Natatanging espektakulo ng danas sa ‘Primetime Mother’
Sino bang hindi makukuha ng emosyon sa paglalahad ng trahedyang dinaranas ng isang ina ngunit handang gawin ang lahat?
Sa likod ng nakakaiyak na mga kuwentong buhay sa mga game show ay ang komodipikasyon nito na nagiging sanhi ng desensitisasyon sa nangyayaring dahas sa ating lipunan.
Umiinog ang naratibo ng maikling pelikulang “Primetime Mother” sa direksyon ni Sonny Calvento sa karakter na si Minda Ferrer (ginampanan ni Meryll Soriano) sa kanyang pakikipagsapalaran kasama ang iba pang nanay sa game show na “My Amazing Nanay.” Maging ang katakot-takot na bunga nito sa gitna ng espektakulasyon.
Para kay Minda, tanging pagkapanalo lang ang mahalaga dahil kinakailangan niyang sustentuhan ang araw-araw na gamutan ng kanyang anak na may malubhang sakit. Kaya kahit ilang araw pa siyang pumila makapasok lang sa cut-off ng mga kalahok ay gagawin niya.
Ano ba ang ilang araw na paghihintay kung ang kapalit naman nito’y ang perang makukuha niya na siyang magliligtas at magiging sagot sa kahirapang dinaranas nila, lalo na ng kanyang anak?
Sa unang sipat, palasak na konotasyon ng isang ina ang nagiging pundasyon ng naratibo. Isang ina na handang magsakripisyo para sa kanyang pamilya lalo na sa mahal na anak.
Ngunit kung titingnan sa talaban ng kapangyarihan, kasangkapan lang ang mga ina at ang kanilang dedikasyon upang maisakatuparan ang pag-asa sa gitna ng trahedya sa buhay. Kung kaya makikita na nagiging espasyo ang mga game show bilang moda ng komodipikasyon ng pang-araw-araw na danas.
Kapansin-pansin ito sa eksena kung saan kinakailangang ikuwento ng mga nanay ang kanilang danas. Makikita sa akto, lalo na ni Minda na hindi ito komportable sa paghahayag ng kanyang pang-araw-araw na danas. Marahil dala ng emosyon lalo na’t nasasadlak ang kanyang anak sa isang nakamamatay na sakit. Idagdag pa ang kanyang walang katiyakang kita sa pang-araw-araw.
Sa kabilang banda, hindi ganito ang gusto ng game show na “My Amazing Nanay.” Hindi puwede ang mahiyain, ang pigilan ang nararamdaman. Kapag nakatutok na sa iyo ang kamera, habang nanonood ang buong bansa sa iyong paglalahad, kailangan mong ipakita na nasasaktan ka at kalunos-lunos ang iyong kuwentong buhay. Dahil ito ang magiging tulak mo upang magpursige na manalo at mabago ang buhay na isinasadlak ka sa matinding kahirapan.
Sa ganang ito, binibigyang-diin ng maikling pelikula ang koneksiyon ng karakter sa manonood. Sa pagbibigay ng pamilyar na danas sa araw-araw, nagiging tulay ito upang bigyang lapit ang buhay ng bawat isa, maging ang alienasyon na kaakibat nito. Sino bang hindi makukuha ng emosyon sa paglalahad ng trahedyang dinaranas ng isang ina ngunit handang gawin ang lahat?
Dagdag pa rito, mahihinuha na ginagawang puhunan ng mga games show kagaya ng “My Amazing Nanay” ang pang-araw-araw na danas upang isapakete ang dedikasyon at sakripisyo bilang kahingian sa pagiging isang ulirang ina. Higit lalo, binibigyang hubog nito ang pang-araw-araw na danas bilang espektakulo.
Kung iisipin, nagpapakatotoo lang sina Minda kasama ang iba pang kalahok sa kanilang kahirapan sa buhay. Ngunit kabalintunaan lang ito sapagkat pinagkakakitaan na ng mga game show ang emosyon ng mga kahalok habang sila ay nasa bulnerableng kalagayan.
Higit pa rito, walang kasiguraduhan ang lahat ng bagay sa espasyo ng mga game show. Kahit baliin pa ni Minda ang kanyang katawan, ikuwento ang lahat ng trahedya na dinanas at dinaranas niya.
