Pinagkakakitaan na boses
Ang masidhing pagsusulong ng mga neoliberal na polisiya, pagtaas ng matrikula at ugnayan sa pagitan ng mga pribadong korporasyon at pamantasan ang tumatayong mga pangunahing halimbawa ng komersiyalisadong mukha nito.
Karapatan ng lahat ng mamamayan ang dekalidad na edukasyon sa lahat ng antas na dapat isulong at protektahan ng estado. Gayunpaman, taliwas dito ang kasalukuyang lagay ng ating sistemang pang-edukasyon.
Sa pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), may masidhing kakulangan sa mga imprastraktura, kagamitan at mga guro sa mga pampublikong paaralan na nagdudulot ng mababang kalidad ng edukasyon.
Bagaman kinikilala ang susing papel nito sa pagtugon sa kahirapan, binigyang-diin ng PIDS na pribilehiyo pa rin ang edukasyon sapagkat marami ang hindi nabibigyang pagkakataon na makapag-aral lalo na sa mga maralitang lungsod.
Pinalalala ito ng komersiyalisadong katangian ng ating edukasyon na ipinaliwanag ni Curtis Riep sa kanyang pananaliksik noong 2016 na nagmula sa kawalan ng libreng edukasyon sa bansa na pinunan ng mga pribadong institusyon.
Ganito rin daw ang lagay sa mga pribadong paaralan. Ang masidhing pagsusulong ng mga neoliberal na polisiya, pagtaas ng matrikula at ugnayan sa pagitan ng mga pribadong korporasyon at pamantasan ang tumatayong mga pangunahing halimbawa ng komersiyalisadong mukha nito.
Komersiyalisasyon sa SUCs
Isa sa pinakamalaking state university and college (SUC) sa bansa ang Polytechnic University of the Philippines (PUP), kung saan higit 80,000 mag-aaral ang nagtatamasa ng abot-kayang edukasyon. Ngunit sa kabila ng paghahandog ng libreng matrikula, hindi ito nakaligtas sa banta ng komersiyalisasyon.
Ayon kay Tiffany Faith Brillante, pangulo ng PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM), bagaman libre ang matrikula sa PUP, hindi masasabing libre talaga ang edukasyon dahil patuloy na tumataas ang ibang bayarin tulad ng laboratoryo, paglilimbag at iba pa na dagdag-pasanin sa mga estudyante.
Isa rin sa mga pangamba ng karamihan ang isinusulong sa Kongreso na Senate Bill 2448 o National Polytechnic University (NPU) Bill na naglalayong baguhin ang Presidential Decree 1341 o ang PUP Charter.
Kabilang dito ang mga House Bill 8829, 8860 at 9060 na nagpapahintulot sa administrasyon na magtakda ng sariling matrikula, gawing pribado ang ilang mga serbisyo tulad ng kalusugan, pagkain,at pangangalaga sa mga pasilidad, at magbigay daan sa mga negosyo sa loob ng PUP.
Bagaman may mga probisyong magpapataas ng pondo ng PUP sa ilalim ng NPU Bill, hindi nito matutugunan ang daing ng mga iskolar ng bayan para sa karagdagang pondo.
Sa 2025 National Expenditure Program, kabilang ang PUP na apektado ng pagbawas sa badyet sa SUCs. Mula sa hinihinging P11.8 bilyon, bumaba ito sa P8.4 bilyon na lang o tapyas na P3.39 bilyon.
Ayon kay Brillante, pinaasa lang ang mga estudyante sa pangakong karagdagang pondo na binawi rin sa huli. Dapat umanong ibigay ng gobyerno ang pondo nangng walang kompromiso at walang kaakibat na komersiyal na interes para sa PUP at iba pang SUCs.
Nagpahayag naman ng pangamba si CJ Diaz, konsehal ng SKM, sa epekto ng komersiyalisasyon sa mga maliliit na nagtitinda sa may lagoon ng kampus.
“Hindi lingid sa kaalaman natin na pumapalo sa P20,000 hanggang P50,000 ang renta ng mga manininda kada buwan at hindi pa raw kasama riyan ang bayarin sa tubig at kuryente. May posibilidad na hindi na makakakumpetensya ang mga maliliit na negosyo kung papasok ang mga malalaking kompanya tulad ng Chowking, Jollibee, McDonald’s at iba pa sa loob ng pamantasan,” aniya
Samantala, hindi lang sa pinansyal na aspekto ang epekto ng komersiyalisasiyon, kundi pati sa kalidad ng edukasyon.
Ayon kay Jasper Karl Cabanban, pangalawang tagapangulo ng Kabataan Partylist PUP, mababawasan ang kalidad ng pagkatuto ng mga estudyante dahil maaaring pagsabayin nila ang pag-aaral at pagtatrabaho para matugunan ang mga bayarin sa pamantasan o tuluyang huminto na lang.
Pangamba ng mga lider-estudyante na maisantabi ang mga tunay na isyu sa akademya at maglaho ang kanilang boses dahil nakokompromiso ng komersiyal na interes ang representasyon ng mga mag-aaral.
