Hindi magluluwal nang walang katiyakan
Naniniwala ako na isa lang ang pagdadalang-tao sa mga gawaing maaaring pagpasyahan nang malaya ng mga kababaihang katulad ko.

Sa kasalukuyang henerasyon, higit na mapanghamon ang pagdadala ng panibagong buhay sa mundo kumpara sa mga nagdaang panahon.
Ang lumalalang krisis sa klima, bagsak na ekonomiya, at kakulangan sa pinansiyal at emosyonal na kapasidad ang pangunahing mga dahilan kung bakit hindi ko nakikita ang sarili kong bubuhay ng indibidwal sa hinaharap.
Lumaki akong walang kinikilalang ama sa aking tabi. Iniwan niya kami noong sanggol pa lang ako. Tanging aking ina ang nagpalaki sa akin at sa nakatatanda kong mga kapatid.
Dugo at pawis ang puhunan niya upang mapakain kami sa araw-araw at mapag-aral. Bagaman tumulong ang kanyang mga magulang sa aming pinansiyal na pangangailangan, hindi iyon naging sapat.
Isang gabi noong 2012, biglang tumawag ang bayaw ng aking ina. Ibinalita niya na nag-aagaw buhay ang aking ama sa ospital. Kinaumagahan, pumanaw siya sa sakit na kanser sa atay.
Agad-agad kaming bumiyahe papunta sa kanyang tahanan sa probinsiya kung saan siya nakaburol. Iyon ang una at huling pagkakataong nakita ko siya.
Sa halip na lungkot, pagkalito ang naramdaman ko sa isang linggong pamamalagi namin doon. Nangingibabaw naman ang pagkadurog ng puso ko sa tuwing masasaksihan ko ang aking inang humahagulgol.
Sa dinanas ng aking ina, maaga akong namulat kung gaano kahirap ang magluwal at magpalaki ng anak. Pinagsabay niyang gampanan ang pagiging ilaw at haligi ng tahanan.
Sa kabila nito, hindi siya kailanman nagsisi na akuin ang responsibilidad ng aking ama at kumayod nang husto upang magkaroon kami ng magandang kinabukasan.
Kasabay ng paghina ng pisikal na pangangatawan ng aking ina sa edad na 53, ang kanyang kagustuhang magkaroon ng apo sa amin.
Una niyang kinausap ang panganay kong kapatid tungkol sa posibilidad na magkaroon ng anak. Sunod niyang hinikayat ang pangalawa at pangatlo. Dahil wala ni isa sa kanila ang nagbigay ng positibong sagot sa pagkakaroon ng anak, sa akin bumagsak ang pressure.
Habang nag-aalmusal kami ng aking ina, binanggit niya na wala ni isa sa aking mga kapatid ang nakikitaan niya ng kagustuhang magkaroon ng anak at magkapamilya. Ikinuwento niya na sa edad na 25 nagpakasal at nagdalang-tao siya.
“Sana bago ako mawala sa mundo, magkaroon kayo ng mga anak,” aniya.
Hindi ko na mabilang kung ilang beses nabanggit ng aking ina ang kanyang pinakahihiling habang magkasama kami. Isa lang din siya sa mga taong gusto kaming magkaroon na ng sariling anak habang maaga pa.
Kinukumbinsi rin kami ng aking mga tiyahin, tiyuhin, lola at lolo, maging ng mga kapitbahay na simulan nang pag-isipan ang ganoong bagay. Ito lang ba ang ekspektasyon nila sa mga kababaihan?
Maituturing kong marka ng panibagong yugto ng buhay ang pagkakaroon ng anak. Isa itong magandang karanasan para sa mga taong pinaghandaan ang pangyayaring ito.
Gayunpaman, kaakibat nito ang malaking pananagutan at pangakong may kakayahan silang palakihin ang kanilang anak sa matiwasay na kapaligiran, gayundin ang pagtugon sa kanilang pangangailangan.
Sa kabila ng pressure mula sa aking mga minamahal sa buhay, wala akong balak na mag-anak sa hinaharap. Naniniwala ako na isa lang ang pagdadalang-tao sa mga gawaing maaaring pagpasyahan nang malaya ng mga kababaihang katulad ko.