Sunod-sunod na taas-presyo sa langis, pasakit–Piston


Dagdag-pasanin ang linggo-linggong taas-presyo ng langis. Daing ng transport group na Piston, umabot na sa P7.25 kada litro ang kabuuang itinaas sa presyo ng diesel sa loob ng isang buwan.

Dagdag-pasanin ang linggo-linggong taas-presyo ng langis. Daing ng transport group na Piston, umabot na sa P7.25 kada litro ang kabuuang itinaas sa presyo ng diesel sa loob ng isang buwan.

Humigit-kumulang P1,700 araw-araw ang ginagastos ng mga tsuper sa gasolina at tinatayang nasa P5,000 na ang kabuuang nabawas sa kita ng mga tsuper ngayong buwan ng Oktubre.

“Matagal na nating pinapanawagan na tanggalin ang mga buwis sa langis na lalong nagpapahirap sa mga drayber at mga konsyumer, pero puro mga bilyonaryo at mga dayuhan lang ang tila pinagsisilbihan ni Marcos [Jr.] at malinaw na wala siyang pakialam sa mga ordinaryong mamamayan,” ani Piston president Mody Floranda.

Paliwanag ni Floranda, kayang ibaba ng gobyerno ang presyo ng langis kung aalisin ang mga buwis tulad ng excise tax at value added tax. Dapat din umanong ibalik ang kontrol ng gobyerno sa presyuhan ng mga produktong petrolyo na tinanggal ng Oil Deregulation Law noong 1998.