Istorya ng Linggo Karapatang Pantao Main Story

Pagsagip sa kanilang mga pangarap


Gaya ng karaniwang mga bata, may mga pangarap din si Jasmin Loyod, 15, katutubong Manobo ng Talaingod, Davao del Norte. Gusto lang niyang makatapos ng pag-aaral at makatulong sa pamilya at mga katribu. “Gusto kong maging guro. Gusto kong turuan ang mga batang mahihirap na katulad ko,” sabi niya. Mahiyain si Jasmin. Pero sa entablado, […]

Nagprotesta ang mga batang Lumad sa harap ng Central Office ng Department of Education kasama ang SOS Netwrok at mga guro ng Alliance of Concerned Teachers. Panawagan nilang ibasura ng kagawaran ang DepEd Memo 221 na nagpapahintulot sa militar na pumasok sa kanilang eskuwelahan.  <strong>Macky Macaspac</strong>
Nagprotesta ang mga batang Lumad sa harap ng Central Office ng Department of Education kasama ang SOS Netwrok at mga guro ng Alliance of Concerned Teachers. Panawagan nilang ibasura ng kagawaran ang DepEd Memo 221 na nagpapahintulot sa militar na pumasok sa kanilang eskuwelahan. Macky Macaspac

Gaya ng karaniwang mga bata, may mga pangarap din si Jasmin Loyod, 15, katutubong Manobo ng Talaingod, Davao del Norte. Gusto lang niyang makatapos ng pag-aaral at makatulong sa pamilya at mga katribu.

“Gusto kong maging guro. Gusto kong turuan ang mga batang mahihirap na katulad ko,” sabi niya. Mahiyain si Jasmin. Pero sa entablado, malaya niyang naihahayag ang saloobin at adhikain para sa sarili, pamilya at katribu.

Sa entablado, umaarte si Jasmin para ihayag ang simpleng pangarap ng tribu na mamuhay nang mapayapa. Pero gahiganteng hamon ang kanilang sinusuong ngayon. Dahil sa matagal na pagpapabaya ng gobyerno, matindi ang kahirapan at kawalan ng serbisyong panlipunan sa kanilang lugar. “Sa amin, kailangang magtrabaho para mabuhay,” aniya.

May sariling pagsisikap na ang kanilang tribu at mga tagasuporta para makamit ang simpleng mga pangarap. Pero may malalang problema sila na kinakaharap ngayon: ang pananakop sa kanilang komunidad ng mga puwersang militar — na tumutugis daw sa mga rebelde pero sila pang mga sibilyan ang nabibiktima.

Hinamon ng mga batang Lumad si Sek. Armin Luistro na tugunan ang kanilang reklamo.  Ilang ulit na daw silang nakikipag-usap pero hindi humaharap ang kalihim at mga undersecretary lamang ng Dep-ed ang nakikipag-usap. at hindi naman natutugunan ang kanilang mga reklamo. Macky Macaspac
Hinamon ng mga batang Lumad si Sek. Armin Luistro na tugunan ang kanilang reklamo. Macky Macaspac

Alternatibong paaralan

Bahagi si Jasmin ng grupo ng 12 estudyante at guro mula sa Salugpongan Ta’Tanu Igkanugon Community Learning Center, Inc. (Salugpongan, para mas maiksi) na lumuwas ng Maynila para sa isang cultural caravan.

Bahagi rin sila ng Manilakbayan ng Mindanao na binubuo ng mahigit 300 katutubo na naglakbay para iparating sa gobyerno at publiko ang kanilang panawagang “Food and Peace in MindaNow”.

Sa pamamagitan ng pagtatanghal, gusto ng mga batang Manobo na ipabatid sa mas nakakarami ang kalagayan nila. Kahit di sila propesyunal na mga artista, banaag sa kanilang pagtatanghal ang buhay at pakikibaka ng tribung Manobo.

Sa kanilang pagtatanghal, ipinakita ng mga batang Manobo ang pananakop ng militar sa kanilang mga eskuwelahan, tulad ng paaralan ng Salugpongan.

Sinikap tugunan ng mga paaralang tulad ng Salugpongan ang pangangailangang pang-edukasyon ng mga katutubo. Malayo sa sentro ang kanilang mga komunidad, at tila kinalimutan na sila ng gobyerno. Ayon sa Save Our Schools Network (SOS Network), kalipunan ng mga organisasyong nagtataguyod ng karapatang pambata, matagal nang napabayaan ang edukasyon ng mga katutubo. Katunayan, siyam sa bawat 10 batang Lumad ang di nakakapasok sa eskuwelahan.

