Korte Suprema, naglabas ng TRO sa CHED Memo na ‘kontra sa wikang Filipino’


Patuloy na ituturo ang Filipino at literaturang Filipino sa mga paaralan. Tagumpay ng sama-samang pagkilos ang desisyon ng Korte Suprema na maglabas ng ng isang temporary restraining order kontra sa Commission on Higher Education (CHED) Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013, na ayon sa mga kritiko’y kontra sa pagtuturo ng wikang Filipino sa mga kolehiyo. […]

Tanggol Wika sa harapan ng Korte Suprema habang kanilang ipinakikita ang petisyon laban sa pagtatanggal ng wikang Filipino sa kurikulum. Pher Pasion
Pagsuporta ng mga mag-aaral sa laban para ipagtanggol ang wikang Filipino. Pher Pasion
Pagsuporta ng mga mag-aaral sa laban para ipagtanggol ang wikang Filipino. Pher Pasion

Patuloy na ituturo ang Filipino at literaturang Filipino sa mga paaralan.

Tagumpay ng sama-samang pagkilos ang desisyon ng Korte Suprema na maglabas ng ng isang temporary restraining order kontra sa Commission on Higher Education (CHED) Memorandum Order (CMO) No. 20, Series of 2013, na ayon sa mga kritiko’y kontra sa pagtuturo ng wikang Filipino sa mga kolehiyo.

Inaalis ng naturang memorandum ang ilang asignatura sa tertiary education gaya ng wikang Filipino, Literatura, at Philippine Government & Constitution.

Nagpetisyon sa Kataas-taasang Hukuman noong Abril 15 kontra sa naturang memorandum ang grupong Tanggol Wika. Kabilang sa mga lumagda sa petisyon sina National Artist for Literature Dr. Bienvenido Lumbera, ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Anakpawis Rep. Fernando Hicap, Kabataan Rep. Terry Ridon, at 70 akademiko, manunulat at iba pang at propesyunal para sa pagpapatigil sa panukala.

The court granted the prayer… and without necessarily giving due course to the petition, issued a TRO effective immediately and continuing until further orders from court,” ani Theodore Te, tagapagsalita ng Korte Suprema.

Iginiit ng mga nagpetisyon na walang konsultasyon na ginawa ang CHED sa mga kolehiyo at unibersidad bago ilabas ang memorandum.

Dagdag pa nila, labag ito sa 1987 Saligang Batas, kabilang ang mga probisyon na nakatuon sa general education curriculum sa kolehiyo na may oryentasyong makabayan.

Ipinaliwanag pa ng mga nagpetisyon na may limang paglabag ito sa Article XIV (Education, Science and Technology, Arts, Culture and Sports) at Article XIII (Social Justice and Human Rights) ng Saligang Batas.

Ilan pang batas tulad ng Republic Act No. 232 o Education Act of 1982, Republic Act No. 7356 o Organic Act of the National Commission on Culture and the Arts, at Republic Act 7104 Organic Act of the Komisyon sa Wikang Filipino/KWF/Commission on the Filipino Language ang nilabag umano ng memorandum.

Pangako ng mga nagpetisyon na patuloy silang magmamatyag, lalo pa’t pansamantala lang ang pagtigil sa memorandum habang inaaral pa ito ng  korte.