Pinakamalaking transport strike vs oil price hike, kasado na sa Marso 26-27

,

Magsasama-sama ang mga grupo mula sa iba’t ibang moda ng transportasyon para maglunsad ng malawakan at pambansang welga laban sa pagsirit ng presyo ng langis sa Marso 26 at 27.

Magsasama-sama ang mga grupo mula sa iba’t ibang moda ng transportasyon para maglunsad ng malawakan at pambansang welga laban sa pagsirit ng presyo ng langis sa Marso 26 at 27.

Kasabay ng anunsiyo sa isang press conference sa UP Diliman ngayong Lunes, Marso 23, nagsama-sama ang mga kalahok na grupo sa iisang samahan na No to Oil Price Hike Coalition. Binubuo ito ng mga drayber at opereytor ng dyip, bus, Utility Vehicle (UV) Express, motorcycle (MC) taxi at transport network vehicle service (TNVS) na may suporta mula sa mga komyuter, manggagawa at estudyante.

Pangungunahan ng No to Oil Price Hike Coalition ang tigil-pasada ang mga tsuper ng dyip at UV Express, habang magsasagawa ng “no booking” o pagpatay ng ride hailing at delivery apps ang mga MC taxi, delivery rider at TNVS driver. Sasabayan ito ng protesta sa mga strike centers sa Metro Manila at iba pang mga lalawigan sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ayon kay Mody Floranda, pangulo ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston), maituturing itong isa sa pinakamalaki at pinakamalawak na welgang transportasyon simula noong nagwelga ang Piston kontra-jeepney phaseout.

Panawagan ng koalisyon ang pagtanggal sa value-added tax (VAT) at excise tax sa langis, rollback ng presyo ng langis sa P55, pagbasura sa Oil Deregulation Law, pagsasabansa ng industriya ng langis at pagwawakas sa giyera ng US at Israel sa Iran.

Ayon sa koalisyon, kayang kontrolin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagsirit ng presyo ng langis, serbisyo, at bilihin kung gugustuhin niyang unahin ang kapakanan ng mamamayan at dinggin ang mga hinaing ng transport sector.

Nanawagan din ang koalisyon ng kagyat na pagtatas ng pamasahe sa lahat ng moda ng transportasyon at kasabay ng pagtaas ng sahod ng mga manggagawa sa P1,200 family living wage (FLW).

“Hindi nalalayo ang hangarin naming mga manggagawa sa mga kasama sa transport sector. Matagal nang umaaray ang mga manggagawa dahil ‘yong kinikita natin sa araw-araw ay hindi na talaga sapat,” wika ni Christine Agan ng All Workers Unity (AWU).

“Sinabi ni Marcos nung sinuspinde niya ang P1 dagdag-pasahe na ginawa niya iyon para maproteksiyonan ang mga komyuter. Pero kung totoong may pakialam siya sa mga komyuter, dadagdagan niya ng sahod ang mga manggagawa,” aniya.

Ngayong araw, naglunsad din ng “transport holiday” ang mga tsuper at opereytor sa ilalim ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) at National Federation of Transport Cooperatives (NFTC).

Anila, inisyatiba nila ito upang maiparating sa gobyerno ang epekto ng krisis sa langis sa transport at ang pangangailangan para sa pangmatagalang solusyon.