Marcos Jr., bingi pa rin sa panawagan ng mga tsuper


Nasa 36,217 na yunit ang hindi pa nakokonsolida at inaasahang tataas pa dahil sa patong-patong na mga isyu na kinakaharap ng mga tsuper, opereytor at komyuter dala ng kakulangan ng pag-aaral sa programa.

Nagprotesta laban sa pagpapatuloy ng Public Transportation Modernization Program (PTMP) o dating kilala bilang Public Utility Vehicle Modernization Program ang grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston) matapos hindi pansinin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang resolusyon ng Senado na suspendihin ang implementasyon ng programa.

Kinuwestyon ni Mody Floranda, pangulo ng Piston, ang pagbanggit ng pangulo na hindi maaaring ang 20% ng hindi pa nakokonsolida ang magdedesisyon sa pagpapatuloy ng programa.

“Nakakapagtaka na ginamit ni Bongbong Marcos ang sinasabi ng LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) na halos [ng] nag-comply na ay umabot na sa 80%,” aniya.

Tinatayang nasa 36,217 pa ang bilang ng mga hindi pa nakokonsolida at inaasahang tataas pa dahil sa patong-patong na mga isyu na kinakaharap ng mga tsuper, opereytor at komyuter dala ng kakulangan sa pag-aaral sa programa.

Kinondena rin ni Allan Figueroa, isang tsuper, ang pagpapatuloy ng PTMP. Aniya, bukod sa walang tulong na natatanggap ang mga tsuper mula sa gobyerno, lalo sa mga panahon ng sakuna, mas lalo pa silang malulugmok sa pagpapatuloy ng program.

“Ngayon po, aalisin po ang aming kabuhayan. Babalik na naman kami sa kalsada para mamalimos. ‘Yon ba ang gustong ipakita ng pangulo natin na mamalimos ang maliliit at maralitang jeepney driver?” ani Figueroa.

“Sa ginagawa ng gobyerno sa amin, aalisin ang aming prangkisa, ng mga opereytor namin, paano po kaming mga drayber? Saan po kami pupulutin?” dagdag pa niya.

Dagdag naman ni Jerome Adonis, secretary general ng Kilusang Mayo Uno, palpak ang implementasyon ng PTMP sa kabila ng pagka-delay nito.

“Para sa [mga manggagawa], ang ibig sabihin ng pitong beses na delay, palpak. Wala ng ibang paliwanag. Palpak ang programa kaya nadedelay,” aniya.

Dagdag pa niya, malaking sampal sa Senado ang hindi pagkilala ni Marcos Jr. sa resolusyon.

“Minaliit ni Bongbong Marcos ang ginawang series of hearing sa Senado samantalang napatunayan [na] valid ‘yong mga sinabi ng ating mga opereytor [at] mga kasamahan sa transport sector na mayroong malaking problema kaya ito ay nagko-cause ng napakatagal na delay,” aniya.

Patuloy naman ang mga grupo ng transportasyon sa pagsasagawa ng mga welga at protesta sa buong bansa laban sa patuloy na pagpabor ng pangulo sa pagpapatuloy ng programa.