Resolusyon ng Senado na ipatigil ang jeepney phaseout, inisnab ng DOTr
Ani Mody Floranda, tagapangulo ng Pagkakaisa ng Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), pinagkakakitaan lang ng mga dayuhan at malalaking kompanya ang programa.
Inaprubahan ng 22 senador ang resolusyon para sa panandaliang suspensiyon ng implementasyon ng Public Transport Modernization Program (PTMP) na dating kilala bilang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.
Nanindigan naman ang Department of Transportation (DOTr) na magpapatuloy ang implementasyon ng programa ayon na rin sa direktiba ng Malacañang.
Ayon sa resolusyon, 19% o 36,217 na PUV ang hindi pa nakokonsolida sa kabila ng pagpapalawig ng deadline nito mula Disyembre 2023 sa Abril 30 ngayong taon.
Inaasahan din ang posibleng patuloy na pagtaas ng numero ng mga hindi nakokonsolida dahil sa mga ulat na may mga drayber at opereytor na nagpasa na ng petisyon upang bawiin ang kanilang pagiging kasapi sa kooperatiba dahil sa mismanagement.
Ani Mody Floranda, tagapangulo ng Pagkakaisa ng Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), pinagkakakitaan lang ng mga dayuhan at malalaking kompanya ang programa.
“Kung talagang seryoso ang gobyerno sa usapin ng pagsasaayos ng ating public transport, dapat ang unahin ng ating pamahalaan ay mag-create o magtayo tayo ng sarili nating industriya at tayo mismo ‘yong lumikha ng mga makina dito sa ating bansa,” aniya.
“Sino ang may kapasidad na makapag-avail ng ganyan na katataas na halaga ng mga sasakyan kundi ‘yong mga nagkukunwari na malalaking mga negosyante na pumapasok sa industriya ng public transport dito sa ating bansa,” dagdag pa niya.
Tinatayang umaabot ng P2.6 milyon hanggang P3.3 milyon ang mga bagong yunit ng imported na mini bus. Gayundin, iniinda ng mga tsuper at opereytor ang mga piyesa ng mga mini bus na mahal at inaangkat pa mula sa ibang bansa.
Ituturing namang colorum at maaaring multahan o ma-impound kapag nagpatuloy sa pamamasada ang mga drayber at opereytor na hindi nakapagkonsolida.
Ngunit dahil sa patuloy na mababang numero ng mga nakonsolida, napilitan ang Land Transportation Franchise Regulatory Board (LTFRB) na payagan ang mga hindi nakonsolidang yunit ng jeep at UV Express na mamasada sa 2,500 ruta.
Habang napaso na ang deadline ng konsolidasyon, may hanggang 2026 pa ang DOTr at mga pamahalaang lokal upang makabuo ng kompletong Local Public Transport Route Planning (LPTRT) na isa sa esensiyal na sa implementasyon ng programa.
Ayon na rin sa resolusyon, patunay ang mga isyu na ito na may pangangailangan pa sa kagyat na rebyu at assessment sa epekto ng PTMP na maaaring makaapekto sa mga tsuper at komyuter.
Patuloy namang ipinananawagan ng Piston na mag-withdraw na ang mga nagpasa ng aplikasyon sa konsolidasyon at maibalik na ang limang taong indibidwal na prangkisa. Giit pa ng grupo, dapat tuluyan ng ibasura ang PTMP.
Nanawagan din si Floranda na ipakita ang lakas ng mahigpit na pagkakaisa ng mga drayber, opereytor at komyuter para tuluyang ibasura ang huwad na modernisasyon.
“[Ito resolusyon ng Senado] ay papunta pa lamang kay [Ferdinand Marcos Jr. at] kailangan natin itulak ang administrasyon na talagang tuldukan na itong programa ng [PTMP], sapakat talagang maraming [magdurusa], maraming mawawalan ng kabuhayan,” sabi ni Floranda.