Konteksto

Wika


Ito ang panahong dapat na mapaisip tayo: Bakit kailangan ng espesipikong “Buwan ng Wika” para ipagmalaki ang sariling atin?

Agosto. Buwan ng Wika na naman. Asahan ang paulit-ulit na diskurso tungkol sa kahalagahan ng wika. May pag-engganyo sa mga mag-aaral para gamitin ang wikang Filipino. Suspendido na naman siguro ang “English-only policy” sa paaralan (kung mayroon man) para hayaan ang lahat na pansamantalang huwag gumamit ng dayuhang wika.

Pero pagkatapos ng Agosto, ano na? Siyempre, balik na naman sa Ingleserong gawi para sa mga paaralang ipinagyayabang ang kagalingan sa wikang Ingles. Halimbawa, “An English Speaking School” ang nakasulat sa billboard ng isang paaralang malapit sa bahay namin. Aba, mayroon pa ring mga “English-speaking zone” sa ilang unibersidad na naiimbitahan akong magtalumpati.

Ito ang panahong dapat na mapaisip tayo: Bakit kailangan ng espesipikong “Buwan ng Wika” para ipagmalaki ang sariling atin? Hindi ba’t dapat lang na araw-araw nating ineengganyo ang publikong gumamit ng wikang hindi hamak na mas madaling maintindihan kumpara sa dayuhang wika? Paano nangyari ang sitwasyong mas pinagtutuunan ng pansin ang English proficiency at hindi nagkakaroon ng malalimang pagsusuri sa Filipino proficiency?

Kahit na may mahalagang papel ang midya’t paaralan sa pagpapaunlad ng wikang Filipino, may malaking responsibilidad pa rin ang gobyerno, lalo na ang mga ahensiyang may kinalaman sa kultura’t edukasyon. Ano ang malinaw na programa hinggil sa wikang Filipino? May ginagawa bang hakbang para gamitin ito nang malawakan sa mga paaralan at iba’t ibang sangay ng gobyerno? May kaukulang badyet ba para sa promosyon ng wika’t kultura?

Para sa School Year 2024-2025, tatanggalin na raw ang “mother tongue” (o sariling wika) bilang hiwalay na sabjek sa bagong lunsad na MATATAG K-10 Curriculum. Nakakalito raw kasi ito sa pagtuturo dahil may isa pang sabjek na Filipino (lalo na para sa mga paaralang nasa mga lugar na gumagamit ng Tagalog). Teka, hindi pa ba malinaw sa mga nasa kapangyarihan ang pagkakaiba ng wikang pambansa at ng sariling wika?

Kahit na may mga nagsasabing “Tagalog-based” ang wikang Filipino (na hanggang ngayo’y pinagdedebatehan pa rin ng mga eksperto), kailangan pa rin ang pagtuturo ng sariling wika na hiwalay sa sabjek na nakatutok sa kahalagahan ng wikang Filipino, lalo na sa yaman ng iba’t ibang wika sa Pilipinas. Mahalagang malaman ang mga Pilipinong mag-aaral na may mahigit 100 wika sa ating bayan bukod pa sa sariling wika. Kung mahusay ang pagtuturo ng “mother tongue” at Filipino, magkakaroon ng motibasyon ang mga estudyanteng pag-aralan ang iba pang wika. Posible pa ngang mas magkaroon ng interaksyon ang kabataang kausapin ang mga kaklaseng mula sa ibang probinsya para matuto hindi lang ng ibang wika kundi ng ibang kultura.

Siyempre, mas madali itong sabihin kaysa gawin. Ang pundamental na problema sa lumang programang K-12 at sa bagong MATATAG K-10 Curriculum ay ang layunin ng mga itong ihanda ang mga mag-aaral na magkaroon ng sapat na kakayahan at kaalaman para makapasok sa trabaho kahit na hindi nakatuntong sa kolehiyo. Dahil sa ganitong oryentasyon, hindi na masyadong pinagtutunan ng pansin ang kritikal na pagsusuri. Kung tutuusin, tinitingnan pa nga itong balakid dahil hindi ito magugustuhan ng mga may-ari ng negosyong nais na kumuha sa mga gradweyt ng programang K-12 o K-10. 

Sa ganitong konteksto natin dapat suriin kung bakit wagas kung mang-red-tag ang dating Kalihim ng Edukasyon sa mga mag-aaral at gurong kritikal na mag-isip. Natatandaan pa ba natin ang desisyon noon ng ilang opisyal ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na huwag nang ituloy ang paglilimbag ng ilang publikasyong sa tingin nila’y subersibo? May kaugnayan ito sa klase ng edukasyong nais na ikintal sa kabataan—masunurin, maamo, madaling mapa-oo at handang tanggaping tama ang anumang mali basta’t galing sa gobyerno.

May susing papel ang paggamit ng wikang Filipino sa pagpapaunlad ng kaisipan, lalo na ang pagkakaroon ng kritikal na tindig hinggil sa nangyayari sa lipunan. Kaya ang mga pabalat-bungang pagyakap ng gobyerno sa wika tuwing Agosto ay walang patutunguhan dahil ayaw nitong maging kritikal ang mamamayan. Ang kabulukan sa pormal na edukasyon ay mapupunan lang sa alternatibong edukasyong nakukuha sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan. Asahang hindi uso ang wikang Ingles para sa mga “tagalabas” dahil alam nilang wikang Filipino ang instrumento ng pagmumulat—mula kalunsuran hanggang kanayunan.

Buwan ng Wika. Ngayong Agosto, gawin natin itong buwan ng tunay na paglaya.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com