Talasalitaan

Poverty threshold


Halaga ng kita na maaaring makatugon sa pinaka-minimun na pagkain at iba pang pangangailangan ng isang tao o pamilya. Kasama na rito ang damit, tubig, kuryente, upa sa bahay, transportasyon, komunikasyon, kalusugan, edukasyon at marami pang iba.

Poverty threshold – Halaga ng kita na maaaring makatugon sa pinaka-minimun na pagkain at iba pang pangangailangan ng isang tao o pamilya. Kasama na rito ang damit, tubig, kuryente, upa sa bahay, transportasyon, komunikasyon, kalusugan, edukasyon at marami pang iba.

Ipinagmalaki ng National Economic and Development Authority (NEDA) sa kuwenta nila sa P64 kada tao at kada araw na hindi na maituturing na mahirap ang mga Pilipino o nagkukulang sa pagkain. Sa kasalukuyan ang sukatan ng gobyerno ay nasa P21.30 bawat pagkain upang masukat ang kahirapan.

Inihayag naman ng Philippine Statistics Authority (PSA) matapos umani ng batikos ang nauna nilang inilabas na ang P64 kada tao kada araw bilang food threshold o sapat na halaga bawat araw para maituring hindi nagugutom ang isang tao.

Ngunit sapat nga ba ang sinasabi ng NEDA at PSA na natutugunan ng mga batayang pangangailangan ang bawat miyembro ng pamilyang Pilipino ang halagang P64?

Inalmahan ng National Nutrition Council na hindi sapat ang P64 na pagkain o katumbas ng P21.30 sa bawat kain, para sa isang tao upang makakuha ng kailangan niyang lakas at sustansiya sa katawan sa isang araw.

Binatikos naman ng independent think tank na Ibon Foundation na ang P64 na “food poor” threshold na itinakda ng NEDA ay “talagang masyadong minamaliit” ang poverty threshold sa bansa. 

Panawagan ni Ibon executive director Sonny Africa na dapat gumawa ang gobyerno ng Pilipinas ng mas makatotohanang diskarte sa pagkalkula ng food poverty threshold.

Mungkahi ni Africa na tanggalin ang P64 food povertythreshold at isaalang-alang ang mas makatotohanang mga gastusin at halaga ng pagkain para sa mga pamilyang Pilipino.

Minaliit naman ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) kamakailan ang bagong indibidwal na threshold ng gobyerno na ang P64 kada araw para sa tatlong beses sa pagkain para hindi maituring na “food poor” o hirap sa pagkain sa bansa.

“Dapat subukan ng NEDA na mamuhay ng P64 kada araw para sa pagkain sa loob ng isang taon, bago magkaroon ng konklusyon na ang ganoong halaga ay hindi nagpapahirap sa pagkain ng isang tao. Ang rehimeng Marcos [Jr.] ay napaka-out of touch sa reyalidad,” ayon kay Bayan president Renato Reyes.

“Ito ang uri ng pag-iisip na nagpapanatili sa mababang sahod at nagtatakip ng kahirapan sa bansa. Ang muling pagtukoy sa kahirapan ay hindi ito mawawala,” dagdag niya.

Kung susuriin ang 2023 Poverty Statistics ng PSA kamakailan, lumalabas na ang mga rehiyon na may mas mataas na inflation rate at mas mababa pa sa P450 ang arawang sahod ay siya ring mga rehiyon na marami ang bilang ng mga Pilipinong naghihirap.

Kung susumahin, hindi lumalayo sa halaga ng arawang gastusin sa National Capital Region ang gastos sa lahat ng rehiyon. Ang sahod na natatangap ng mga manggagawa sa mga rehiyon batay sa PSA at National Wage and Productivity Commission na may magkakaibang implasyon.

Tulad sa Bangsamoro Autonomos Region in Muslim Mindanao na may minimum wage na P361 at impalsyon na 5.7%; Zamboanga Peninsula, P381 at implasyon na 5.3%; Bicol, P395 at implasyon na 4.4%; Eastern Visayas, P405 at implasyon na 4.4%; Northern Mindanao, P438 at implasyon na 5.7%; Soccsksargen, P403 at implasyon na 4.6%; at Mimaropa, P395 at impalsyon na 5.0%.  

Dapat isaalang-alang ng gobyerno ang epekto ng implasyon at mga rehiyonal na kita kasama ang pangangailangan sa nutrisyon kapag kinukuwenta ang threshold na “hirap sa pagkain” na kinuwenta ng PSA ang P64 araw-araw.

Sa reyalidad, sinadya ng gobyernong Marcos Jr. at ng kanyang mga opisyal ang estadistika upang panatilihin ang mababang poverty threshold sa pagkain na P64 kada araw upang magtakda ng mababang pamantayan para baratin ang arawang sahod at pamumuhay ng mga Pilipino.

Inaakit din nito ang mga mamumuhunanm, gayundin para sa pamahalaan, na ang ambisyon nito na natutugunan ang kahirapan sa bansa. Ipinakikita rin ng gobyerno ang hindi pagkakapantay-pantay ang agwat ng mayaman at dukha. 

Guminhawa ba ang buhay ng mga mamamayang Pilipino sa ilalim ni Marcos Jr. kahit sabihin pa ng administrasyon at ng kanyang mga opisyales na bumabagal at bumababa ang implasyon? Hindi ramdam ng milyong mga Pilipino ang ginhawa, bagkus naghihikahos pa rin.

Sa taas ng mga presyo ng bilihin at gastusin at barat na sahod, hindi na kaya ng mga mamamayan ang poverty threshold na itinakda ng gobyerno para maituturing silang hindi mahirap.