Kuwentong Kabataan

Baka ‘di talaga ako pang fine arts


Passion ko ba talaga ang fine arts o pinili ko lang ‘to dahil alam kong dito lang ako magaling?

“Mag-focus ka na lang kung saan ka magaling,” sabi nila. At dahil masunurin akong bata, ginawa ko.

Halos lahat ng nakakakilala sa akin, alam na gumuguhit ako. Kasagsagan pa lang ata ng kasikatan ni Annie sa League of Legends, humahawak na ako ng krayola. Pero tulad ng karamihan sa mga batang gumuguhit, madalas hindi galing sa puso mga papuring binabato sa akin. Hindi naman nila kasalanan. Masaya kasi magbato ng mabulaklak na salita sa mga bata dahil alam mong matutuwa sila. 

Malas ko nga lang, masyado kong pinaniwalaan ang mga papuri nila—na kakaiba ako, na may binatbat. Hanggang sa pagtungtong ko sa senior high school, wala akong ibang inaatupag maliban sa pagguhit. Pati kung anong kurso tatahakin ko sa kolehiyo, desidido na ako. “Fine arts po” tugon ko sa tuwing tinanong ako.

Ilang araw makalipas ang madugong proseso ng pag-enroll sa fine arts, pumasa ako. Sa college entrance test, sa aptitude test, pati portfolio ko pinuri ng facilitator. Medical na lang kulang ko, fine arts student na ako. Isang hakbang na lang. 

Ngunit dalawang araw bago namin kailangan ipasa medical namin, nakaramdam ako ng kaba. Napaisip ako, “Passion ko ba talaga ang fine arts o pinili ko lang ‘to dahil alam kong dito lang ako magaling?” Kung minamalas nga naman, sobrang sigurado na ako noon, bakit ngayon ko pa talaga naisipang magduda sa sarili?

Sa huli, kahit wala pa akong back up school na nakahanda, at kahit hindi ko pa sobrang napag-isipan, nagback out ako sa fine arts. Pakiramdam ko noon trinaydor ko sarili ko. Parang sinayang ko kasi lahat ng pinaghirapan ng batang ako.

Pero sa kabila ng lahat, hindi ako nakaramdam ng pagsisisi. Hindi ko rin maituring na TOTGA ang fine arts. Kinumbinsi ko lang sarili ko na gusto ko maging fine arts student dahil kung hindi, para saan pa lahat ng ‘to?

“Bahala na,” bukambibig ko buong buwan ng Agosto habang nag-aasikaso ng requirements sa iba’t ibang unibersidad. Makalipas ang ilang linggo, nakapasa ako sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa kursong broacasting. Sobrang layo sa mga bagay na nakasanayan ko pero nakaramdam rin ako ng excitement. Bagay na ‘di ko naramdaman kahit noong nakapasa ako sa fine arts. 

Nang makapasok ako sa unibersidad, tinanggap ko na sa sarili ko na hindi ko na dapat pagtuunan ng pansin ang pagguhit at ilaan ko nalang lakas ko sa mga bagay na kailangan sa kurso ko. Pero iba pala plano ni PUP para sa akin.

Sa dalawang taon ko sa unibersidad, patuloy pa rin pagguhit ko. Naglalabas ako ng editorial cartoons sa publications, lumilikha ng mga effigy, ballatengga at mga panawagan sa mass orgs, at nakasali pa ako sa dalawang poster making competition kung saan naging representante ako ng PUP. ‘Yong isa, champion pa ako.

Hanggang ngayon, puro pa rin guhit inaatupag ko. Biro nga ng isang kaibigan kong fine arts, “Parang mas fine arts ka pa sa amin sa dami ng ginagawa mo.”

Sinubukan kong bitawan pagiging artista ko pero parang mundo na mismo gumagawa ng paraan para ipagpatuloy ko. Pero nagsisinungaling ako kung sabihin kong hindi ako nasiyahan.

Sa kabila ng lahat, gusto ko pa rin gumuhit, at gusto ko pa rin maging artista. Dito ako nabubuhay. Hindi sa pamamaraang pinansiyal, pero dahil ito ang rason bakit masaya mabuhay.