Taripa sa bigas, binawasan, presyo sa palengke, nagtataasan


“Pinsala sa ekonomiya ang patuloy na pagsandig sa imported na bigas,” wika ng magsasaka ng palay sa Bulacan at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chairperson Danilo Ramos.

Ngayong buwan na sana inaasahan ng Department of Agriculture (DA) na magsisimulang bumagsak ang presyo ng bigas sa pamilihan. Ito’y matapos ng inilabas nilang Executive Order 62 nitong Hulyo para ibaba ang taripa sa bigas mula 35% patungong 15%. 

Taripa ang buwis na ibinabayad ng dayuhan sa isang bansa, Pilipinas sa kasong ito, para ipasok ang kanilang produkto sa lokal na merkado. 

Para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., magmumura ang presyo ng bigas sa palengke kapag lalong naengganyo ang mga dayuhang trader sa mababang taripa at paramihin ang imported na bigas sa Pilipinas.

Nasa P5 hanggang P7 na pagbagsak ng presyo ang inaasahan ng DA ngayong Oktubre, pero tila masyado atang silang excited sa kanilang forecast. Ayon sa DA, mukhang sa Enero pa pala mararamdaman ang umano’y mabuting epekto nito. Aminado rin ang ahensiya na sisirit muli ang presyo ng pagkain sa darating na Disyembre.

“Dahil tumataas ang demand sa pagkain tuwing Disyembre, asahan nating may makabuluhang pagbaba sa presyo pagdating pa ng Enero,” ani Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Inulat din ni Laurel na tumaas nga ang importasyon nitong Agosto lang at pumasok ang 385,000 metriko tonelada ng bigas.

Nakailang pakana na rin ang rehimeng Marcos Jr. para palakasin ang importasyon ng bigas sa bansa. Kahit pa sinasabi ng maraming eksperto, kabilang ang mga mismong magbubukid, na kabaliktaran o dagdag-presyo ang dulot nito.

Kung binabaha ng imported na bigas ang bansa, hindi kikita ang mga lokal na magbubukid at nakatali ang bansa sa presyo ng bigas sa pandaigdigang pamilihan, imbis na sa sariling produksiyon, paliwanag ni Danilo Ramos, tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP)

Sa pagsubaybay ng KMP, tumaas ng 30% sa huling 12 na buwanang presyo ng well-milled rice na P50.43 kada kilo at regular rice na P47.04 kada kilo.

“At mukhang lalo lamang itong aakyat sa ganitong kalagayan,” ani Ramos.

Bumabagsak din ang presyo ng palay at lalong nalulugi ang mga magsasakang Pilipino ayon sa KMP.

Inamin ng DA na sa ilang lugar, bumaba na sa P17 kada kilo ang benta ng magsasakang Pilipino sa palay. Ayon sa mga ekonomista, ito’y “break even” lang. Sa ilang rehiyon, mas mababa pa at bumagsak pa sa P14 kada kilo ng palay, kulang na kulang.

“Palpak sa pagtugon sa isyu ng bigas ang labis at neoliberal na tutok ng administrasyon sa importasyon at pagpapababa ng taripa. Pinsala sa ekonomiya ang patuloy na pagsandig sa imported na bigas,” giit ni Ramos.

Sa 2025, inaasahan ng United States Department of Agriculture (USDA) na manatiling numero unong importer ng bigas ang Pilipinas para sa ikatlong taon. 

Tinataya ng ahensiya na “record breaking na 4.2 milyong tonelada ng bigas ang patuloy na iaangkat.”

Dismayado ang KMP sapagkat dahil sa labis na importasyon, walang suporta para sa lokal na produksiyon ng mga magsasaka. Masahol pa, tuwing anihan, nakikinabang ang mga trader na murang binibili ang ani ng mga magbubukid para ibenta sa mga dayuhan. 

Tanong ng KMP, bakit mas ganado pa ang gobyerno na magbenta ng mura sa dayuhan at malugi sa pag-aangkat kaysa suportahan ang lokal na produksiyon?

Sa tala ng USDA sa nakaraang dekada, tumaas ng 26% ang pag-eeksport ng Pilipinas sa US ng mga produktong agrikultural. Sa ngayon, may average na halaga na $3.74 bilyon ang ineeksport ang Pilipinas kada taon. Pinakamataas ito sa unang taon ni Marcos Jr. noong pumalo sa P4 bilyon ang eksport.

Pinirmahan din ni Marcos Jr. ngayong katapusan ng Setyembre ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act. Ayon sa pangulo, multa at posibleng habambuhay na pagkakakulong ang haharapin ng sinumang mapapatunayang sangkot sa “economic sabotage” gaya ng illegal smuggling, price manipulation at iba pa.

Samantala ang KMP, hindi umaasang may pangil ang batas. Sa tagal ng panahon, wala naman daw ni isang hinuli at kinulong na mastermind ng sindikato pagdating sa bigas at iba pang pagkain.

“Walang smuggler o hoarder na humarap na sa korte. Ang mga nasa likod nito’y nagpapatuloy na para bang walang humahadlang,” ani Ramos.