FEATURED Kabataan

Pagmamahalan ng matrikula at iba pang bayarin


Buwan ng pagmamahal ang Pebrero. Pero para sa mga estudyante sa iba’t ibang pamantasan, hindi masaya ang buwang ito – dahil ito ang panahon ng nagmamahalang matrikula at iba pang bayarin.

“Kaiba sa kaalaman ng lahat,” ani Jae Maranon, estudyante ng Fine Arts sa Ateneo de Manila University, “hindi lahat ng Atenista, kayang magbayad ng P200,000 matrikula kada taon.”

Sa susunod na mga semestre, nangangamba pa si Jae, at maraming estudyante na katulad niya, na baka umabot ng P300-400,000 ang matrikula sa naturang pamantasan.

“Nitong nakaraang Enero lang, panibagong semestre na naman ang pumasok at kasabay nito ang napakalaking bayaran para sa aming tuition and other fees,” kuwento ni Jae. “Anim na porsiyento na naman ang itinaas.”

Nitong nakaraang mga taon, tila walang habas ang pagtaas ng singil sa naturang paaralan. Na para bang kampante lang ang administrasyon ng Ateneo na kakayanin naman ng mga pamilya ng mga estudyante ang taas-matrikula dahil nasa mataas na saray ng lipunan ang mga ito.

Pero hindi ito totoo, ani Jae. Umaabot sa 17 porsiyento ng mga estudyante ang may scholarship kaya nakakapag-aral. “Mataas ang rate ng dropouts sa Ateneo,” kuwento pa niya.

Mula sa P74,000 basic tuition noong 2017, ngayong 2020 ay nasa P82,000 na ang binabayaran ng estudyante, ani Jae. Sa miscellaneous fees, noong 2017, humigit-kumulang P20,000 ang binabayaran. Ngayong 2020, umabot na P30,000.

“Dapat na mapunta sa salary increase. Mandated ng Commission on Higher Education (CHED) na 6 porsiyento increase ay mapupunta sa salary increase sa professors at workers,” kuwento pa ni Jae. Pero hindi ito nakatuparan. Katunayan, nakawelga ngayon ang Ateneo Employees’ and Workers’ Union para igiit ang nakabubuhay na sahod at benepisyo na dapat natatamasa nila.

At hindi nag-iisa si Jae, o ang mga estudyante ng Ateneo. Sa iba pang pribadong pamantasan katulad ng De La Salle University, University of Sto. Tomas, Far Eastern University, at maraming iba pa, walang habas din ang taas-matrikula at iba pang bayarin. Hindi napipigilan – o tinatangka man lang pigilan – ng gobyerno.

#AyokongMagmahal

Ang hashtag sa itaas ang pinakakalat ngayong hashtag sa social media ng iba’t ibang grupo ng kabataan at estudyante ngayong Pebrero.

Buwan kasi ang Pebrero ng mga konsultasyon para sa taunang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo sa bansa.

Daing ng mga estudyante, imbes na maging abot-kaya, lalo pa umanong naging mas mahal ang edukasyon sa bansa sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ito ay sa kabila ng pag-iral ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (Free Tuition Law).

Para kay Dr. Prospero de Vera, tagapangulo ng Commission on Higher Education (CHED), ang pagsasabatas umano ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act noong 2017 ay maituturing na isang nangungunang reporma sa sektor ng tersiyaryong edukasyon at maitatala sa kasaysayan bilang pinakamalaking pamana sa katarungang panlipunan ng administrasyong Duterte.

Ayon kay de Vera, may 214 pampublikong unibersidad at kolehiyo na sa bansa ang sinasaklaw ng Free Tuition Law noong Hulyo 2019.

Sa isang sarbey ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2017, naitalang mahigit 3.8 milyong Pilipino ang hindi nakakapag-aral. Tinatayang 87.3 porsiyento mula rito ang nasa edad 16-24 o edad na dapat ay nasa kolehiyo.

Sinabi naman ni Cabinet Secretary Karlo Nograles, na natugunan na umano ng administrasyon ang problema sa aksesibildad ng edukasyon. May 1.18 miyong estudyante na daw kasi ang nakikinabang sa libreng tuition sa mga unibersidad at kolehiyong saklaw ng Free Tuition Law sa mga taong 2018-2019.

Pero taliwas dito ang tingin ng mga estudyante. Ayon sa National Union of Students of the Philippines (NUSP), ilusyon lang ang pagiging abot-kaya ng tersyaryong edukasyon sa ilalim ni Duterte. Sa kabila kasi ng pagsabatas ng Free Tuition Law ay tuluy-tuloy naman ang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa mga pribadong unibersidad at kolehiyo.

Ginagamit lang umano ng administrasyon ang batas sa libreng matrikula para pagtakpan ang katotohanang nananatiling komersyalisado at napakamahal ng edukasyon sa bansa.

Mayroong 1,963 na mga unibersidad at kolehiyo sa buong bansa, pero higit 1,721 o 9 sa 10 sa mga ito ang pribado. Bukod sa hindi na saklaw ng Free Tuition Law, taun-taon pang pinahihintulutan ng CHED na magtaas ng matrikula at iba pang bayarin ang mga pribadong unibersidad at kolehiyo.

Sa kabilang banda, dahil naman sa malalaking kaltas sa badyet para sa edukasyon, nagiging mas mahirap para sa mga estudyante na makinabang libreng matrikula sa State Universities and Colleges (SUCs).

