Pag-angkat ng sibuyas, peligro sa kabuhayan ng lokal na magsasaka


Namemeligro na namang malugi ang mga magsasaka ng sibuyas sa bansa dahil sa desisyon ng Department of Agriculture na mag-angkat ng pula at puting sibuyas.

Nabahala ang grupong Kilusang Magbubukid Ng Pilipinas (KMP) sa importasyon ng halos 3,000 metrikong tonelada (MT) ng pulang sibuyas at 1,000 MT ng puting sibuyas na inaprubahan ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. nitong Peb. 6, para umano hindi maulit ang pagtaas ng presyo sa merkado tulad noong 2022.

Ani KMP chairperson Danilo “Ka Daning” Ramos, “Ang krisis na kinaharap noong taong 2022 na halos umabot sa P700 per kilo ay hindi dahil sa kabiguan sa produksiyon, kundi dahil sa pag mamanipula sa kartel at kawalan ng suporta ng gobyerno.”

Dagdag pa ni Ramos, imbis na solusyunan kung paano maiiwasan ang pagtaas ng presyo at kung paano masusuportahan ang mga magsasaka, patuloy pa rin ang DA sa importasyon na nagreresulta lang ng pagkalugi ng lokal na produksiyon. 

“Muli, ipinakita ng DA kung kanino sila nagsisilbi—hindi sa ating mga magsasaka kundi sa malalaking nesgosyo at importer na nakikinabang sa mga polisiya,” saad ni Ramos.

Sa datos ng Bureau of Plant Industry, nasa 8,500 MT ang imbak na pulang sibuyas noong kalagitnaan ng Enero, habang nasa 1,628 MT ang puting sibuyas.

Nasa record high ang produksiyon ng lokal na sibuyas na 264,323 MT noong nakaraang taon—pinakamataas mula 2019. Pinapatunayan na hindi problema ang lokal na produksiyon kundi ang mga patakarang nagbibigay-daan sa mga dayuhan na kumita kumpara sa mga lokal na magsasaka. 

“Ang pag-aangkat ng sibuyas ng gobyerno sa kalagitnaan ng pag-aani ay sabotahe sa ekonomiya na magpapababa lamang sa kita ng mga magsasaka habang nakikinabang ang ilang importers,” giit ni Ramos. 

Ayon sa isang pahayag ng KMP, isa itong patunay na walang pakialam ang rehimen ni Ferdinand Marcos Jr. sa kalagayan ng mga magsasaka. Sa halip na mapababa ang presyo, lalo lang pinapalala ang nangyayaring krisis sa sektor ng agrikultura.

Sa isang pahayag ng DA na may unang inaprubahan si Marcos Jr. na “cold storage program, multi-billion ORION project” para sa mga magsasaka kung saan iiimbak ang mga gulay at prutas nang hindi ito basta-bastang masira at matiyak ang sapat na suplay at mababang presyo nito sa merkado.

Panawagan ng KMP na magkaroon ng agarang tugon para sa P3 bilyong cold storage program para maiwasan ang importasyon at makaiwas sa labis na suplay na dahilan ng pagkalugi ng mga magsasaka.