#KuwentongKabataan

Uhaw na mamamayan


Sa isang bahagi ng Kamaynilaan kung saan tanaw ang karagatan, matatagpuan ang Baseco Compound sa Port Area kung saan kami naninirahan. Bagaman malapit sa dagat, nagdurusa kami sa kakulangan ng suplay ng tubig.

Ang tubig, isang biyayang kaloob ng Maykapal, nagbibigay-buhay at sigla sa bawat nilalang sa mundo. Sa kabila nito, may mga lugar sa ating bansa na tila pinagkaitan ng biyaya.

Sa isang bahagi ng Kamaynilaan kung saan tanaw ang karagatan, matatagpuan ang Baseco Compound sa Port Area kung saan kami naninirahan. Bagaman malapit sa dagat, nagdurusa kami sa kakulangan ng suplay ng tubig.

Naalala ko pa ang araw ng aming pagbabalik sa bahay, halos walang kaalam-alam sa bagong simula na nag-aantay sa amin. Matapos ang napakalaking sunog na sumira sa aming tahanan, nagkaroon kami ng pag-asa nang matapos ang aming bagong bahay. Agad naman napalitan ng kalungkutan at pighati ang ligaya ng bagong simula nang dumating ang isang bagong pagsubok. Nang buksan namin ang gripo, wala ni isang patak ng tubig ang tumulo

Noong una, inakala naming pansamantala lang ang problema sa tubig. Bumili kami ng malaking water pump sa pag-asang aabot sa amin ang tubig. Ngunit sa kabila ng aming pagsisikap, wala pa rin kaming regular na nakukuhang tubig mula sa gripo. May tubig lang sa amin mula alas-tres hanggang alas-singko ng madaling araw. Sa paglipas ng panahon, pati itong kakaunting suplay, nawala pa. 

Malaking abala sa aming pang-araw-araw na buhay ang kawalan ng tubig. Bagamat abala sa kanilang mga trabaho, wala nang ibang magawa ang mga magulang ko kung hindi magsakripisyo at maglaan ng oras para makahanap ng alternatibong mapagkukunan ng tubig.

Ako, bilang isang estudyante, natutunan kong mag-adjust sa aking oras at gawain. Naging malaking hamon sa akin ang mga simpleng aktibidad tulad ng pagligo, pagluluto at paglalaba. Dahil sa perhuwisyong ito, lagi kaming puyat at pagod, isang kalagayan na sana’y naiwasan kung nabigyan lang  kami ng tamang serbisyo at atensiyon.

Dapat managot ang gobyerno at ang mga responsable sa pamamahala ng suplay ng tubig sa kalbaryong dinaranas namin. Karapatan ng lahat ng tao ang magkaroon ng mapagkukunan ng tubig. Hindi tama na magtiis kami o kahit sino pa sa ganitong sitwasyon. Bakit patuloy na naghihirap ang mga simpleng mamamayan tulad namin habang ang mga nasa kapangyarihan tila walang pakialam?

Minsan, hindi ko maiwasang mapatanong: Sinasadya ba nilang gawin ito upang magpaalis ng tao, o talagang kulang lang ang serbisyo? Ang sakit ng mga tanong na ito at pinapakita nila ang kawalan ng katarungan sa ating lipunan. Bakit hindi pinapakinggan ang panawagan ng simpleng mga tao, habang agad na inaaksyonan kapag galing  sa mayayaman?

Ang aking karanasan ay hindi lang kuwento ng kakulangan sa tubig kundi isang paalala sa kahalagahan ng makatarungan at tapat na serbisyo publiko. Sa tuwing tumitigil ang daloy ng tubig sa aming gripo, nagiging malinaw ang pangangailangan para sa mas mahusay na pamahalaan na tunay na naglilingkod sa kapakanan ng bawat mamamayan. 

Gayunpaman, sa bawat pagsubok at hamon, hindi kami sumusuko. Patuloy kaming naniniwala at nagtitiwala na darating ang araw na mananaig ang katarungan at maririnig ang aming mga tinig.