Ayon pa sa NUSP, kapos ang badyet at imprastraktura ng mga SUCs para tumanggap pa ng mas maraming mag-aaral. Inutusan pa umano ni Duterte ang CHED na pahigpitin ang pagtanggap at pagpapanatili ng mga estudyante sa mga SUCs.

Piket ng mga organisasyon ng kabataang estudyante sa harap ng Commission on Higher Education. <b>Kontribusyon</b>
Piket ng mga organisasyon ng kabataang estudyante sa harap ng Commission on Higher Education. Kontribusyon

Mahal na matrikula at bayarin

Sa tala ng NUSP, halos dumoble na sa P887.43 noong 2019 ang karaniwang matrikula kada yunit sa buong bansa mula sa P451.31 noong 2009.

Bukod dito, umaabot pa umano sa P166,143 ang karaniwang gastos ng pag-aaral ng isang estudyante sa isang taon. Kasama na dito ang gastusin sa uniporme, mga libro, mga gamit sa eskuwela, mga proyekto, tirahan at allowance.

Napakalaki umano nito para sa maraming pamilyang Pilipino na mayorya ay kumikita lamang ng minimum wage o mas mababa pa. Karaniwang umaabot lamang sa P140,157 ang taunang kinikita ng isang minimum wage earner na hindi pa man lang umano kasya sa pangarawaraw na gastusin ng pamilya.

Habang nananatiling nakapako ang minimum wage, taun-taon naman umanong nagtataas ang matrikula at iba pang bayarin. Tuluy-tuloy ding tumataas ang halaga ng itinataas nito.

Sa mismong tala ng CHED, nasa 10.9 porsiyento ang itinataas ng matrikula kada taon noong 2018. Mas mataas ito sa naitalang 8.4 porsiyento ang pagtaas ng matrikula noong 2009.

Karaniwan nang ibinabatay ng CHED sa tantos ng inflation ang pagpahintulot sa pagtaas ng matrikula. Gayunman, kapansin-pansing higit na mas malaki ang pinahintulutang dagdag-matrikula kumpara sa huling naitalang inflation rate ng 2019 na nasa 5.2 porsiyento lang.

Para sa NUSP, hindi dapat gawing katwiran ang inflation para pahintulutan ang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa pribadong mga unibersidad at kolehiyo. Dagdag-pahirap lang umano sa mga pamilyang Pilipino ang pagpahintulot sa pagtaas ng matrikula kasabay ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Ngayong buwan, nauna nang nagpahayag ng pagtaaas ng matrikula at iba pang bayarin ang 10 sa pinakamalalaking pribadong eskuwelahan sa bansa kabilang ang University of Sto. Tomas, Far Eastern University, De La Salle University – Manila, De La Salle – College of St. Benilde, St. Louis University at University of San Carlos. Nakaamba na rin ang dagdagmatrikula at bayarin sa Ateneo de Manila University, National Teachers College at Lyceum of the Philippines University.

Ayaw magmahal

Sa harap ng nakaambang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa susunod na akademikong taong 2020- 2021, nanawagan si Kabataan Rep. Sarah Elago para sa tuition moratorium (o deklarasyong pagbawal na magtaas ng singil sa matrikula) sa buong bansa.

Sa inihaing House Resolution No. 657 ng Kabataan Party-list, hiniling nito sa Department of Education (DepEd), CHED at Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) na ipatigil ang nakaambang mga pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin.

Hinamon naman ang NUSP sa Kongreso na agad na aksiyunan ang panawagang ito ng Kabataan Party-list para anila “mabigyang alwan ang mga estudyante at kanilang mga pamilya sa harap ng mabigat na pinansiyal na pasanin para lang matamasa ang karapatan sa edukasyon.”

Samantala, tuluy-tuloy naman ang protesta ng kabataan at estudyante para labanan ang nakaambang mga pagmamahal ng matrikula at iba pang bayarin.

Sa Lyceum of the Philippines University, naglabas ng pahayag ng pagkakaisa ang konseho ng mga mag-aaral at mga organisasyon ng mga estudyante para tutulan ang nakaambang pagtaas ng matrikula at bayarin sa naturang paaralan. Hiniling din nilang alisin ang sapilitang paniningil ng “partial payment” bago makapag-eksamen.

Sa De La Salle University (DLSU), pinangunahan ng One La Salle for Human Rights and Democracy ang isang university-wide student consultation para talakayin ang nakaambang pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin.

Samantala, pinangunahan ng NUSP ang protesta sa harapan ng CHED at hinamon ang komisyon at si Pangulong Duterte na ibasura ang mga panukala ng pribadong mga unibersidad at kolehiyo para sa dagdag-matrikula at bayarin.

Ani Raoul Manuel, pambansang pangulo ng NUSP, “hindi puwedeng taun-taon na lang sasabihin ng CHED na wala itong kapangyarihang pigilan ang tuition increases.”

Para rin sa NUSP, kung may pamana man si Duterte, ito ay ang taun-taong pagpahintulot sa pagtaas ng matrikula at mga bayarin, kaakibat ng dagdagbuwis, kontraktuwalisayson, at kawalang-trabaho na lalong nagsadlak sa mga estudyante at kanilang pamilya sa sumasahol na krisis sa edukasyon.

Nakatakda ang isang malakihang protesta ng mga estudyante at kabataan para igiit ang karapatan sa edukasyon sa Pebrero 22.