Puhunan lang ang mga ito na itinataya sa sugal ng pakikipagbuno sa lipunang bigong bigyang-pansin ang panlipunan at pang-araw-araw na pangangailangan ng mga kagaya ni Minda. At ang tanging nananalo lang sa larong ito ay ang mga game show na kinokontrol ang imahen ng danas upang magpamahagi ng kamalayang-tiwarik.
Sa lantarang pagbuo ng mga game show sa pang-araw-araw na danas bilang kalakal, habang ginagawang puhunan ni Minda ang kanyang trahedya sa buhay, na maaari pang pagpiyestahan ng mga tao dahil sa muling produksiyon nito sa social media, kailangan niya ring ipakitang mas lalo siyang tumatag para makamtan ang premyo.
Sa ganitong sistema tumatakbo ang mga game show, ang pang-araw-araw na danas ay kinakasangkapan upang buuin ang kasiyahin sa gitna ng trahedya dahil sa naghihintay na premyo pagkatapos ng lahat.
Hindi na mahalaga ang trahedya rito dahil pinalalabnaw na ng mga game show kagaya ng “My Amazing Nanay” ang kanilang danas sa pamamagitan ng konstruksiyon ng huwad na imahen ng mga kalahok.
At kung iisipin nating ito na ang pinakanakakakilabot na bunga ng mga game show, sasagi sa ating alaala ang nangyaring stampede sa sikat na sikat na “Wowowee” noong 2006.
Kaya kakatwa kung iisipin kung paano dinanas ni Meryll Soriano sa katauhan ni Minda ang palagiang nagaganap sa game show ng kanyang ama na si Willie Revillame.
Dalawang bagay lang ang pinamamagitan ng panunuya na ito. Una, ang subkontekstong nananahan sa naratibo ng maikling pelikula maging sa produksiyon nito ng negosasyon ng kapangyarihan sa pagitan ng kalahok at game show. Ikalawa, ang natatanging espektakulo ng pang-araw-araw na danas na nakalapat hindi lang sa personal kundi pati na rin sa takbo ng lipunan.
Sa kabilang banda, binibigyang panibagong hubog ng maikling pelikula ang hanggahan ng sakripisyo ng isang ina.
Sa siklo ng sakripisyo ni Minda ay ang transpormasyong nagkulong sa kanya sa loob ng telebisyon (kung sisipatin pa nga ay isa rin itong pahiwatig hinggil sa subkonteksto ng naratibo). Sa pagkakakulong na sinapit ni Minda hindi pa rin malinaw sa manood kung nakuha niya ang premyo na siyang makagagamot sa sugat ng kanyang buhay.
Ang tanging sigurado lang dito ay ang komodipikasyon ng pang-araw-araw na danas na siyang nagkukubli sa ganap na solusyon sa pasakit sa buhay ni Minda. Dahil sa ganitong kalakaran, mahihinuha na tuluyang nasakop ng kapital ang ating panlipunang buhay dahil sa pagsustento ng midya, sa kaso ng maikling pelikula ay mga game show at ang huwad na imaheng binubuo nito upang magsilbi sa produksiyon ng kalakal.
Sa kabuuan, ipinapahiwatig sa atin ng maikling pelikula ang katakot-takot na bunga ng mga game show sa kondisyon ng pakikipagbuno ng mga kagaya ni Minda. Ginagamit ang emosyon at pang-araw-araw na danas upang palutangin ang desensitisasyon sa dahas na ating makikita sa ating lipunan.
Habang kinukuha ng patriyarkal na lipunan ang ahensiya ng kababaihan, maging sa marapat nilang pag-iral, samahan pa ng depiksiyon ng midya sa kanila bilang mga ulirang pigura.
Sa mga pagkakataong ito lumalabas ang tanong: Ano ngayon ang magiging pagtanaw natin bilang manonood, o sa paglabis bilang mga indibidwal, sa trahedya ng ating buhay maging sa kabuuang ng lipunang umiiral sa ating reyalidad?
Dahil kung dinaranas na natin ang trahedya ng pang-araw-araw na danas sa harap ng ating telebisyon, ito na ang panahon (na sang-ayon kay Rolando Tolentino) ng pagdanas sa trahedya bilang ‘di trahedya dahil binabago na nito ang takbo ng ating kamalayan at pakiramdam na siyang tiyak na trahedya natin bilang manonood.
Maaaring mapanood nang libre ang maikling pelikula sa YouTube.