Lumiliit na pondo, nagtataasang matrikula

Lalo lang pinalulubha ng iba’t ibang porma ng komersyalisasyon sa edukasyon ang krisis at pananamantalang nararasan ng mga mag-aaral sa mga pampubliko at pribadong kolehiyo’t pamantasan sa bansa.

Matinong tulog, pagmamahal sa pamilya at pangarap. Ilan lang iyan sa mga nagtutulak sa mga estudyante na pagbutihin ang kanilang pag-aaral.

At sa araw-araw na pakikipagsapalaran ng mga mag-aaral, hadlang pa rin sa kanilang mga pangarap ang krisis sa edukasyon sa bansa.

Sa pagsusumikap at patuloy na panawagan ng kilusang kabataang estudyante, naging ganap na batas ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act o Republic Act 10931 noong 2017.

Nilalayon ng batas na mabigyan ng libreng edukasyon ang mga estudyante sa state universities and colleges (SUC) at vocational schools ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda), kasama ang tuition, miscellaneous fees at iba pang bayarin.

May maganda mang hangarin ng batas, manlalata lang ito kung hindi nasasabayan ng iba pang polisiya, kasama na ang pagpaplano sa pondo.

Ayon kay Maricho Tagailo ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP), binabarat ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga state university.

Nasa P113.74 bilyon ang panukalang badyet para sa mga SUC sa taong 2025. Isinumite ito ng Department of Budget and Management noong Hul. 29 sa Kongreso. Mas mababa ito ng 12% kumpara sa P128.23 bilyon na alokasyon ngayong taon.

Mula sa panukalang pondo, makakatanggap lang ng P3.4 bilyong badyet ang Polytechnic University of the Philippines (PUP). Wala pa ito sa kalahati ng hinihinging P11.9 bilyon ng unibersidad para sa 2025. Mayroong higit 80,000 na mag-aaral sa 20 nitong branches ang PUP, na pinakamalaking SUC sa bansa.

Bukod pa rito, nangangamba ngayon ang mga mag-aaral ng PUP dahil sa pagbubukas muli ng usapin sa pagpasa ng National Polytechnic University (NPU) Bill o House Bills 8829, 8860 at 9060 sa Kongreso. Kung maaaprubahan, magbibigay-daan ito sa pagsasapribado ng ilang mga serbisyo at maaari na ring magkaroon ng mga pribadong negosyo sa unibersidad.

Ayon sa Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan-PUP (SAMASA-PUP), hindi sapat ang panukala para mapabuti ang sitwasyon sa unibersidad. Dapat umanong magkaroon ng sistemang nagpapahalaga sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral at nag-aalok ng pantay na oportunidad para sa lahat, anuman ang estado sa buhay. Kaya tutol ang grupo sa NPU Bill.

Apektado sa isyu ng pondo ang kalidad ng edukasyon, kaya pinipili ng marami ang mga pribadong higher education institution (HEI) para sa inaasam na garantiya ng kalidad, ayon kay Tagailo.

Higit-kumulang 2.4 na milyong estudyante ang naka-enroll sa mga pribadong institusyon, ayon sa datos ng Commission on Higher Education (CHED) noong 2023. Mas mataas ito kaysa sa bilang ng mga nag-aaral sa mga pampublikong unibersidad sa mga lalawigan at mga SUC, na humigit-kumulang 2.3 milyon.

Sa ngayon, isyu sa pondo at panggastos ang pagkakapareho ng pribado at pampubliko. 

Karamihan sa mga pribadong kolehiyo at unibersidad, sinabi na ang tumataas na implasyon ang kanilang dahilan sa pagtaas ng matrikula, bukod pa sa regular na pagsasaayos ng mga pasilidad.

Ayon kay Iver John Delos Santos, pangalawang pangulo ng Sanggunian ng mga Mag-aaral ng mga Paaralang Loyola ng Ateneo de Manila, napapadalas ang paglapit sa kanya ng mga kapwa-estudyante at iskolar ukol sa kung paano magsumite ng promissory note dahil kulang o wala silang pambayad.

Sobrang mabigat ang 6% na pagtaas ng kanilang tuition para sa kanilang mga estudyante at pamilya. Lalo na at hindi sumasapat ang kanilang natatanggap na mga scholarship upang matustusan ang pagtaas nito.

Giit ni Delos Santos na hindi bukas ang proseso ng usaping pagtaas matrikula sa kanilang pamantasan.

“Isang beses lang nakokonsulta ‘yong mga estudyante’t magulang tungkol dito tapos hindi klaro kung mayroon nga bang paraan para baguhin ‘yong badyet bunga ng konsultasyon. Tila ba nagiging presentasyon na lang siya ng desisyong tapos na, imbis na konsultasyon,” ani Delos Santos.

Ibinahagi naman ni MJ, hindi niya tunay na pangalan, isang fourth year na mag-aaral sa De La Salle University (DLSU) na taon-taon tumataas ang kanilang tuition. Apektado ang mga estudyante lalo na ang mga tulad niyang iskolar.

“Nagugulat na lang ako na kung minsan, umaabot ang matrikula ng P90,000 dahil mayroon akong laboratory subject. Kung hindi ako iskolar, hindi ko kakayanin ang patuloy na pagtaas sa matrikula sapagkat ang aking mga magulang ay pareho [nang] matatanda at ‘di na kayang maghanapbuhay,” sabi ni MJ.

Naiintidihan umano ni MJ na kailangan magtaas ng tuition para sa sahod sa mga manggagawa at pagsasaayos ng mga pasilidad ng DLSU. Ngunit, hinihiling niya na sana pag-isipan nang mabuti ang porsiyento na itataas kung talaga bang kakayanin ito ng mga mag-aaral.

Kaya “mariin nating tinututulan ang patuloy na komersyalisasyon ng edukasyon at ipinaglalaban ang isang kritikal at epektibong sistemang pang-edukasyong makabayan, siyentipiko at makamasa,” ani Delos Santos.

Bukod sa walang humpay na pagtaas ng tuition at mababang badyet para sa pampublikong edukasyon, kailangan pang harapin ng kabataan ang iba pang polisiya ng hindi naman direktang tutugon sa kanilang mga problema.

Ayon kay Ysa Briones, tagapangulo ng League of Filipino Students-National Capital Region at estudyante ng University of the Philippines Manila, ang dayuhang pagmamay-ari ng mga paaralan ang hudyat sa tumitinding kolonyal, komersyalisado at represibong edukasyon sa bansa, kung matutuloy ang panukalang Charter change.

Pinuna rin ni Briones ang niraratsadang pagpasa sa Mandatory Reserve Officers’ Training Corps na gusto pang gawing prayoridad ng Senado.

“Ilan lamang ito sa mga anti-mamamayan na mga proyekto ng rehimeng Marcos Jr. sa sektor ng edukasyon,” ani Briones, “Nakatuon lamang ito sa pagpapayaman ng kanyang rehimen kasama ang mga dambuhalang korporasyon at imperyalistang dayuhan.”

Ang mga hamon tulad ng kakulangan sa mga pasilidad, mataas na gastusin sa pamumuhay, isyu sa kalidad ng edukasyon at sapat na bilang ng mga guro ang nananatiling malaking balakid sa ganap na pag-unlad ng sektor ng edukasyon.