Naipit sa gulong ng huwad na modernisasyon
Sa kabila ng sapilitang konsolidasyon, nanatili pa ring buo ang desisyon ng mga drayber na huwag palitan ng modernized jeep ang kanilang mga tradisyonal yunit.
Bahagi na ng kultura ng mga Iskolar ng Bayan ang pagsakay sa mga dyip sa kampus ng University of the Philippines (UP) Diliman at malaking papel ang ginagampanan nila bilang bahagi ng komunidad.
Ngayon, dahil sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), nagbabadya ang malaking pagbabago para sa mga tsuper sa kampus dulot ng puwersahang jeepney consolidation.
Sa datos ng Transport Management Office ng UP Diliman, aabot sa 170 yunit sa rutang UP Ikot ang nagpakonsolida at umanib sa kooperatiba sa takot na hindi makabiyahe sa loob ng unibersidad. Kabilang sa mga kooperatibang sinalihan ng mga tsuper ang Sellers Cooperative (Selco), Maroon Riders Transport Cooperative at North UP Campus Transport Cooperative.
Sa kabila ng sapilitang konsolidasyon, nanatili pa ring buo ang desisyon ng mga drayber na huwag palitan ng modernized jeep ang kanilang mga tradisyonal yunit. Anila, bukod sa mahirap itong ayusin kapag nasira, dagdag problema pa ito dahil hindi kakayanin ng mga opereytor ang presyo nito.
“Mas maganda talaga ‘yong tradisyonal. Ayaw namin ‘yong modernization na ‘yan [dahil] ‘pag nasira, maghihintay ng piyesa galing ibang bansa, ‘di mo pa puwedeng pakialaman,” ani Loreto Mendoza, tsuper sa rutang Pantranco-UP.
Dagok na kinakaharap
Malaking dagok para sa mga tsuper ng Ikot dyip ang panggigipit ng programa at kawalan ng sapat na suporta mula sa administrasyon ng UP.
“Pera? Wala. Puro ayuda na bigas, sardinas, mga de lata, gano’n lang,” ani Mendoza.
Aabot ng P3,700 ang registration fee ng mga drayber para sa pag-anib sa kooperatiba, at P12,500 naman ang bayad ng mga opereytor para sa pagpaparehistro ng kanilang sasakyan.
May ilang tsuper pa rin ang hirap punan ang bayad dulot ng matumal na biyahe sa loob ng pamantasan ngayong patapos na ang semestre.
Isa na lang dito ang mahigit 18 taon nang UP Ikot drayber na si Ariel Morales. Matapos ipatupad ang konsolidasyon sa unibersidad, problema niya kung paano kukumpletuhin ang bayad sa pagpapamiyembro sa kooperatiba.
“Kulang pa nga ako ng P1,700. Hindi pa nga kumpleto. Malaki eh, P3,700 kaya P2,000 muna binigay ko,” ani Morales.
Aminado siya na hindi sapat ang kinikita niya sa pamamasada lalo na’t may binabayaran pa siyang P900 na boundary. Ang resulta, P500 lang kada araw ang naiuuwi niyang kita.
“Minsan naaawa ang opereytor, pinapabawasan ang bayad sa boundary. Mga P700 na lang,” dagdag niya.
Mas malaki sana ang kikitain ni Morales kung sarili nilang dyip ang kanyang ipapasada. Ngunit dahil malaki ang gastos sa pagpapakonsolida, nakatengga na lang ito sa kanilang garahe.
“‘Yong nanay ko dati, may dyip, e hindi niya kinonsolida kaya nakatengga na. Ayaw niya rin [dalhin sa junk shop], kasi may sentimental value. Malaki kasi ang gastos kung mape-phase out, sayang ang pera. Baka ‘di pa nababawi [ang gastos], kuhain na,” sabi ni Morales.
Gastos rin ang iniisip ng ibang mga opereytor at tsuper sa loob ng UP. Wika ng opereytor ni Morales, hindi siya kukuha ng yunit kung ang mga kasalukuyang umaandar na mga modern jeep lang din naman ang ipapalit at kukuha lang siya kung gawang Pinoy ang ipapalit dahil mas mura ito kumpara sa mga imported na yunit.
Para naman kay Mendoza, mas mainam pa na iuwi sa kanilang probinsiya ang minamanehong dyip kaysa mapalitan ng bagong yunit.
“Ang buhay namin sa Isabela, mais, palay. E kung sa amin, may pakinabang pa [ang dyip]. ‘Di mo naman mabubuhat ‘yong kayang buhatin niyan e,” aniya.
Dapat pakinggan
Mahigit isang buwan matapos ang deadline sa pagpapakonsolida ng mga prangkisa ng dyip, inanunsiyo ng Department of Transportation na ituturing na kolorum na ang mga hindi konsolidadong yunit.
Ilan lang si Mendoza at Morales sa libo-libong tsuper na naghahangad na maibasura ang PUVMP dahil kaakibat nito ang perhuwisyo at pinansyal na problema na kalauna’y nakaapekto rin sa kanilang pamilya.
Nito lang Hun. 13, nagsagawa ng kilos-protesta ang mga tsuper at opereytor sa labas ng Korte Suprema kabilang na ang ilang UP Ikot drayber upang humiling ng temporary restraining order o pansamantalang pagpapatigil ng pagpapatupad sa PUVMP.
Bagaman nagpakonsolida, kaisang lumalaban ang mga tsuper at opereytor sa UP sa programang pilit na pumapatay sa kultura at kabuhayan ng masang Pilipino.