FEATURED Why I'm Here

WHY I’M HERE | David Michael San Juan, propesor sa Filipino


Kuwento ng pagkamulat at pakikipagsapalaran ng isang aktibistang guro.

ni David Michael San Juan

Bakit ako aktibista?  Bakit ako radikal? Bakit ako nakikibaka? Minsan, natutukso akong isagot sa mga nagtatanong ang isang tanong din: Bakit kayo, hindi pa (aktibista/radikal/nakikibaka)?

Pero ayaw ko namang masabihang pilosopo, kaya narito ang isang seryosong sagot: ang aktibismo’y subok nang paraan para mabago ang lipunan. Sabi nga ng mga ninuno natin: kung walang tiyaga, walang nilaga. Sabi ng mga Katipunero: mas resistencia, mas esperanza (kapag nakikibaka, lalong mas may pag-asa). At totoo nga! Kailangang laging ipaglaban ang karapatan at napakarami pa nating dapat ipaglaban.

Nagsimula akong maging aktibista noong estudyante sa kolehiyo, sa Bulacan State University (BulSU). Bilang staff – at malao’y managing editor ng Pacesetter na opisyal na student publication ng aming unibersidad. Mabilis akong namulat sa pamamagitan ng pagsusulat.

Mula sa mga isyung tila lokal gaya ng pagtaas ng matrikula at pagdaragdag ng mga bayarin hanggang sa mga isyung pambansa, gaya ng pagtataas at pagpapalawak ng saklaw ng value-added tax (VAT) at kawalan ng aksiyon ng gobyerno sa lumang panawagang P125 pagtaas sa arawang sahod, mabilis kong napagtanto na basura ang trato ng mga makapangyarihan sa ordinaryong mga tao, at walang makukuhang tagumpay ang mga mamamayan kung hindi sila magsasama-sama para sa kanilang  makatarungang mga hinaing.

Si Prop. San Juan (gitna) kasama ang mga kapwa dating lider-estudyante ng Bulsu, sa harap ng rebulto ni Marcelo del Pilar sa kapitolyo ng Bulacan. Mula sa FB account ni David Michael San Juan
Si Prop. San Juan (gitna) kasama ang mga kapwa dating lider-estudyante ng Bulsu, sa harap ng rebulto ni Marcelo del Pilar sa kapitolyo ng Bulacan. Mula sa FB account ni David Michael San Juan

Galing ako sa isang pamilyang Romano Katoliko, at hinubog ako ng aking mga magulang, lola at iba pang kapamilya sa diwa ng pakikipagkapwa-tao. Kaya’t para sa akin, hindi uubrang ang “sariling laban” mo lamang ang isulong mo. Ang anumang biyayang mayroon ka’y kailangang makamit din ng iba, at kung wala kang biyaya’y dapat mong pagsikapang makamit iyon, kasama ng iba pa.

Maagang naitanim sa aking puso ang binhi ng pakikipagkapatiran, ng pakikipagkapwa-tao, ng pagdadamayan kaya’t naging madali na ang proseso ng pagkamulat ko sa mas malalaking isyung panlipunan nang ako’y pumasok sa kolehiyo.  Ang isa sa mga popular na awiting pansimbahan ay laging nagpapaalala na ang laban ng ating kapwa ay laban din natin: “Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang.”

Pagkatapos na magsilbing managing editor ng aming publikasyon sa unibersidad, nanalo rin akong presidente ng Student Government-Supreme Student Council. Hindi ako pinaupo agad ng administrasyon (aktibista na ako noon), may draconian na Student Manual (pati long hair ay bawal at biglang naghigpit pati sa uniporme, at siyempre, ipinapatawag ang mga sumasali sa rali), mala-Martial Law sa BulSU, ipinasara pati ang student publication. Nag-hunger strike kami para isapubliko ang mga nangyayari noon sa aming unibersidad.

Inihambing namin ang administrasyon ng unibersidad sa rehimeng Arroyo na noo’y ramdam na ang pananalasa – ang mga pamamaslang at pagdukot sa mga aktibista – lalo na sa Gitnang Luzon. Dalawa sa mga lider ng mga organisasyong multisektoral na tumulong sa aming pakikibaka laban sa kawalan ng demokrasya sa paaralan – sina Federico “Ka Pedy” De Leon (tagapag-ugnay ng Anakpawis Party-list sa Bulacan) at Crisanto “Ka Santi” Teodoro (tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan sa Malolos) – ay pinaslang din noong panahong iyon.

