Mother tongue, asignaturang Filipino, aalisin
Ipinahihinto ang ang paggamit ng mother tongue bilang wikang panturo mula Kindergarten hanggang Grade 3. Umuugong din ang planong pagbabawas o tuluyang pag-aalis sa asignaturang Filipino sa senior high school.
Ipinahihinto ng Republic Act 12027 ang paggamit ng mother tongue bilang wikang panturo mula Kindergarten hanggang Grade 3. Kasabay nito, umuugong din ang planong pagbabawas o tuluyang pag-aalis sa asignaturang Filipino sa senior high school (SHS).
Nakasaad sa bagong batas na ibabalik na sa Filipino at Ingles ang wikang gagamitin sa pagtuturo mula Kindergarten sa lahat ng mga paaralan sa bansa. Subalit, maaari pa rin ipatupad ang Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) sa mga monolingual na klase, kung saan may parehong katutubong wika ang pangkat ng mga mag-aaral.
Maaari pa rin umanong gamitin ang MTB-MLE kung may opisyal na ortograpiyang binuo at inilathala ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), opisyal na dokumentadong bokabularyo na inilathala ng KWF, panitikan sa wika at kultura, aklat ng gramatika, at pagkakaroon ng mga guro sa paaralan na marunong at sinanay magturo gamit ang mother tongue.
Tinutulan ng Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (Tanggol Wika) ang batas na ito, sinasabing isa itong hakbang paurong sa pagsulong ng makabayang edukasyon. Mas mabilis umanong matututo ang mga bata kapag sariling wika ang ginagamit sa pagtuturo.
Binanggit din ng grupo ang mga dokumentadong tagumpay ng MTB-MLE sa iba’t ibang rehiyon, gaya ng mas mataas na marka ng mga estudyante sa Early Language, Literacy and Numeracy Assessment sa mga wikang Filipino, Ilokano, Hiligaynon at iba pa, kumpara sa Ingles.
Dahil dito, naniniwala sila na maaaring magpababa sa kalidad ng edukasyon sa mga batang hindi bihasa sa mga nasabing wika ang pagbabalik sa paggamit ng Filipino at Ingles bilang pangunahing wika ng pagtuturo.
Samantala, ayon sa Tanggol Wika, nakarating sa kanila ang balitang isinasapinal na ng Department of Education ang bagong kurikulum para sa SHS kung saan mula sa tatlong asignatura ng Filipino, gagawin na lang itong isa.
Binatikos ng grupo ang plano at sinabing malinaw na banta sa pambansang pagkakakilanlan ang pagbabawas ng pagtuturo ng Filipino. Binigyang-diin nila na hindi lang ito tungkol sa wika, kundi tungkol sa kasaysayan at kultura ng bansa.
Nanawagan ang Tanggol Wika na sama-samang tutulan ang pagbabasura sa bagong batas at suportahan ang mga panukalang batas na nagtataguyod ng wikang Filipino at iba pang wika ng Pilipinas, kabilang ang House Bill 1774, House Bill 1783 at House Bill 564, upang mapalakas ang wikang pambansa at panitikan sa sistema ng edukasyon.