Bagyo
Sa ngalan ng bilyon-bilyong kita, nagiging manhid na ang mga mayaman at makapangyarihan sa hinaing ng mga nasalanta.
Huwag sisihin ang kalikasan kung binabaha na naman ang kalusuran at kanayunan. Mas lalong hindi kasalanan ng kinikilalang diyos ang pagkamatay ng maraming kababayan.
Kung may mga mahal sa buhay na nalunod sa lampas-taong baha o tinangay ng malakas na agos, walang kinalaman ang ‘di umanong katigasan ng ulo dahil ayaw lumikas. Walang magagawa ang walang pupuntahan. Para saan ang pagsigaw ng saklolo kung may ibang prayoridad ang gobyerno?
May malaking kakulangan ang gobyerno sa tuloy-tuloy na pagpasok ng malalaking negosyo sa pagtotroso’t pagmimina.
Ayon sa 2022 Philippine Forestry Statistics, ang kabuuang takip ng kagubatan (total forest cover) ay nasa 7.22 milyong ektarya. Ito ay 24.07% na lang ng 30 milyong ektaryang kabuuang lupain ng Pilipinas. Napakababa nito kumpara sa 17.8 milyong ektarya (o 59.33% ng kabuuang lupain) noong 1934.
Samantala, ipinagmamalaki ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang paglago ng sektor ng pagmimina sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr. May isang dosenang proyektong ngayong taon na lalo pang magpapalago raw sa produksiyon ng metal. Mayroong siyam na milyong ektarya ng Pilipinas na may mataas na potensiyal sa mineral pero umaabot lang daw sa 727,372.18 ektarya ang nakalaan sa pagmimina, batay sa datos ng MGB noong Mayo 2020.
Sige, ituloy pa ang pagtotroso’t pagmimina para tuluyang makalbo ang kagubatan. Sa pamantayan ng mga nasa kapangyarihan, mas mahalaga ang tubo kaysa buhay at kabuhayan ng mga katutubo. Huwag nang pansinin ang ilang siglong panawagan nila para kilalanin ang kanilang karapatan sa lupaing kinagisnan. Hindi ba’t mas mahalagang agawin ang mga lupa’t palayasin sila para mas lalo pang yumaman ang mga dati nang mayaman?
Para naman sa mga magsasaka, bakit ba kailangang pakinggan ang mga hinaing at panawagan? Makikinabang ba ang mga mayaman at makapangyarihan kung ibibigay sa kanila ang lupang sinasaka sa ilalim ng tunay na repormang agraryo? Hindi ba’t mas mainam na ibigay ang lupaing agrikultural sa mga negosyanteng magtatanim sa ngalan ng eksport o magpapalit-gamit sa ngalan ng turismo’t libangan para sa mga amiga’t amigo sa alta sosyedad?
Sadyang malaking pera ang pagtotroso’t pagmimina. Ayon sa datos ng Statista, inaasahang kikita ngayong taon ng $1.4 bilyon ang industriya ng pagtotroso at ng $1.7 bilyon ang industriya ng pagmimina. Batay sa palitan ng piso sa dolyar noong Okt. 25 ($1.00=P57.7980, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas), nakakalula ang kikitain nila sa pagtatapos ng 2024: P80.92 bilyon at P98.26 bilyon lang naman!
Sa ngalan ng bilyon-bilyong kita, nagiging manhid na ang mga mayaman at makapangyarihan sa hinaing ng mga nasalanta. Kung sabagay, P500 lang naman ang katapat niyan, kung pagbabatayan sa perang ipinamigay ng isang opisyal ng gobyerno sa ilang biktimang napiltang manatili sa binahang bahay. Hindi bale nang walang silbi ang pera sa ngayon kung walang mapagbibilhan at lampas-tao ang baha kaya hindi makaalis sa tinutuntungan. Hindi bale nang mistulang hari ang opisyal sa pamimigay habang komportableng nakasakay sa bangka samantalang lumalangoy ang maraming tao habang nanlilimos na maambunan ng kaunting grasya.
Tama lang namang magtanong kung paano nagastos ang Flood Management Program ng gobyerno. Tinatayang P556 bilyon ang naging alokasyon mula 2022 hanggang sa kasalukuyan. Ginastos ba ito nang tama o napunta lang sa bulsa ng iilan? Para na ring tinanong kung may kawatan ba sa gobyerno!
Pero kung may epektibong programa para iwas-baha, ito ay ang pangangalaga sa kabundukan at kapaligiran. Kasama na rin dito ang pagtataguyod ng karapatan ng mga nasa laylayan ng lipunan, lalo na ang mga katutubo’t magsasaka. Hayaan silang mabuhay nang mapayapa sa kanilang lupang ninuno at lupang sinasaka. Kilalanin ang kanilang karapatan at gawing prayoridad ang kanilang pag-unlad.
Walang lugar ang interes ng malalaking negosyo kung nangangahulugan ito ng pagkasira ng kalikasan at pagsupil sa batayang karapatan. Walang saysay ang bilyon-bilyong kita kung nangangahulugan ito ng pagkamatay ng kalikasan at mamamayan.
Dahil nasa Pacific Typhoon Belt, umaabot sa 20 o higit pang bagyo ang tumatama sa Pilipinas bawat taon. Mas maunlad na ang teknolohiya ngayon sa pagsubaybay sa direksyon at lakas ng mga ito. Dapat lang na gawing mas maunlad ang disposisyon ng mamamayan sa paglaban sa gobyernong walang silbi.
Huwag sisihin ang bagyo. Singilin ang gobyerno.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com