Tsina
Kahit na sabihing may talibang papel (o vanguard role) pa rin ang partido ng mga komunista sa Tsina, sosyalista na lang sila sa retorika pero kapitalista na sa gawa.
Chaoyang, Beijing (Setyembre 27, 2024) – Kung ano ang tingin ko sa Tsina noon, walang nagbago kahit narito na ako ngayon.
Batay sa personal na obserbasyon, tuluyan na nitong tinalikuran ang sosyalismo noong panahon ni Mao Zedong. Nagwagi ang rebolusyon ng mga manggagawa’t magsasaka noong 1949 pero nagkaroon ng unti-unting restorasyon ng mga globalistang patakaran sa kanyang pagpanaw noong 1976.
Ngayon, mahigpit ang pagyakap sa kapitalismo kahit na marami pa ring restriksiyon sa pamumuhunan. Nagkalat ang mga Kanluraning produkto. Katabi lang ng hotel na tinuluyan ko ang McDonald’s. Maglakad lang nang kaunti, madaraanan ang KFC at Pizza Hut. At siyempre pa, mayroon ding 7-Eleven.
Tulad ng Pilipinas, nakikipagsabayan ang maliliit na negosyong Tsino sa mga higanteng dayuhang korporasyon. At tulad ng Pilipinas, tinatangkilik pa naman ang mga lokal na negosyong nagbibigay ng mga produkto’t serbisyo sa abot-kayang halaga. ‘Yong kinain kong noodles na nasa malaking mangkok, CNY27 lang (o PHP215.13). Hindi hamak na mas mura ito sa isang combo meal sa isang Kanluraning fast food na mahigit CNY40 (o PHP318.71).
Sa kabila ng globalisadong direksiyon, may ilan pa ring imahen ng nakaraan. Sa mga perang papel ng Tsina, prominenteng makikita si Mao. Opo, naaalala pa rin siya kahit kabaligtaran na ng mga itinuro niya ang ginagawa ng mga nasa gobyerno ngayon. Kahit na sabihing may talibang papel (o vanguard role) pa rin ang partido ng mga komunista sa Tsina, sosyalista na lang sila sa retorika pero kapitalista na sa gawa.
Kung ganito ang sitwasyon sa Tsina, binabasa pa ba ng kabataan ang librong “Quotations from Chairman Mao Tse-Tung” (o mas kilala bilang Little Red Book)? Mayroon pa kayang nagbabasa ng limang bolyum na “Selected Works of Mao Tse-Tung”, isang kalipunan ng kanyang mga sinulat mula 1926 hanggang 1957? Alam kaya ng maraming Tsino na mayroong Bolyum 6 hanggang 9 na inilabas ng Communist Party of India? Siguro naman, kahit na hindi ito awtorisado.
Awtoridad. Ramdam ko ang rehimen ng “kamay na bakal” sa maikling pagbisita rito. Kailangang magpakilala bilang guro at huwag masyadong ipagkalat ang pagiging peryodista. Kailangang huwag pag-usapan ang ilang sensitibong bagay hinggil sa relasyon ng Pilipinas at Tsina (sa madaling salita, huwag gamitin ang terminong “West Philippine Sea”). Bagaman wala namang bantang ikukulong kapag may narinig na hindi kanais-nais ang mga awtoridad, mainam na ring mag-ingat dahil nasa dayuhang bayan.
Pero siyempre, hindi maiiwasang mapag-usapan ang politika lalo na’t kaharap ang mga kapwa guro sa Tsina at iba pang bansa (at ang iba pa sa kanila’y katulad kong peryodista). Kapansin-pansin ang wagas na pagbatikos sa mga bansang may diktador, maliban sa Tsina. Pero alam naman ng lahat ang kalagayan ng midya rito sa kabila ng hindi pagkomento (sa ngayon).
Habang nakasakay sa eroplano mula Maynila papuntang Beijing, nagkaroon ako ng tsansang basahin ang Global Times na kontrolado ng Chinese Communist Party. Mahusay ang pagkakasulat ng mga artikulo. Propesyunal ang dating ng disenyo’t layout. Pero kung susuriin ang nilalaman, walang obhetibong pagsusuri. Puro na lang papuri sa loob at pagbatikos sa labas, lalo na sa Estados Unidos. Simple lang ang mensahe: Maganda ang kalagayan sa Tsina sa kabila ng negatibong pag-uulat ng Kanluraning midya.
Kung sabagay, maraming magandang makikita sa paligid. Halimbawa, halatang malaki ang badyet ng gobyerno para sa edukasyon. Maluwag ang kampus ng unibersidad na binisita ko. Mayroon pa ngang malaking museum na katabi ng napakalaking silid-aklatan. Malilinis at maluluwag ang mga klasrum. Maraming espasyo para sa paglalakad. Kung nais magpahinga, maraming pagoda o gazebo na puwedeng puntahan. Kung nais magbisikleta, wala ring problema sa sobrang luwag ng mga kalye.
Pero nasa likod pa rin ng kagandahang ito ang kahirapang nararamdaman lalo na sa kanayunan. Kahit na hindi ako nagkaroon ng oportunidad na puntahan sila, malinaw sa kuwento ng maraming tagarito ang pinagdaraanan ng maraming magsasaka. Tulad ng Pilipinas, nahihirapan din silang ibenta ang kanilang mga produkto. May ginagawa man ang gobyerno, patuloy pa rin ang kahirapan.
Sadyang iba ang sitwasyon ng kalunsuran at kanayunan noon at ngayon. Ito rin ang konteksto ng rebolusyonaryong pagbabago noong 1949 na pinangunahan ng taong makikita sa mga perang papel ng Tsina.
Sa aking pagbiyahe pabalik ng Maynila ngayong araw, dala ko ang natitirang CNY na hindi ko na siguro ipagpapalit pa sa PHP. Hindi lang ito simpleng souvenir mula sa halos isang linggong pagbisita. Malalim na paalala rin itong huwag kalimutan ang mahalagang aral ng nakaraan, sa Tsina man o Pilipinas.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com