‘Negosyonibersidad’
Hindi ba’t dapat na pamilya ang trato sa matagal nang kasama? O baka naman hindi sila talaga itinuturing na kapamilya dahil hindi tunog-Gokongwei ang mga apelyido nila.

May mall na sa loob mismo ng kampus ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Habang tuwang-tuwa ang administrasyon, tawang-tawa’t inis na inis naman ang maraming estudyante, guro, manininda at iba pang miyembro ng komunidad ng pamantasang harang, este hirang.
Kahit na halatang portmanteau ang DiliMall, nakakatawa pa rin ang pangalan ng gusali. Sa mga Bisaya, ang ibig sabihin ng dili ay hindi. Kitang-kita ang mall sa bandang Area 2 pero hindi raw ito mall kung pagbabatayan ang pangalan. At sa ngalan ng DiliMall, hindi naghunos-dili ang komunidad sa pagtutol.
Sa isang banda, nakakatawa ring ipinagyayabang ng ilang opisyal ng UP ang pagiging aktibista raw nila noon at kahit ngayon. Sabi pa nga ng kataas-taasang opisyal, marami raw siyang iniligtas na mga Pilipino sa kapahamakan, bukod pa sa mas seryoso’t radikal na isyu ang ipinaglaban niya noong siya ay lider-estudyante. Bakit naman daw kasi pinoprotesta pa ang isang establisimyento samantalang may malalaking isyung mas dapat pagtuunan ng pansin?
Mali ang kataas-taasang opisyal na ito. Ang protestang nangyari sa pagbubukas ng Robinsons Easymart noong Nob. 18 ay hindi lang nakatutok sa partikular na negosyo dahil ang pangunahing isyu ay ang pagkompromiso ng edukasyon sa ngalan ng pinalaking tubo.
Anong klaseng unibersidad ang nagbibigay ng prayoridad sa malalaking negosyo? Bakit hindi masyadong pinapansin ang hinaing ng maliliit na maninindang taos-pusong naglilingkod sa komunidad sa pamamagitan ng mababang presyo ng produkto’t serbisyo? May kinalaman ba ang pinagdaraanan ng mga manininda sa edukasyon sa UP? Oo naman!
May susing papel ang mga nagtitinda ng murang pagkain (e.g., fishballs, noodles) at nagbibigay ng mabilis at murang serbisyo (e.g., photocopying ng readings, binding ng thesis) sa araw-araw na buhay ng mga estudyante’t guro. Hindi kayang tugunan ng malalaking kapitalista ang murang presyo’t makataong pakikitungo.
Dahil itinuturing na bahagi ng komunidad ang mga manininda, komportable sila sa maliit na kita dahil ang araw-araw na pakikipagkuwentuhan sa mga parokyano ang kanilang kaligayahan.
Nakikitawa sila sa biruan, alaskahan at laglagan ng mga estudyante habang kumakain ng kwek-kwek. Papalapit pa lang ang isang guro, inihahanda na ng isang manininda ang tatlong squid ball para lutuin dahil walang siguradong ito ang kanyang bibilhin. At kung kasama ng guro ang anak niya, ilalabas na rin ng manininda ang dalawang pirasong tsokolate. May ganito bang pagsasaalang-alang ang malalaking kapitalistang ang layunin lang ay higanteng tubo?
Sadyang nakakainis ang plano ng mga makapangyarihan sa UP. Sa pamamagitan ng DiliMall, balak nilang papasukin ang malalaking negosyo tulad ng kabubukas lang na Robinsons Easymart na pag-aari ng pamilyang Gokongwei.
Bagama’t nangangakong hindi palalayasin ang mga manininda, nakapagtatakang mas binibigyan ng prayoridad sa espasyo ng kampus ang mga “taga-labas” sa halip na ‘yong mga bahagi ng komunidad.
Hindi ba’t dapat na pamilya ang trato sa matagal nang kasama? O baka naman hindi sila talaga itinuturing na kapamilya dahil hindi tunog-Gokongwei ang mga apelyido nila.
Para sa mga opisyal ng UP, walang problema ang sitwasyong ilalagay sa maganda’t komportableng puwesto ang malalaking kapitalista habang ang maliliit na manininda ay literal na nasa laylayan lang. Darating kaya ang panahong palalayasin din ang mga nasa laylayan dahil sila’y masakit sa mata? Mainam na sagutin ang tanong na ito sa isa pang tanong: Matapobre ba ang mga nasa kapangyarihan?
Sa mga hindi nakakaalam, may malaking problema sa espasyong pang-akademiko sa UP Diliman.
Maraming estudyanteng nangangailangan ng tambayan (para sa mga miyembro ng organisasyon) at ng mas maayos na silid-aralan. Maraming gurong wala pa ring sariling opisina mula nang masunog ang Faculty Center noong 2016. Hindi pa rin tapos ang renobasyon ng UP Main Library kaya hindi nakakapagsaliksik nang mabuti ang mga guro’t estudyante.
Inirereklamo rin ang Student Union Building na itinayo noong 2022 hindi lang dahil sa limitadong espasyong ibinibigay sa mga estudyante kundi rin dahil sa maraming tulo, crack at iba pang depekto sa mismong gusali kahit bago pa lang ito.
Kung ano-ano pa kasi ang inuuna. Kapakanan ng komunidad o ng malalaking negosyo? Halatang-halata kung ano ang prayoridad. Mula ngayon, gawin na sana itong “cheer” ng komunidad (sa tono ng UP Cheer tuwing may laro ang pamantasan):
Negosyonibersidad ng Pilipinas (8x)
Mga swapang, pangit ka-bonding
Natatakot sa aktibismo
Sa tubo, hindi magpapahuli
Ganyan silang kampon ni Jijil
Negosyonibersidad ng Pilipinas (4x)
Hoy!
Sa bawat pahayag ng administrasyon para maglinaw, dalawang tanong ang pumapasok sa utak at puso: Para kanino ang DiliMall? Unibersidad pa rin bang maituturing ang pamantasang harang, este hirang?
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com