Editoryal

Berdugong umaaktong kakampi


Sa pinapakita ng gobyernong Marcos Jr. ngayon na lantarang pagtanggap sa sundalong Hapones, tiyak na ibinaon na rin niya sa limot ang kanilang karumaldumal na krimen para lang ipaubaya ang Pilipinas sa mga among dayuhan.

Naganap sa nagdaang buwan ang dalawang mayor na military exercise sa Pilipinas sa pangunguna ng United States (US) at Japan. Inilunsad ang isang water search and rescue activity at ang ikawalong Kamandag exercises.

Kilala naman nang nanghihimasok at nagmamanipula ng politika ang Amerika para itulak ang interes nito sa rehiyong Asya-Pasipiko. Pero marapat ding bigyang pansin ang madalas niyang kasa-kasamang Japan.

Hindi ba’t kilala ang mga Hapon bilang tagapagtaguyod ng pasipismo o katahimikan at kapayapaan? Bakit madalas na silang umaangkas sa militaristang mga hangarin ng Amerika?

Sa katunayan, may mahabang listahan ng mga kasalanan noon pa man ang Japan sa Pilipinas. At hanggang ngayon, hindi pa rin ito kinikilala. Kapwa ang US at Japan—mga dating brutal na sumakop sa ating bansa—ang umaastang kakampi ngayon kahit pa tila inuulit lamang nila ang paggamit sa buong kapuluan sa mga pansariling hangarin.

Kagaya noong panahon ng kanilang pananakop, layon nilang kontrolin ang politika ng bansa at gawin itong kuwartel sa buong rehiyon. At kagaya din ng Amerika, ginagamit ng Japan ang retorika ng umano’y pagtulong at pagsuporta sa Pilipinas, pero dinadamay lang nila ang mga Pilipino sa tunggalian nila sa China.

Dating nanungkulan bilang hepe ng Ministry of Defense ang pinakabagong punong ministro ng Japan na si Shigeru Ishiba. Aminado ang bagong lider na pangarap niyang magkaroon ng malaking samahang pangmilitar sa Asya, kagaya ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) sa Kanluran. Ito’y para kontrahin daw ang lumalaking impluwensiya at kapangyarihan ng China.

Sinabi pa ng gobyernong Hapones na kinakaharap ng mundo ang “pinakamatinding pagsubok mula noong panahon ng giyera at pumasok na tayo sa bagong yugto ng krisis.” Kapal ng mukha! Sila nga ang isang mayor na dahilan kung bakit may Ikalawang Digmaang Pandaigdig!

Kasabay nito, lumobo sa $56 bilyon ang badyet sa militar ng Japan, pinakamalaki sa kanyang kasaysayan. Hindi kapayapaan ang binabandila nila—kagaya na lang noong binomba nila ang Pilipinas, giyera at karahasan ang hatid nila sa bansa.

Salamin din ito sa nilagdaan noong Hulyo na Reciprocal Access Agreement, kasunduang nagpapahintulot sa pagpasok at pananatili ng mga sundalong Hapones sa Pilipinas.

Nakakakilabot ang muling pagpasok ng mga puwersang Hapones gayong ilang dekada na nilang hindi kinikilala ang daang libong comfort women na malupit nilang pinagsamantalahan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Noong 2018, tinanggal sa Roxas Boulevard ang isang monumentong nagpapaalala sa dinanas ng mga kababaihan sa ilalim ng pananakop ng mga Hapones. Ayon sa ating administrasyon, kailangan daw iwasan na galitin ang Japan. Hindi makayanan ng sarili nating gobyerno na tumindig para sa mga Pilipino.

Kaya hindi na nakakagulat na noong 2023, lumabas sa pag-aaral ng United Nations Committee on the Elimination of Discrimination against Women na kinalimutan ng gobyerno natin at ng Japan ang paulit-ulit na panggagahasa sa mahigit 200,000 na kababaihan.

Sa kanilang inilabas na desisyon, sinabi ng United Nations na nilabag ng gobyerno ng Pilipinas ang karapatan ng mga biktima na makatanggap ng reparasyon, pinansyal na suporta at pagkilala. 

Sa pinapakita ng gobyernong Marcos Jr. ngayon na lantarang pagtanggap sa sundalong Hapones, tiyak na ibinaon na rin niya sa limot ang kanilang karumaldumal na krimen para lang ipaubaya ang Pilipinas sa mga among dayuhan.

Mabuti pa ang mga palabas gaya ng “Pulang Araw” ng GMA Network na nagsisikap na isiwalat ang kinakalimutang yugto ng kasaysayan. Kamakailan, nagsalita din ang artista nitong si Ashley Ortega sa pagnanais daw niyang maging boses ng mga inabuso para “mag-spread ng awareness sa mga tao kung ano mga nangyari noong World War II.”

Panunumbalik ng berdugo ng Asya ang papatinding militarisasyon sa rehiyon at presensiya sa Pilipinas ng Japan. Umasta mang tagapagtanggol, kabalikat sa sakuna o katuwang sa komersiyo, ang totoo’y sa kumunoy ng giyera niya tayo ilulubog.