Shiminet
Batikusin ang hindi katanggap-tanggap at huwag palampasin ang aroganteng pag-uugali ng mga dapat na nagsisilbi sa mamamayan.
Hayaang pagtawanan ang kamalian o anumang kahinaan ng mga nasa kapangyarihan. Basta’t nasa lugar at may malalim na pinaghuhugutan, may politikal na halaga ang pagpuna sa paraang nang-aalaska.
Sa tradisyon ng “Fray Botod” (1874) ni Graciano Lopez Jaena, ipagpatuloy ang paglalarawan sa mga tiwali sa simbahan at gobyerno bilang bundat dahil sa sobrang katakawan sa kapangyarihan at tawag ng laman. Dahil patuloy pa rin ang kolonyal na mentalidad, posible ring ituloy ang kuwento nina Tony Velasquez (ilustrador) at Romualdo Ramos (manunulat) na pinamagatang “Kenkoy” (1929), isang katawa-tawang pakikibaka ni Francisco “Kenkoy” Harabas na gayahin ang mga Amerikanong mananakop.
Sa kasalukuyang rehimeng pinamumunuan ng anak ng diktador, maraming mga karakter na pagmumulan ng malawakang pagkondena’t pagtawa. Maraming kuwento tungkol sa magkaibigang tigre ng norte at agila ng timog na ngayo’y magkaaway na. ‘Yong tinaguriang pulahan, wagas sa red-tagging. ‘Yong mahilig sa berde, umaasta namang dugong bughaw. Pero teka lang. Walang pagkakaiba ang pula’t berde sa konteksto ng nagkukunwaring monarkiya habang binabansagang komunista’t terorista ang sinumang kontra sa kanila.
May mga kamag-anak ang Pangulo’t Pangalawang Pangulo sa ilang sangay ng pambansa’t lokal na gobyerno. Gayundin ang kaso sa kanilang mga kaalyado sa politika na paulit-ulit lang ang mga apelyido sa listahan ng matataas na opisyal sa mga ahensiya ng gobyerno.
Kung tutuusin, posibleng magkaroon ng sesyon sa Palasyo tuwing almusal, tanghalian, meryenda at hapunan. Normal na siguro ang eksenang ito: Kinakausap ng amang Pangulo ang anak na kongresista. Nakikinig naman ang kapatid na Senador at ang pinsang House Speaker (katabi ang asawang kongresista din); maya-maya pa’y darating ang lolang dating Unang Ginang ng pinatalsik na diktador dahil tumawag daw ang dalawa nilang kamag-anak mula sa Ilocos Norte (‘yong gobernador at pangalawang gobernador lang naman!).
Habang patuloy nilang pinagkakaitan at pinahihirapan ang marami, kunin ang lahat ng pagkakataon para sila’y birahin at singilin, kahit nangangahulugan ito ng pagkawala ng kanilang pagkatao. Anong klaseng tao ba naman kasi ang puro kahayupan ang nasa katawan?
Samantala, magkasama ring kumakain ang Pangalawang Pangulo kasama ang amang dating Pangulo, ang kapatid na alkalde at ang isa pang kapatid na kongresista. Masarap kaya ang ulam nila? Kung makikiuso sa trending topic ngayon, “Shimenet like it!”
Shimenet. Ah, “she may not” pala. Katatapos lang kasi ng pagdinig sa Kamara tungkol sa panukalang badyet ng Office of the Vice President (OVP) at napakaraming tanong ang ilang kongresista. Katwiran ng Pangalawang Pangulo, sinubukan niyang sagutin ang mga ito kahit na hindi gusto ng mga nagtanong ang kanyang mga sagot. “She may not like my answer. She may not like how I answer. She may not like the content of my answer, but I am answering,” paliwanag niya sa wikang Ingles.
Naging katatawanan ang mabilis na pagbigkas niya ng “she may not” kaya ipinanganak ang salitang shiminet (pati na ang ilang variants tulad ng shimenet, sheminet at shimenat). Ang tanong sa puntong ito, tama bang pagtawanan nang wagas ang ganitong mabilisang pananalita?
Kung ang sagot ay oo, kailangan ding pagtawanan ang tendensiyang binibigkas ng maraming Pilipino ang letrang P sa mga Ingles na salitang may letrang F (e.g., pish, prench pries, electric pan). May mga lugar na hindi nabibigkas ang ilang letra tulad ng H (e.g., ayup, angin). Tandaan din ang ilang lugar na naririnig ang mga salitang “obosen” at “komonesta.” Maherap makalemotan, hindi ba?
Tandaan sana nating may partikular na konteksto ang mga “maling” pagbigkas. Higit pa sa dami ng wika sa Pilipinas ang mga punto (accent) ng kapwa Pilipino. Hindi ba’t kahit sa wikang Tagalog ay magkaiba ang punto ng Manilenyo at Batangueño? Ilang beses na bang inakala ng isang taga-Maynilang katulad ko na tila galit kung magsalita isang Kapampangan (paumanhin po)? Ilang beses na rin bang inakalang napakamayumi ng pananalita ng isang Ilonggo (muli, paumanhin po)?
Napakayaman ng mga wika sa Pilipinas at marami tayong matututuhan basta’t bukas ang ating isipan. Totoong maraming dapat singilin sa mga nasa kapangyarihan, lalo na ang Pangulo’t Pangalawang Pangulo, pero huwag sanang gawing katatawanan ang pananalitang mula sa kanilang lugar na kinagisnan.
Kung magpapatuloy ang tinaguriang “imperyalismo ng Maynila” sa panlalait sa mga “tagalabas” na may punto, posibleng angkinin ang salitang “shiminet” ng mga taga-suporta ng Pangalawang Pangulo para magmukha siyang kawawa sa kabila ng marami niyang kakulangan sa pamamahala. Hindi dapat mangyari ito, lalo na’t malinaw na sariling interes lang ang kanyang itinataguyod sa kanyang ‘di umanong serbisyo publiko.
Batikusin ang hindi katanggap-tanggap at huwag palampasin ang aroganteng pag-uugali ng mga dapat na nagsisilbi sa mamamayan. Habang patuloy nilang pinagkakaitan at pinahihirapan ang marami, kunin ang lahat ng pagkakataon para sila’y birahin at singilin, kahit nangangahulugan ito ng pagkawala ng kanilang pagkatao. Anong klaseng tao ba naman kasi ang puro kahayupan ang nasa katawan?
As an agila, shiminet like pusit but that’s what she is. Makapangyarihan ang salita kung makakapukaw ng diwa. Iwasan lang sana ang mababaw na katatawanan sa patuloy na pagpapalalim at pagpapalawak.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com