Kapirasong Kritika

Ang Hindi Magmahal


Bumanat na naman si Lisandro “Leloy” Claudio, ang anti-Kaliwa at maka-Akbayang akademiko. May nagpadala sa akin ng link ng pinakabagong artikulo niya sa Rappler — na tila naging publikasyon na ng Akbayan dahil may mga artikulo rin nina Sylvia Estrada-Claudio at Joel Rocamora, mga komentarista ng naturang grupo. Ang lahat ng artikulo nila, syempre pa, […]

Bumanat na naman si Lisandro “Leloy” Claudio, ang anti-Kaliwa at maka-Akbayang akademiko. May nagpadala sa akin ng link ng pinakabagong artikulo niya sa Rappler — na tila naging publikasyon na ng Akbayan dahil may mga artikulo rin nina Sylvia Estrada-Claudio at Joel Rocamora, mga komentarista ng naturang grupo. Ang lahat ng artikulo nila, syempre pa, ay kampi kay Pang. Noynoy Aquino. Sa “CHED is not targeting Filipino language instruction,” sinagot ng batang Claudio ang mga kritisismo sa Commission on Higher Education (CHED) Memo Order No. 20, series of 2013.

Laman ng memo ang mga bagong alituntunin sa General Education sa mga kolehiyo at unibersidad sa bansa. Lumalabas na may sapat na kaalaman — at marahil ay kita rin — si Claudio sa naturang mga alituntunin dahil, batay sa pag-amin niya, siya’y “tumutulong magdisenyo” ng isa sa mga kurso ng CHED sa General Education. Ang sentral na argumento niya: Hindi “tinarget” ng memo ang wikang Filipino dahil inalis man ang pagtuturo nito sa kolehiyo, inilagay naman ito sa sekundaryang edukasyon. Katunayan, aniya, dumami ang mga yunit sa naturang asignatura at kasama nito ang wikang Ingles.

Banggain natin nang direkta ang punto ni Claudio: Tinarget o inatake ng memo ang wikang Filipino. Ang kahit anong aralin, magkaiba ang pagtuturo sa sekundaryang edukasyon at pagtuturo sa kolehiyo. Mahalaga ang pareho, pero may natatanging halaga ang pagtuturo sa kolehiyo. May kakaibang paggagap ang mga estudyante sa kolehiyo sa mga aralin at may ibang epekto ang mga ito sa mga magiging landas nila sa buhay. Ang pag-alis sa pagtuturo sa wikang Filipino sa kolehiyo ay pag-atake rito. At hindi dahilan na kasama naman nito ang wikang Ingles, dahil iba ang pagpapahalaga sa huli sa bansa.

Ano ngayon ang problema? Nasasaling lang ba ang ating nasyunalismo? Na tila irasyunal at sentimental lang para kay Claudio? Higit pa diyan. Ayon mismo sa kanya, “Hindi mauunawaan ang memo ng CHED labas sa konteksto ng K-12.” At ano ang problema sa K-12? Pinapatampok nito ang dalawang tunguhin ng edukasyon sa bansa: ang magprodyus ng una, murang lakas-paggawa at ikalawa, elite na nakapagkolehiyo. Hindi na bago ang pagkakahati, na tinalakay na ng iskolar na si Bienvenido Lumbera sa “Edukasyon para sa Iilan: Kung Bakit Asal-Mayaman si Pedrong Maralita (1972).”

Sa K-12, karamihan sa mga bagong-tapos sa pinalawig na hayskul ay edad 18 — ibig sabihi’y ligal nang magtrabaho. Kaya nga ipinasok na rin sa hayskul ang mga araling teknikal at bokasyunal. Hindi na nila kailangang magkolehiyo — na inirereserba sa mga “seryoso” sa pag-aaral, kayang magbayad sa harap ng pagtataasan ng matrikula at ng pagtakas ng gobyerno sa tungkuling pondohan ang edukasyon. Ang resulta: dagat ng murang lakas-paggawa sa isang banda at elite na nagkolehiyo sa kabila. Mas nakatipid ang mga naghaharing uri sa paglikha ng dalawang grupong pagsasamantalahan nila.