Anila, kung ngayon pa lang hirap na sila sa mga bayarin ng lugar, materyales at iba pang pangangailangan upang makapagsilbi sa kapwa estudyante, paano pa kung magpatuloy ang komersiyalisasyon sa SUCs tulad ng PUP?
Patuloy na nilalabanan ng SKM at iba pang organisasyon ang NPU Bill at komersiyalisasyon sa pamamagitan ng mga kilos-protesta, alyansa sa ibang lider-estudyante at grupo mula sa ibang SUCs, at mga diyalogo sa mga opisyal ng pamantasan.
Mayroon silang “Bantay NPU Bill” na nagsusuri sa mga polisiya ng estado at administrasyon.
Komersiyalisasyon sa mga pribadong paaralan
Hindi lang sa SUCs laganap ang komersyalisasyon. Namamayagpag pa rin ang komersiyalisasyon sa loob ng Ateneo de Manila University bagaman ipinahayag nito na isa raw itong non-profit.
Marami ng naging hakbangin at ugnayan ang administrasyon nito na nakatuon sa pagbibigay espasyo sa mga pribadong korporasyon.
Kamakailan lang, binuksan ng University Business Affairs Office (UBAO) ang posisyon upang pamunuan ang mga cafeteria ng mga kolehiyo dahil hindi nito nilagdaan muli ang kontrata ng Ateneo Multi-Purpose Cooperative (AMPC) na matagal ng operator nito.
Nang hiningan ng The Guidon ng panayam ang direktor ng UBAO na si Victor Claravall, sinabi niyang isa sa mga pangunahing motibasyon ang pagkuha ng “best deal.”
Ayon pa sa ulat ng publikasyon, sinuri ng opisina ang mga naghahangad na mga korporasyon sa batayan ng kita at pagtugon sa mga pamantayan sa kaligtasan sa pagkain.
Importante ang AMPC sapagkat mula ng mabuo ito noong 1975, pinagmayarian ito ng iba’t ibang mga estudyante, guro, administrador, at mga manggagawa na namuhunan sa kooperatiba.
Dagdag pa rito, malaki rin ang itinutulong nito sa mga iskolar ng pamantasan sa pagbibigay nito ng mga food stub na pinopondahan ng kooperatiba, Office of Admission and Aid (OAA) at ng Ateneo Alumni Scholars Association upang bawasan ang presyo ng pagkain.
Binigyang diin ni Barbie Ortiz, ang kasalukuyang kinatawan ng sektor ng mga iskolar, na kinakailangan na kasama ang mga mag-aaral sa mga importanteng desisyon dahil mahalagang usapin ang abot-kayang pagkain sa loob ng kampus.
Ngunit hindi ito ang unang pagkakataon na may masidhing kakulangan sa konsultasyon sa mga guro, mag-aaral at manggagawa ng Ateneo.
Kagaya na lang nang hindi inabisuhan ng administrasyon ang buong komunidad ng Ateneo sa desisyon nitong magputol ng 82 na puno upang bigyan ng espasyo ang konstruksiyon ng North Carpark.
Sa mga manggagawa naman, kulang ang datos na ibinigay ng administrasyon sa Ateneo Employees and Workers Union na kanilang gagamitin sa komputasyon para sa negosasyon ng collective bargaining agreement.
Marka din ng komersiyalisasyon ang nakaraang napagpasyahan ng mga administrador na maging 100% renewable ang enerhiya sa pamantasan sa tulong ng Shell Philippines, isang korporasyon na may kasaysayan ng paninira sa kalikasan.
Hindi rin inabusihan ang mga kinauukulang opisyal o miyembro ng student council ukol sa desisyon na ito.
Sa kasalukuyan, nagaganap ang mga importanteng desisyon sa kabila ng mga epekto nito. Walang konsultasyon at walang lehitimong representasyon ang mga mag-aaral sa mga susing usapin.
Ipinaliwanag ni Luis Banzon, ang kasalukuyang secretary general ng Sanggunian Central Assembly, inilalahad ng mga administrador ang mga susing isyu sa mga forum kung saan may kinatawan ang bawat sektor ngunit pinal na ang mga detalye ng kasunduan kapag inihain na.
“Upang umusbong ang lehitimong representasyon, kinakailangan na alam ng kinatawan ng mga mag-aaral ang mga masusing isyu. Hindi epektibo ang komunikasyon ng mga administrador at ang mga kinatawan ng estudyante na siyang nagdudulot ng huwad na representasyon,” ani Banzon.
Hindi napapakilos nang husto ang mga mag-aaral sapagkat hindi nila alam ang mga nangyayari sa mga negosasyon.
Bilang kinatawan ng mga mag-aaral, kailangan pa magsikap ng mga student council upang mas marinig pa ang kanilang tinig dahil tubo ang pangunahing motibasyon ng huwad na representasyon sa kahit na anumang pamantasan.