],” giit ni Hicap na binanggit bilang halimbawa na ang patuloy na reclamation project sa Manila Bay ay nakaapekto sa kabuhayan ng mga mangingisda.
“Sinisira na natin ang marine mangrove areas at iba pang marine ecosystem ng Manila Bay,” sabi pa ni Hicap. “Tantyahin natin na ayon sa PRA (Philippine Reclamation Authority) sa ngayon ay may 187 reclamation projects sa bansa, 20 sa Manila Bay. Malaki iyon. Libo-libong ektarya ang itatambak sa coastal areas.”
Giit ni Hicap, “Hindi rin solusyon ang pag-angkat ng isda, dahil ang tinutulungan mo ay ang mga bansang nag-aangkat, papatayin mo ang lokal na industriya, lalo na ang mga maliliit na mangingisdang Pilipino.”
Umapela si Hicap sa gobyerno na sa pagpapalawak ng aquaculture, dapat ding makinabang ang maliliit na mangingisda, kaysa sa malalaking pribadong korporasyon.
Aniya, humigit-kumulang 60% ng Laguna de Bay ang okupado sa pagpapakain ng mga fish cage para sa mga pribadong korporasyon sa kasalukuyan
Maaaring magpatuloy ang pagbaba ng produktibidad ng sektor ng pangisdaan kung hindi matutugunan ang mga suliraning kinakaharap nito. Karamihan sa mga suliraning ay pawang bunga ng mga pang-aabuso sa kalikasan. Sa tuluyang pagkasira ng mga yamang tubig ng bansa, ang tumitinding lawak ng reklamasyon at dredging sa Manila Bay.
Marapat na itigil na ng pamahalaan ang importation measure na nagmumula sa liberalization policy na nagdudulot lang ng malubhang pinsala sa ating nahihirapang industriya ng pangingisda at higit sa lahat titindi ang banta sa buhay at kabuhayan ng mga mamamayang direktang umaasa sa pangisdaan.
Maraming mga paraan na maaaring gawin ng pamahalaan upang mapangalagaan ang mga isyung kinakaharap ng sektor ng mangingisda na karapat-dapat lamang bigyang-diin sa pagtalakay sa kalagayan ng bansa.
Hanggang ngayon, nananatiling isa sa pinakamahirap na sektor ang mga mangingisda sa kabila ng ating malawak na karagatan at saganang yamang dagat. Sumasalamin ito sa kapabayaan ng pamahalaan na tugunan ang mga batayang pangangailangan ng sektor.