Sabik na makapag-aral ang mga batang Manobo tulad ni Jasmin at ang estudyanteng si Roland Dalin, 15, na nasa Grade 8 din. “May subject kami na science, math, values education at iba pa,” kuwento ni Roland tungkol sa mga pinag-aaralan nila sa Salugpongan.

Sa Memorandum No. 62 (Series of 2011) nito, binuo ng Department of Education ang National Indigenous People’s Education Policy Framework. Dito, kinilala raw ng DepEd ang kakulangan sa basic education ng mga katutubo. Hinikayat nito ang paglulunsad ng mga proyektong pang-edukasyon sa katutubo ayon sa balangkas ng “Education for All” at Millenium Development Goal 2015 ng gobyerno.

Ngayong taon, naglabas ang DepEd ng Memorandum No. 21, na kumikilala sa pagtatayo ng non-government organizations at pribadong mga institusyon ng alternatibong mga eskuwelahan. Naglaan pa ng milyun-milyong badyet ang DepEd para suportahan daw ang mga ito.

Pero bago pa ang memo ng DepEd, nagtayo na ng sariling eskuwela ang mga Manobo. Sa suporta ng Rural Missionary of the Philippines, nailunsad ang mga programang pang-edukasyon tulad ng Salugpungan. Ayon kay Kerson Fanagel, kagawad nito, aabot na sa 100 eskuwela ang kanilang naitayo. Umabot sa 28 ang elementarya, kasama na ang pre-school at lima ang hayskul. Sa Talaingod, may 12 eskuwelang naitayo. Sariling pondo ng mga organisasyon ang nagpapatakbo sa mga ito.

“Fully accredited sa DepEd ang mga eskuwelahan namin mula 2007,” sabi ni Fanagel. Matatagpuan na ang mga eskuwela ng Salugpongan sa apat na probinsiya at isang lungsod.

Bukod sa eskuwelahan ng Salugpungan, may iba pang eskuwela na itinayo ang iba pang progresibong organisasyon. Kabilang dito ang Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (Alcadev) at Tribal Filipino Program na kapwa nasa Surigao del Sur, gadyundin ang B’laan Literacy School and Learning Center sa Saranggani. Aabot sa halos 200 alternatibong paaralan na ang itinayo para sa katutubong mga Lumad ngayon.

“Ang alternative schools na ito ay naitayo sa pagtutulungan ng mga katutubo, non-government organizations at institusyong simbahan dahil na rin sa kakulangan ng serbisyo sa edukasyon,” ani Madella Santiago, social worker at tagapagsalita ng SOS Network.

Sinabi ni Mabelle Historia, guro ng Salugpongan, ipinapatupad nila ang kurikulum ng K-12 (Kindergarten + 12 years) ng DepEd. Pero bukod sa siyam na asignatura, idinagdag nila ang sabdyek hinggil sa sustainable agriculture. “Itinuturo namin ang iba’t ibang paraan ng pagtatanim. May demo farm kami na pinagkukunan ng kakainin ng mga bata, guro at staff ng Salugpongan,” aniya.

Libre umano ang pag-aaral sa alternative schools na ito. “Ang hayskul namin, ang may boarding. Isang beses lang sa isang buwan umuuwi ang mga bata; sagot ng eskuwelahan ang gastusin nila kasama na ang personal toiletries,” ani Historia.

Sa kabila ng magandang layunin ng alternatibong mga eskuwelahang ito, napag-iinitan sila ng militar. Binabansagan ang mga paaralang ito na paaralan daw ng rebolusyonaryong New People’s Army.

“Sabik matuto ang bata, at talagang isinasabuhay nila ang kanilang natutunan. Kaya lang laging may takot sa kanila. Kahit sa aming mga guro,” sabi pa ni Historia.

“Sa totoo, ginagawa namin ang trabaho ng pagbigay ng edukasyon sa mga komunidad ng Lumad na di ginagawa ng gobyerno. Naniniwala kasi kami na dapat na may pag-asa (na makapag-aral) ang bawat batang Pilipino, lalo na iyung mga bata na nakatira sa liblib na mga lugar,” sabi ni Arlene Perez, istap ng Center for Lumad Advocacy and Services (Clans) na may dalawang eskuwelahan para sa tribung B’laan.

