Movie Buff

Ang mapalad, ang kaawa-awa at mga muni sa ‘Green Bones’


Hinahamon ng pelikula ang mga pre-conceived notion o panghuhusga natin hinggil sa mga person deprived of liberty.

Bago at suryal sa aking pandinig ang paniniwala na kapag ang isang tao’y krinemate at may makitang kulay berde sa kanyang mga abo, ibig sabihin na sa kanyang kaibuturan, siya raw ay naging mabuting tao. Sa pamahiing ito magsisimula at iikot ang kuwento ng pelikulang “Green Bones” ni Zig Dulay.

Sinusundan ng pelikula ang guwardiya sa bilangguan o bastonerong si Xavier Gonzaga (Ruru Madrid) at ang kanyang paglipat sa isang koreksiyonal sa isang piksyonal na isla. Sa isla, makakasalamuha niya si Domingo “Dom” Zamora (Dennis Trillo), isang presong hindi nagsasalita at nasintensiyahan dahil sa pagpatay.

Babaybayin ng pelikula ang pagtuklas ni Gonzaga sa mga sikreto na bumabalot sa pagkatao ni Zamora habang patuloy na hinahanap ang hustisya para sa kanyang kapatid na ‘di makatarungang pinatay noong bata pa siya. 

May halong pananabik at bukas na isipang pumasok sa loob ng sinehan dahil unang beses kong makakapanuod ng pelikula ni Dulay. Inasahan rin na magiging madrama at may makabuluhang twist sa kuwento dahil parte ang Pambansang Alagad ng Sining na si Ricky Lee sa pagbuo ng screenplay.

Ang mga karakter nina Gonzaga at Zamora ay biktima ng isang malagim na sirkumstansiya na naglagay sa kanila sa magkaibang sitwasyon.

Para kay Gonzaga, ginawa niya itong motibasyon para maging isang mahusay na tagapagpatupad ng batas na ehemplo ng disiplina at tagapagtanggol ng inaapi.

Sa kabilang banda, hinarap ng magnanakaw na si Zamora ang matagalang pagkakakulong matapos siyang mahatulan sa kasong murder. Magkaiba man ang kinahinatnan at katayuan sa loob ng piitan, naghahanap ang parehong karakter ng hustisya at kabuluhan sa kanilang kalagayan.

Tampok na ginamit ng pelikula ang tinatawag na Rashomon effect, hango sa pelikulang “Rashomon” ni Akira Kurosawa noong 1950 kung saan inilalahad ang isang insidente mula sa perspektibo ng magkakaibang karakter. Sa “Green Bones,” ginamit ang teknik na ito kakumbina ang voiceover narration para mailahad ang magkaiba at nagtatalong perspektibo at argumento ng mga karakter nina Gonzaga at Domingo hinggil sa pagkamit ng hustisya.

Detalyado ang setting ng istorya mula sa itsura ng koreksiyonal hanggang sa pagiging isolated ng isla. Magkasalungat na mga kulay mula sa matitingkad tungong madidilim na biswal ang ginamit ng pelikula para sa mga eskenang nagpapakita ng pagdadalamhati, pag-asa, kalungkutan at kasiyahan ng mga tauhan. Kapansin-pansin rin ang paggamit ng makabagbag-damdaming musika sa mga krusyal na eksena. 

Sa pamamaraan ng pagkukuwento ng “Green Bones,” may mararamdamang pag-aalinlangan ang mga manonood sa kung kanino maniniwala at papanig sa mga karakter. Hinahamon ng pelikula ang mga pre-conceived notion o panghuhusga natin hinggil sa mga person deprived of liberty. Habang pinaigting din nito ang pagkukuwestiyon kung para kanino nga ba nagsisilbi ang batas at hustisya sa bansa. 

Sa dulo, binigyan ng pelikula ng makatarungan kahit na mapait na resolusyon ang suliranin ng mga karakter nina Zamora at Gonzaga. Nagbigay rin ng malinaw na posisyon ang pelikula hinggil sa mga nang-aabuso ng hustisya at mapang-api.

Ang kalakasan ng pelikula ay nakaangkla sa malalim at makabuluhang karanasan ng mga karakter na lalong nagbibigay ng emosyonal na bigat sa mga totoong kuwento ng mga nagkasala, pinagkaitan ng hustisya at biktima ng panlipunang karahasan.