Talasalitaan

Ulat sa bayan ng pangulo


Nagsisilbing paraan upang ipaalam sa bansa ang kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya, pampolitika at panlipunan.

Ulat sa bayan ng pangulo – Nagsisilbing paraan upang ipaalam sa bansa ang kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya, pampolitika at panlipunan. Isa-isang ipapaliwanag ang mga programa o proyekto ng pamahalaan na may kaugnayan sa mga sektor, mga programa o proyekto, o patakarang pang-ekonomiya.

Sa ulat ng pangulo noong Hul. 22, hugas kamay si Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang talumpati.

Ayon kay Cathy Estavillo, secretary general ng Amihan National Federation of Peasant Women, patuloy na binubudol ni Marcos Jr. ang sambayanang Pilipino kaya dapat maningil na ang mamamayan.

Ito ang iginiit ng kababaihang magsasaka na kabilang sa mga nagsagawa ng malakihang kilos-protesta kasabay ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Marcos Jr.

“Dapat singilin si Marcos Jr. sa patuloy na pambubudol nito sa mamamayang Pilipino na ‘di umano bababa ang presyo ng bigas. Hanggang ngayon, walang P20 kada kilong bigas,” ani Estavillo.

“Kung sinuportahan ng gobyerno ang mga magsasaka at pinalakas ang lokal na produksiyon, lumikha pa sana ito ng bilyon-bilyong pisong halaga na mapapakinabangan ng mga magsasaka at mga maralita sa kanayunan. Pinipilit pa rin ni Marcos ang Executive Order 62 na sagot sa pagbaba ng presyo ng bigas pero mas lalo lamang papatay sa lokal na industriya,” litanya pa ni Estavillo.

Ang talumpati ni Marcos Jr. ay pasiklab sa mga politiko, elitista, mga bilyonaryo, milyonaryo, mga opisyal ng gobyerno, malalaking negosyante at mga negosyanteng dayuhan.

Ampaw na ulat sa bayan ang lahat ng mga sinabi ni Marcos Jr. Walang malinaw at kongkretong mga detalye. Tulad sa mga mapanlilang na pahayag sa edukasyon. Hindi nakita ang kakulangan ng mga silid aralan sa lahat ng panig ng bansa.

Mataas pa din ang food inflation, kulang din ang usapin ng sahod para sa mga manggagawa at guro. May mga nakasuhan na bang mga kartel, smuggler at hoarder ng bigas at sibuyas?

Sa talaumpati ni Marcos Jr., sa nilalaman pa lang ay hindi na akma o nakalapat sa reyalidad para sa mga milyon-milyong Pilipino.

Ano nga ba ang nangyayari sa buhay ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, kababaihan at iba pang sektor sa lipunan. Ramdam ba ng mga milyon-milyong Pilipino ang kaginhawaan?  

Mataas pa rin ang ang presyo ng mga bilihin at bayarin sa kuryente at tubig subalit mababa pa rin ang sahod ng mga manggagawa, walang lupa ang mga magsasaka, marami pa rin dukha sa bansa, matinding kawalan ng trabaho at kontraktuwalisasyon. 

Kung totoo ang ulat sa bayan ni Marcos Jr. na bumaba ang mga mahihirap. Bakit sa isang survey ng Social Weather Stations (SWS) na 58% (o humigit-kumulang 19 milyong) ng mga pamilyang Pilipino ang nadama na mahirap sila sa isinagawang survey mula Hun. 23 hanggang Hul. 1?

Sinabi ng SWS na ang bilang ng mga pamilyang mahirap ay pinakamataas sa Mindanao na 71%. Sinundan ng Visayas na 67%, Balance Luzon sa labas ng Metro Manila na 52% at Metro Manila na 39 %.

Pumopostura pang makabayan ang kanyang talumpati para sa kanyang sarili sa paggigiit ng soberanya ng Pilipinas. Ang linyang “Ang West Philippine Sea ay hindi kathang-isip natin lamang” at “Ito ay atin” habang sinusunod nito ang utos ng mga polisiya at tratadong pinasok ng gobyerno sa imperyalistang amo niyang Kano. Kasama na dito na gawing base militar ng Amerika ang Pilipinas para hilahin ang bansa sa giyera nito sa China.

Madalas rin natin marinig sa mga nagdaan pangulo ang ulat sa bayan ay pawang matagumpay o accomplishment na may pagyayabang subalit walang umaamin sa kapalpakan. Bigo ang mga pangakong ibinibida sa ulat sa bayan ng pangulo dahil hanggang ngayon, hikahos pa rin ang milyon-milyon Pilipino.

Inaliw ni Marcos Jr. ang mga nakikinig sa kanyang talumpati, ngunit walang malinaw,  kongkreto at tunay na lunas sa problema ng bansa sa kanyang iniulat. Walang malinaw solusyon para sa pang-araw-araw na problemang panlipunan at pangkabuhayan ng mamamayan.

Nakaamba pa rin ang pampolitikang panunupil at terorismo ng estado. Lumalala pa din ang gutom, pagpatay at pagkulong sa mga aktibista.