Atake sa edukasyon

Kamakailan, naantala ang pag-aaral nina Jasmin at Roland dahil sa presensiya ng mga militar sa kanilang komunidad. Ganito rin ang nararanasan ng iba pang estudyanteng Lumad sa ibang bahagi ng Mindanao at maging sa iba pang probinsiya sa bansa.

Gusto nina Jasmin na makapagtapos ng hayskul. Pero namamayani sa ilan ang takot. “Paano kami makakapag-aral nang mapayapa at makakatulong sa aming magulang at komunidad kung nariyan lagi ang militar na nagkakampo sa aming paaralan?” tanong ni Roland.

Ayon sa SOS Network, taliwas sa “Education for All” ng gobyerno ang nagaganap sa mga alternatibong eskuwelahan ng katutubo. Sa rehiyon ng Southern Mindanao, may 39 nang kaso na naitala ang grupo, ani Santiago.

"Laging naantala ang aming pag-aaral kapag pumapasok ang mga sundalo.  Natatakot lagi kami,  kasi pinagbibintangan kaming mga rebelde," sabi ni Jana. 15, estudyante mula sa Compostela Valley.  Macky Macaspac
“Laging naantala ang aming pag-aaral kapag pumapasok ang mga sundalo. Natatakot lagi kami, kasi pinagbibintangan kaming mga rebelde,” sabi ni Jana. 15, estudyante mula sa Compostela Valley.   Macky Macaspac

Kamakailan, sinunog ng mga grupong paramilitar ang isang eskuwelahan ng katutubo sa Surigao del Sur. Lumikas ang mahigit 1,000 katutubong Lumad, karamiha’y bata.

Sabi nga ni Perez ng Clans, sampal sa Millenieum Development Program 2015 ng gobyerno ang pag-atake ng militar sa alternatibong mga paaralan. “Layunin ng MDG 2015 na lahat ng bata ay nasa eskuwelahan at nag-aaral. Ano’ng nagyayari ngayon sa mga batang katutubo?” aniya.

Ayon sa SOS Network, dahil sa pagpapatupad ng administrasyong Aquino sa Oplan Bayanihan, maraming bata ang napipinsala. Sa tala ng Children’s Rehabilitation Center, mula Hulyo 2010 hanggang Oktubre 2014 ay may 52 kaso ng pag-atake ng militar sa mga eskuwelahan sa buong bansa.

Sinabi pa ng grupo na sa halip na proteksiyunan ng DepEd ang mga eskuwelahan, naglabas pa ito ng Memorandum No. 221 , Series of 2013 (Guidelines on the Protection of Children During Armed Conflict) na naging lisensiya ng militar para labagin ang karapatan ng mga bata.

Gabay daw ang Memo 221 ng mga opisyal ng mga eskuwelahan at suprebisor ng DepEd kung paano harapin ang militar na pumapasok o gumagamit sa mga eskuwelahan. Nakasaad din sa memo na kailangang humingi ng pahintulot ang yunit ng militar sa mga opisyal ng eskuwelahan bago gamitin o magsagawa ng anumang aktibidad dito.

Pero sa karanasan ng mga opisyal at guro ng mga eskuwelahang Lumad, walang pahintulot mula sa kanila ang paggamit o pagkakampo ng militar.

Sabi nga ni Anabel Campos, isang guro ng Alcadev, na may siklo na ang panghaharas at pag-okupa ng militar sa kanilang kampus sa Diatagon at Lianga, Surigao del Sur: “Mula 2005, paulit-ulit na ang panankot at pagkampo nila sa aming komunidad at eskuwelahan. Kung ang hinahanap nila’y NPA, bakit sila nandoon sa eskuwelahan. Kaming mga guro at aming mga estudyante ang tinatakot at sinasabihan pa na NPA,” aniya.

May hiwalay na direktiba rin ang AFP  na naunang inilabas bago pa ang  Memo 221 ng DepEd: ang AFP Directive 25 or Guidelines on the Conduct of AFP Activities Inside or Within the Premises of School or Hospital. Nakasaad dito na hindi puwedeng maglunsad ng combat operation sa loob o malapit sa mga paaralan. Pero puwede raw magkaroon ng “civil military operations” sa balangkas ng Oplan Bayanihan.

Layunin daw ng Memo 221 at Directive 25 na proteksiyunan ang mga bata at pagtupad sa umiiral na mga batas kasama na ang pandaigdigang mga kasunduan tulad ng UN protocols.

Pero ayon sa SOS Network, parehong malabo ang dalawang memo. Taliwas din ito sa mga batas at kasunduan. “Inilalagay nito sa panganib ang mga bata. Binigyang lisensiya ng DepEd ang AFP na atakehin ang mga paaralang nasa mga komunidad na pinaparatangang tagasuporta ng NPA,” sabi ni Santiago.