Pagkatapos ng hunger strike, serye ng mga rali at ilang diyalogo, pormal na akong nakaupo bilang presidente ng Student Government at kinatawan ng mga estudyante sa makapangyarihang Board of Regents. Napahinto namin ang pagtataas ng matrikula at Development Fee sa unibersidad, at naitulak ang administrasyong pumirma sa aming resolusyon na humihiling sa gobyerno na bigyang-prayoridad sa badyet ang edukasyon sa halip na pagbabayad-utang. Tatlong termino pa ng aktibistang administrasyon sa Student Government ang sumunod pagkatapos ng aking termino: ang mga binhing diniligan namin – pamanang inihasik ng mga nauna sa amin – ay pinayabong ng mga sumunod sa amin.

Nang maging guro ako, itinuloy ko sa abot ng makakaya ang sabay na pagtuturo at paglahok sa mga pakikibaka ng mga mamamayan. Lagi kong naaalala sina Ka Pedy at Ka Santi (lalo pa’t ang bunsong anak ni Ka Santi na batang munti pa noong paslangin ang ama niya ay kabataang aktibista na ngayon) kapag napapagod ako, kaya’t lagi ko ring sinasabi sa sarili ko na tuluy-tuloy lang: ang laban nila’y dapat lang  nating ituloy.

Sa isang dati kong pinagturuan ay napasobra yata ang pagmumulat ko sa mga estudyante: ako’y pinulitika ng ilang administrador, kaya’t nagsampa ako ng labor case sa tulong ng abogado ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) na si Atty. Greg Fabros – at naipagwagi namin iyon. Mula noo’y lalong naging marubdob ang aking determinasyon na laging makibaka para sa nararapat.

Alam kong ang munti nating ginagawa ngayo’y bahaging mas malawak na kilusang panlipunan sa buong daigdig para sa pagbabagong panlipunan, kaya’t tiyak kong hindi tayo mauubusan ng inspirasyon para magpatuloy.

Kasama ang mga kapwa propesor sa De Le Salle University, at si Dr. Bienvenido Lumbera, pambansang alagad ng sining.
Kasama ang mga kapwa propesor sa De Le Salle University, at si Dr. Bienvenido Lumbera, pambansang alagad ng sining.

Maraming beses nang napatunayan sa kasaysayan na ang mga rali, protesta, welga, petisyon, asembliya at iba pang porma ng pakikibaka ay kapaki-pakinabang  sa pagkakamit ng mga bagay na tinatamasa nang mga mamamayan ngayon gaya ng karapatan ng mga babae na makaboto, karapatan ng mga manggagawa sa 8 oras lamang na trabaho para may walong oras pang pahinga at walong oras na paglilibang (kumpara sa dati-rati’y mahigit 10 oras ng trabaho kada araw), pantay na karapatan para sa LGBT at marami pang iba. Immortalized na sa mga pelikulang gaya ng Suffragette; Pride; The Internationale; at Cesar Chavez; Selma; at Mandela ang tagumpay ng mga pakikibaka ng mga mamamayan sa buong mundo.

Kung  kapusin man ng inspirasyon, tiyak naitutulak tayo ng realidad para makibaka. Binura ng gobyerno sa kurikulum ng kolehiyo ang mga mahahalagang asignatura gaya ng Filipino, Literatura at Philippine Government & Constitution, kaya itinatag naman natin ang Alyansa ng MgaTagapagtanggol ng Wikang Filipino (Tanggol Wika). Nahuhuli na sa suweldo at benepisyo ang maraming guro sa mga pribadong paaralan, kaya binuo ang Alliance of Concerned Teachers-Private Schools (ACT-Private Schools).

Ang dalawang munting bagay na ito’y nakapag-ambag din kahit paano sa halos pagtripleng boto ng ACT Teachers Party-list ngayong eleksiyong 2016 – kaya’t nakadalawang puwesto sa Kongreso ang sektor ng progresibong mga guro.

Lagpas pa sa mga isyung sektoral, hindi tayo mauubusan ng mas malalawak na adbokasiyang dapat ipaglaban gaya ng mga sumusunod: 1) pagpapababa ng buwis ng mga manggagawa at propesyunal; 2) ganap na libreng serbisyong pangkalusugan mula konsultasyon hanggang operasyon at lagpas pa; 3) libreng edukasyon sa lahat ng antas; 4) mabilis, episyente, mura at komportableng sistemang publikong transportasyon; 5) mura at disenteng pabahay para sa lahat ng mamamayan, at marami pang iba…

Ngayon, kaibigang mambabasa, ikaw naman ang tatanungin ko: Kailan ka ba magiging aktibista? Naghananap din ako ng kasama sa forever, baka ikaw na? Tara na’t magkasama tayong umibig, makibaka at magtagumpay!