Ano ang problema sa magiging pwesto ng wikang Filipino sa kalagayan ng K-12? Lumalabas na sintomas lamang ito ng mas malalaking usapin. Ang pagkapunta nito, kasama ng wikang Ingles, sa hayskul ay bahagi ng paglikha ng murang lakas-paggawa: kailangang marunong sa komunikasyon sa amo at sumunod sa mga instruksyon sa paggawa, halimbawa. Ang pagkaalis nito sa kolehiyo ay bahagi ng pagkahiwalay ng mga magkokolehiyong elite sa komunikasyon sa nakakaraming Pilipino at karaniwang tao, ng pagkagumon nito sa espesyalisasyon, at ng pagkalulong nito sa sariling sirkulo.

Kung susuriin ang pinag-uugatang pananaw ni Claudio sa edukasyon, lalabas na mababaw na liberal ito: nagpapasya batay sa umano’y mahuhusay o magagandang asignatura. Walang pag-unawa sa pangkalahatang lugar, silbi at oryentasyon ng edukasyon sa bansa para sa mga naghaharing uri. Diyan siya nahulog sa kakaiwas niya sa nasyunalista o makabayang pananaw — na sa Pilipinas ay mahigpit na kaugnay ng pananaw na progresibo o maka-Kaliwa. Hindi lang sa ipinagtanggol niya ang dominanteng tunguhin ng edukasyon sa bansa, naging bahagi na siya ng paglikha nito.

Kaya nga simple lang, para kay Claudio, ang solusyon sa pagkatanggal sa trabaho ng mga guro sa kolehiyo dahil sa K-12: Eh di lumipat sila sa pagtuturo sa hayskul. Kung titingnan sa usapin ng numero ng trabaho at may-trabaho, walang problema sa panukala. Pero sa perspektiba natin bilang bayan, hindi ba’t may problema? Tampok na porma ng neoliberalismo ang denasyunalisasyon, at hindi ba’t nawawalan ng yaman ang bansa sa pagbitiw ng mga guro sa kolehiyo sa kanilang kakayahan at paglipat sa hayskul? Ang kakayahan nila sa pagtuturo sa mga mas abanteng asignatura sa kolehiyo, isusuko.

“Hindi ka iiwasan ng kasaysayan kahit iniiwasan mo ito.” Isa iyan sa mga sikat na islogan ni Fredric Jameson, progresibong intelektwal na Amerikano. Ganito rin siguro ang isang pagsagot kay Claudio kaugnay ng nasyunalismo: Iwasan man niya, ang lakas-paggawa ng mga Pilipino ay pinagsasamantalahan bilang may mga katangiang “Pilipino.” Ang call center na ipinagyayabang ng gobyerno, nakabatay sa umano’y husay sa Ingles at nyutral na accent ng mga Pinoy. Ang elektroniks na numero unong eksport ng bansa ay nakabatay sa umano’y maliliit at malalambot na daliri ng ating kababaihan.

Sabi ng historyador na si Ambeth R. Ocampo, ang nagsabing “Ang hindi magmahal sa kanyang salita / mahigit sa hayop at malansang isda” ay hindi ang bayaning si Jose Rizal. Pwedeng isa raw sa mga makatang sina Herminigildo Cruz o Gabriel Beato Francisco. Anu’t anuman, nagpapakita ang bantog na sipi ng pagkutya at pagmamaliit sa mga Pilipinong hindi nagmamahal sa sariling wika. Kahalintulad siguro ang masasabi sa mga tulad ni Lisandro Claudio: Ang hindi magmahal sa kanyang salita, nagiging kapanig ng pagsasamantala ng iilang naghahari sa lakas-paggawa ng nakakarami sa bansa.

20 Hunyo 2014