Patunay daw na iba ang intensiyon ng Memo 221 at Directive 25 kung susuriin ang mga kasong kinasasangkutan ng militar.

Dagdag pa ng grupo, hindi lamang sa mga paaralang Lumad nagaganap ang pag-okupa sa mga paaralan. Nangyari din ito sa Lacub, Abra at Sadanga, Mountain Province sa Kordilyera, gayundin sa Maragondon, Cavite na mga pampublikong eskuwelahan ng gobyerno at simbahan.

Tugon ng DepEd

Sa diyalogo sa pagitan ng SOS Network at DepEd noong Nobyembre 28, ipinarating ng mga katutubong Lumad ang kanilang kahilingan.

Una na rito ang agad na pagbasura sa Memo 221. Pangalawa, maglunsad ng imbestigasyon sa mga kasong ipinarating nila sa kagawaran at parusahan ng DepEd ang mga nasasangkot na mga yunit militar. Panghuli, magbigay proteksiyon ang ahensiya sa mga paaralan ng katutubo.

Pero sa halip na matuwa ang grupo, nadismaya sila sa naging tugon ng DepEd. Bukod sa hindi humarap si Sek. Armin Luistro, pinakinggan lang ni Tonisito Umali, assistant secretary for legal and legislative affairs, ang testimonya ng mga guro, istap ng mga eskuwelahan at batang Manobo.

Walang malinaw na tugon si Asec. Tonisito Umali sa panawagan ng mga katutubo na nakipagdayalogo sa Dep-Ed.   Macky Macaspac
Walang malinaw na tugon si Asec. Tonisito Umali (kanan) sa panawagan ng mga katutubo na nakipagdiyalogo sa DepEd. Macky Macaspac

Sinabi ni Umali na hindi raw pinapahintulutan ng kagawaran ang mga militar na okupahin ang mga paaralan. “Kahit kailan, wala pong patakaran ang ating kagawaran na nagpapahintulot sa mga militar na magtayo ng kampo sa ating paaralan,” sabi ni Umali.

Ipinagmalaki naman ni Umali na hindi sila nagpapabaya sa kanilang tungkulin at gumagawa raw sila ng aksiyon hinggil sa mga pag-abuso ng militar. “Alam ninyo po, lahat po ng mga ulat ninyo, iniimbestigahan namin agad-agad,” ani Umali. Binanggit pa niya na inaksiyunan daw ng kagawaran ang pinakahuling insidente ng okupasyon ng militar sa Sityo Nasilaban, Brgy. Palma Gil, Talaingod, Davao del Norte na naganap noong Abril 2014 at pinaalis daw nila ang militar.

Pinabulaanan naman ito ni Fanagel at sinabing hanggang sa kasalukuyan, nanatili pa rin doon ang militar.

Sinabi din ni Umali na gumawa na ng sulat ang isang undersecretary ng DepEd hinggil sa mga reklamong ipinaabot ng SOS. Pero wala namang maipakitang dokumento si Umali. Giit pa niya na hindi raw basta-bastang mababasura ang Memo 221 dahil hindi daw layunin ng memo na magbigay ng awtorisasyon sa mga militar na gawing kampo ang mga eskuwelahan.

(That) is to regulate activities of military, and very clearly military presence, combatant cannot enter our schools,” ayon kay Umali.

Pero iginiit naman ng SOS na nangyayari ang mga pagkakampo at pag-abuso ng militar sa mga komunidad ng katutubo. Ayon pa sa grupo, ikaapat na beses na silang nakikipagdiyalogo, mula pa noong 2012, sa punong tanggapan ng DepEd at isinusumite ang mga reklamo. Pero lalong dumami ang kaso ng paglabag nang ipalabas ang memo.

“Sa halip na tugunan ang mga reklamo ng SOS, lalong tumindi, dumami ang mga kaso ng pag-okupa sa mga eskuwelahan. Sa halip na tugunan ang mga reklamo, Memo 221 ang tugon ng DepEd,” sabi ni Santiago.

Sa kanilang mga pagtatanghal, inihahayag nina Jasmin at Roland ang munti nilang mga pangarap. Pero dito, sa ngayon, inihahayag din nila ang pinaka-kagyat nilang hiling: ang mapaalis sa kanilang mga lugar ang militar at maipagpatuloy ang pag-aaral sa isang mapayapang komunidad.