Regular ang maging ‘di regular
Sa likod ng masikhay na pagtatanghal ng jingle sa buhay na buhay na espasyo, mayroong balintuna sa pagkakapos ng sahod ng mga empleyado.

Para sa mga dambuhalang kompanya kagaya ng Trendysitas, kasangkapan lang ang turing sa mga manggagawa na maaari nilang palitan.
Umiikot ang naratibo ng “Excuse Me, Miss, Miss, Miss” sa direksiyon ni Sonny Calvento sa karakter na si Vangie (Phyllis Grande), trabahador ng Trendysitas, sa kanyang napipintong pagkatanggal sa trabaho at pagtuklas sa mahiwagang katauhan ng kanyang amo na si Ma’am Charo (Mailes Kanapi). Matinding pundasyon ng naratibo ang kritika nito sa eksploytasyon na nararanasan ng mga ‘di regular na empleyado, lalo na ng mga retail worker sa mga mall.
Kakatwa ang pambukas na eksena ng maikling pelikula. Sa likod ng masikhay na pagtatanghal ng jingle ng Trendysitas sa buhay na buhay na espasyo, mayroong balintuna sa pagkakapos ng sahod ng mga empleyado.
Maging sa walang katiyakan sa pananatili at naaabuso pa ng kanilang amo. At kahit na malaki ang kamal ng kita na napupunta sa dambuhalang kompanya ng Trendysitas, hirap na hirap pa rin itong gawing regular ang kanilang mga empleyado na gaya ni Vangie.
Sa kabilang banda, tanging pagsisikap lang ang sagot upang maging regular sa trabaho si Vangie. Ngunit kahit na maghapon niya pang ipaliwanag at patunayan ang kanyang sarili—maging ang kalidad ng kanyang trabaho—ay hindi pa rin ito sapat. Para kay Ma’am Charo, ang kapalpakan lang ni Vangie ang matibay na ebidensiya kung kaya hindi siya mapapasama sa mga magiging regular.
Mas lalo pang bumigat ang pasanin ni Vangie dahil habang naghihintay sa kanyang napipintong pagkatanggal, kinakailangan niya ring sustentuhan ang maintenance na gamot ng kanyang ina.
Ngunit paano niya mapupunan ang mga ito kung mismong ang sinasahod niya ay kulang pa para sa kanyang pang-araw-araw? Paano siya makapagbibigay sa kanyang pamilya kung sa mga susunod na araw, wala na siyang trabahong papasukan dahil natapos na ang kanyang kontrata?
“If there’s a will, there’s a way,” sabi ni Ma’am Charo. Pero paano kung ang tanging daan lang na ibinibigay sa mga empleyado ay ang paghahanap ng bagong papasukan? Higit na walang konsiderasyon ang litaniyang ito ni Ma’am Charo dahil mistulang inaalis nito ang kakayahan ng mga maykapangyarihan upang bigyan ang tulad ni Vangie ng mas magandang opsiyon para sa kanilang kahihinatnan sa trabaho.
Sa kalagitnaan ng pelikula, matutuklasan ni Vangie ang sikreto ni Ma’am Charo. Apat pala ang kanyang katauhan kung kaya hindi ito napapagod sa buong araw at nagagawa pang balansehin ang kanyang buhay sa loob at labas ng trabaho.
Sa pamamagitan ng reyalismong mahikal, nagkakaroon ng manipestasyon ang kagustuhan ng masahol na sistemang ipinapataw ng mga dambuhalang kompanya—ang pagkakaroon ng maraming katawan upang bunuin ang isang buong araw sa nakakapagod na trabaho. Sa mukha ng mga kapitalista kinakailangan mong gawin ang lahat kahit na mamatay ang ‘yong pisikal na katawan nang walang katuwiran.
Sa isang banda, kung tutuusin biktima rin si Ma’am Charo. Bilang amo na nabihag sa pain ng kapitalista, kinakailangan niyang punan ang trabaho ng mga mas nakatataas pa sa kanya.
Kagaya ni Vangie, patuloy lang din siyang nakikipaglaro sa apoy ng walang katiyakan sa oportunidad na maihahain para sa mga katulad nilang mga nilulugmok at nakatali sa kontrata.
Taliwas dito, kung susuriin pang pailalim, talaga bang mayroong simpatya ang mga kagaya ni Ma’am Charo sa mga gaya ni Vangie kung sila rin ang nagpapataw at nagpapanatili ng sistemang ito?
At sa isang lipunang pinipilit ang mga kagaya ni Vangie na gawin ang mga imposible at hatiin ang kanilang katawan, nagiging makina na lang ang mga empleyado na naka-program upang gumising-magtrabaho-matulog.
“Paano nga kung imposible lang ang tanging paraan?” sabi ni Ma’am Charo. Dahil sa eksploytasyong ito, nawawalan ng ahensiya ang mga empleyado sa kanilang sarili, maging sa pampersonal na buhay. Sabayan pa ng lumalalang krisis sa transportasyon na nararanasan ni Vangie at ng kanyang katrabaho sa pang-araw-araw.
Kagaya ng mga pasahero na naghihintay ng masasakyan, para sa mga kagaya ni Vangie na patuloy na kumakayod at nakikipagsapalaran, isang mahabang pila at matagal na paghihintay ang katiyakan para sa kanilang pagiging regular kung patuloy na nanatili ang kontraktuwalisasyon.
Sa huli, nagamit din ang reyalismong mahikal bilang pagmimito sa mundo ni Vangie. Kagaya ni Ma’am Charo nagkaroon siya ng tatlo pang bersiyon ng kanyang sarili upang tulungan siya sa pakikipagbuno sa trabaho.
Gayunpaman, paghaharaya lang ito ng isang manggagawang umaasang maging regular. Dahil sa huli, ang iniiwang imahen sa atin ng “Excuse Me, Miss, Miss, Miss” ay apat na mga manikin na mistulang nakakulong sa apat na rehas ng bintana.
Maaaring mapanood nang libre ang maikling pelikula sa YouTube.