Movie Buff

Ang hindi makatotohanang imahen ng mga patalastas


Sa kapitalistang moda ng produksiyon, hindi na lang ang likhang produkto ang binebenta kundi pati ang sarili kasama na ang katawan.

Lantad na lantad sa buong naratibo ang impluwensiya ng mga patalastas sa kaisipan ng manonood kagaya ni Mimibet—ibinibigay ang walang kasiguraduhan at walang katotohanang resulta dahil sa pangako nitong agarang epekto, ngunit dahil sa mahusay na pag-e-endorso ng isang kilalang artista o ng taga-endorso dahil na rin sa imahen na mayroon ito, napatutunayan at nagiging totoo ang lahat na siyang nakapanghihikayat na tangkilikin.

Mga patalastas ang naging lunsaran ng tunggalian ng naratibo ng maikling pelikulang “Supermassive Heavenly Body” sa direksyon ni Sam Villa-Real. Isa sa mga kalahok sa QCShorts International ng 12th QCinema International Film Festival.

Sinusundan natin ang kuwento ni Mimibet, isang batang chubby na kinakailangan magbawas ng timbang dahil sa parating na class picture.

Palasak ang mga katangian ng isang ina na ibibigay sa atin sa kuwento para mahikayat si Mimibet na bawasan niya ang kanilang timbang: may malasakit, maalagain, at higit sa lahat, hinding-hindi hahayaan ang kanyang mga anak na magutom. 

Ngunit kung papansinin, hindi ang pambubusog at pagiging maalagain ng ina ni Mimibet ang nakahikayat sa kanya para magbawas ng timbang at maalis ang kanyang agam-agam sa patuloy na lumalaking tiyan. Dito papasok ang mga patalastas ng iba-ibang mga produkto na may kinalaman sa ‘di makatotohanang resulta upang mahikayat ang mga manonood na bumili.

Sa kaso ni Mimibet, dahil na rin sa pagkumpara ng kanyang ina sa katawan ni Jasmine Curtis-Smith, ang gumanap bilang taga-endorso ng mga produkto, sa kanyang hita, na siya rin namang ikinadismaya ni Mimibet. Naging sanhi nito ang mas lalong pagpupursigi ni Mimibet na pumayat.

Kung sisipatin pang pailalim, makikita rin na ang mga komersiyal na ito ay sumasandig sa kapitalistang moda ng buong produksiyon. Sa ganang ito, hindi na lang ang likhang produkto ang binebenta kundi pati ang sarili kasama na ang katawan.

At dahil nga nagiging produkto na rin ang mismong katawan, kinakailangan itong sumandig sa namamayaning kamalayan upang maging mabuting ehemplo na marapat tularan. Sa katauhan ni Jasmine Curtis-Smith bilang taga-endorso naisakatuparan ang adhikain ng pagbebenta ng mga ito.

Sa kabilang banda, ang mga patalastas at ang paggamit ng mga artista bilang taga-endorso’y nagsisiwalat ng paghubog sa kabuuang kamalayan ng nakararami na hindi lang tungkol sa kanilang gawi kundi pati na rin sa kanilang sarili.

Dahil sa hipnotismo ng mahusay na pag-e-endorso, nagre-resulta ito ng kagustuhan at nasa na maging kapareha ang imahen sa napapanood dahil sa pagsubok na umayon sa kung ano ang popular.

Samantala, binabalanse ng mapaglarong teknikalidad ang atmospera at ang malikot na isipan ni Mimibet. Gamit ang mixed media, mahusay na napapatingkad nito hindi lang ang karakter ni Mimibet kundi pati na rin ang kanyang mga nasa kung siya ay papayat at magiging katulad ni Jasmine Curtis-Smith.

Sa mainam na paggamit ng mixed media bilang paglalaro sa teknikalidad, nabigyang-diin nito ang iniisip ni Mimibet sa kanyang katawan at kung paano niya ito tinanggap sa huli.

Dalawang imahen ang naihain sa atin sa kabuuan ng pelikula: ang namamayaning ekspektasyong tungkol sa katawan at ang reyalidad na nagsisiwalat sa kabalintunaan nito. 

Habang patuloy na ginagawa ni Mimibet ang lahat at sinusunod ang mga hakbang upang mabawasan ang kanyang timbang ay hindi pa rin siya nagtagumpay.

Kakatwa kung maituturing dahil taliwas sa pang-araw-araw ni Mimibet ang mga ganitong bagay. Hindi rin matibay ang mga hakbang sa pagpapapayat upang mapanindigan at maipasok ito ni Mimibet sa kanyang gawain sa pang-araw-araw. 

Idagdag pa ang balintuna sa espasyo kung saan hindi makuha at mahanap ni Mimibet ang suporta sa kaniyang pangangatawan na nag-uudyok upang lumitaw ang kanyang inseguridad sa sarili.

Sa espasyo, sa kasong ito, sa tahanan, nangyayari ang tunggalian ni Mimibet at ng iba pang karakter na nagbibigay katuwiran sa ‘di makatotohanang impluwensiya at namamayaning kamalayan ng lipunan.

Sa huli, makakasali naman si Mimibet sa class picture, ngunit hindi mabubura ang lahat ng negatibong impluwensiya ng mga patalastas sa malikot na isipan ng mga batang kagaya ni Mimibet at ang naipapamandila nitong popular na kamalayan na nagiging dahilan upang hubugin ang kaisipan at pagtingin sa katawan taliwas sa reyalidad.