56
Salamat sa naging pagkilos ng nagkakaisang mamamayan na nagresulta sa pagpapatalsik sa diktador noong 1986, naramdaman ko ang kasiyahan bunga ng pagiging nasa tamang bahagi ng kasaysayan.
Ilang araw na lang ang pagiging 55 dahil 56 na ako sa Setyembre 21. Opo, lumaki ako sa gitna ng kaguluhan dahil nagkataong ikaapat na taong kaarawan ko ang nakasulat na petsa sa Proklamasyon Blg. 1081 (i.e., Setyembre 21, 1972).
Batas Militar. Binalot ng kadiliman ang bayan sa gitna ng karahasan at kasakiman ng diktador na si Marcos Sr. Mula 1972 hanggang 1986, humaba nang humaba ang listahan ng mga biktima ng paglabag sa karapatang pantao. Ayon sa Human Rights Violations Victims’ Memorial Commission (HRVVMC), umabot sa 11,107 biktima ng Batas Militar ang may mga aprubadong claim para sa kompensasyon sa ilalim ng Human Rights Reparation and Recognition Act of 2013. Siyempre’y mas marami pa ang aktuwal na biktima, batay sa datos ng Amnesty International (tandaan ang numerong ito: 107,240).
Malamang na sasabihin ng mga dumedepensa sa mga Marcos na “fake news” ang karahasan at kasakiman dahil naranasan daw ng Pilipinas ang “Golden Age” sa panunungkulan ni Marcos Sr. Ipagyayabang nila ang Cultural Center of the Philippines at ang San Juanico Bridge bilang ebidensiya ng kaunlaran. Lalaitin nila ang mga nasa kritiko ni Marcos dahil ayaw nila sa disiplina at nais nilang manatili sa lumang lipunan.
Bagong Lipunan. Kahit ang mga estudyanteng nasa elementarya noon, kabisado ang kanta: “May bagong silang/May bago nang buhay/Bagong bansa, bagong galaw/Sa bagong lipunan/Nagbabago ang lahat tungo sa pag-unlad/At ating itanghal, bagong lipunan…” Tuwing flag ceremony sa maraming paaralan, kasama itong kinakanta para ipagbunyi ang Batas Militar.
Napapanood sa telebisyon at naririnig sa radyo ang patalastas ng gobyerno: “Sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan.” Naging normal ang pagkakaroon ng curfew para ‘di umano sa kaligtasan ng lahat. Para sa mga batang lalaking katulad ko, pinilit kaming magkaroon ng maikling buhok para hindi mapagkamalang komunista. May pananakot na baka hulihin ng pulis (Metrocom noon) kapag mahaba ang buhok.
Dahil sa anti-Marcos na tindig, pinagalitan ako ng punong-guro at sinabihang malaking kahihiyan sa paaralan ang paniniwala ko. May pagbabanta pa ngang hindi raw ako makakapagtapos nang may pinakamataas na karangalan kahit na malinaw namang matataas ang grado ko.
Sa murang edad, naniwala akong maganda ang Batas Militar dahil nagkaroon ng disiplina ang mga Pilipino. At batay sa mga ulat, gumanda ang ekonomiya, pati na ang kalagayan ng mga ordinaryong mamamayan. Paulit-ulit din ang pasasalamat ng maraming nakatatanda dahil sa mga programang tulad ng Kadiwa at Masagana 99. “Salamat sa Kadiwa dahil sa murang bilihin. Salamat sa Masagana 99 dahil gumanda ang buhay ng mga magsasaka.” Golden Age talaga, kung paniniwalaan ang naratibo ng diktador.
Pero siyempre, lalabas at lalabas din ang katotohanan. Kahit kakaunti lang ang kopya, umusbong ang alternatibong midya (“mosquito press” ang tawag ni Marcos Sr. sa kanila) tulad ng WE Forum at Malaya, pati na ang satirikong publikasyong Sic of the Times. Kahit sa ilang dominanteng midya tulad ng GMA 7, sumulpot ang ilang anti-Marcos na komentaryo mula sa mga artista. Maging ang ilang news anchor, nahalata ang pagsimangot sa kanilang pagbasa ng ‘di umanong magandang balita. At kahit na mayroon Board of Censors noong panahong iyon, nakalusot pa rin ang ilang pelikula tulad ng Batch 81 na may mapanlikhang pag-atake sa Batas Militar. Inilimbag naman ng Focus Magazine ang tulang Prometheus Unbound ni Ruben Cuevas (alias ni Jose F. Lacaba) na akrostikong mensaheng “Marcos Hitler Diktador Tuta.”
Salamat sa alternatibong midya, nagkaroon ng diskursong hindi hamak na mas progresibo kumpara sa dominanteng naratibo. Tinapatan ang propaganda ni Marcos Sr. ng pag-uulat at paglalarawan ng realidad mula sa laylayan. Nagkaroon ng matalas na pagsusuri at walang takot na pag-uungkat ng epekto ng Batas Militar.
Sa pagtuntong sa high school, unti-unti akong namulat. Naging bahagi ng Student Advisory Board na kontrolado ng administrasyon ng paaralan at nanawagang ibalik ang student council na bawal noong panahong iyon. Nang sinabi ni Marcos Sr. noong 1985 na magkakaroon ng snap election para piliin ang susunod na pangulo, ikinampanya ko ang oposisyon sa pangunguna ng kandidatong si Cory Aquino. Dahil sa anti-Marcos na tindig, pinagalitan ako ng punong-guro at sinabihang malaking kahihiyan sa paaralan ang paniniwala ko. May pagbabanta pa ngang hindi raw ako makakapagtapos nang may pinakamataas na karangalan kahit na malinaw namang matataas ang grado ko.
Salamat sa naging pagkilos ng nagkakaisang mamamayan na nagresulta sa pagpapatalsik sa diktador noong 1986, naramdaman ko ang kasiyahan bunga ng pagiging nasa tamang bahagi ng kasaysayan. At dahil nagtapos ako sa high school sa taon ding iyon, iba ang pakiramdam ng pag-awit sa araw ng pagtatapos ng “Bayan Ko” sa halip na “Bagong Lipunan.”
Musmos noong Batas Militar, binatilyo noong pinalayas ang diktador. Mula 1986 hanggang sa kasalukuyan, ang bawat kaarawa’y may halong personal na saya at politikal na pag-alala sa mga biktima ng karahasan. Sa pagbabalik ng mga Marcos sa Malakanyang noon 2022 (sa mismong ika-50 taong pag-alala sa Batas Militar!), patuloy pa rin ang sigaw ng “Never Again!”
Sa okasyon ng aking ika-56 na taon sa mundong ibabaw, patuloy ang malalim na pag-alala at pagpapaalala lalo na sa kabataan. Panatilihing nasa tamang bahagi ng kasaysayan.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com.