Paano turuan ang sarili na maging produktibo?


Ang mga tip na ito’y mga gabay na maaaring magamit para turuan ang sarili na maging produktibo at aktibo ang katawan at pag-iisip sa isang buong araw.

Ikaw ba’y nahihirapan maging produktibo lalo na sa umaga? Nahirapan ka bang maka-focus para matapos ang mga dapat gawin? Late ka rin bang magising at halos patapos na ang araw bago ka makabangon at makagawa?

Narito ang ilan sa mga praktikal na tip na may siyentipikong batayan mula kay Andrew Huberman, isang neuroscientist mula sa Stanford University. 

Ang mga tip na ito’y mga gabay na maaaring magamit para turuan ang sarili na maging produktibo at aktibo ang katawan at pag-iisip sa isang buong araw.

Pinapayo ni Huberman na kinakailangan ang maayos na tulog at least 80% ng pagkakataon. Pundamental ang tulog at pahinga para sa maayos na paggana ng ating katawan at pag-iisip. Ang hindi maayos na pagtulog ay direktang makakaapekto sa paggana at pagtugon natin sa buong araw.

Binabanggit niya na ang buong katawan ng tao hanggang sa mga cells nito ay may tinatawag na “circadian rhythm”. Isipin mo na parang itong internal body clock na nakaayon sa 24-hour cycle. Sinasabi rin nito na programado ang katawan at utak natin na umayon sa pagsikat at paglubog ng araw. 

Kaya ‘pag oras na para gumising sa umaga, mahalaga ang bumangon na sa kama kahit wala pang gagawin. Maaaring mag-unat muna o kaya’y magmuni-muni bago mag-almusal. At sa gabi naman, maaaring ilayo na ang cellphone o gadgets para hindi mapuyat.

Parang baby lang, ‘no? O ‘di kaya’y magpaaraw para makakuha ng vitamin D. 

Pero sa karagdagang dahilan, sa isang 24-hour cycle, sinasabi ni Huberman na mayroon tayong tinatawag na “cortisol pulse”, kung saan tinatakda nito ang pagka-alert, pag-focus, at mood ng isang tao sa isang buong araw. 

Mahalaga ang sikat ng araw para ma-set ang cortisol pulse ng isang indibidwal.
Ang isa pang ina-activate ng sikat ng araw sa ating utak ay ang paglalabas nito ng tinatawag na dopamine. Kilala ito bilang happy hormone o pleasure hormone, pero ayon kay Huberman, ang pinakatungkulin ng dopamine sa ating utak ay para magkaroon tayo ng drive at motibasyon sa paggawa. 

Kaya kapag nasisikatan ng araw, para bang ang dami nating kayang magawa! 

Payo ni Huberman, na kung maaari, i-delay ang pag-inom ng kape ng at least 60-90 minuto matapos magising. Hayaan daw munang ma-clear out ang tinatawag na adenosine, isang neurotransmitter sa utak na sinasabing kailangang matulog ng isang tao.

Gawin ito para maiwasan ang mga tinatawag na afternoon crash o pagiging antukin tuwing tanghali o hapon.

Makakatulong ang paggalaw at inom ng tubig para ma-clear out rin ang adenosine at mas maging alerto ang pag-iisip.

Kahit anong ehersisyo’y mainam pero sa pinakamadali at kayang gawin, makakatulong ang paglalakad sa labas nang kahit 15-20 minuto. Maaari ring gawin ang pag-uunat ng katawan.

Para mas lalong maging gising ang diwa at pangangatawan, maligo nang malamig na tubig sa umaga. Hindi naman kailangan magbabad, pero kahit dalawa o tatlong buhos ng malamig na tubig para magising ang katawan.

Layon nitong gisingin ang natutulog na mga cells at itaas ang temperatura sa loob ng ating katawan para maihanda ang paggalaw nito sa buong araw. 

Dagdag pa rito, nagdudulot ang pagligo ng malamig na tubig ng paggising rin sa ating diwa at utak sa pagmamagitan ng paglalabas nito ng adrenaline. Sini-signal ng adrenaline na magising ang buong katawan.

Ayan! Ngayon, handa ka nang simulan ang araw para maging produktibo.

Nawa’y magamit at maisapraktika mo ang mga tip na ito para matapos at magawa ang iyong mga tungkulin at gawain!