Doringo at Floranda, boses ng maralita at tsuper
Ang puhunan nila sa darating na halalan ay tiwala sa sarili, sa mga sektor na kanilang kinakatawan at sa masa na kanilang paglilingkuran. Ang kanilang diskarte, “makipag-usap tao sa tao, kapwa sa kapwa.”
Tumindig at magsilbing liwanag sa dilim. Ito ang layunin ng pagtakbo sa Senado nina Mimi Doringo at Mody Floranda ng Makabayan Coalition.
Nangako silang magiging boses ng maralitang mamamayan at sektor ng pampublikong transportasyon sa mataas na kapulungan ng Kongreso, kung saan anila nagkalat ang mga politikong hindi danas ang mga problemang iniinda ng taumbayan.
Dalawa sina Doringo at Floranda sa 11 na kandidatong inendorso ng Makabayan ngayong 2025. Bilang bahagi ng koalisyon, pangunahing plataporma nila ang pagtaas ng sahod at pagbaba ng presyo ng bilihin.
Mula tenement hanggang Senado
Bilang indibidwal na kandidato na may karanasan bilang lider ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), pagtutuunan ng pansin ni Doringo ang ligtas at abot-kayang pabahay para sa mga mahihirap. Nag-ugat aniya ang platapormang ito sa kanyang sariling karanasan sa pabahay ng gobyerno.
Bahagi si Doringo ng komunidad sa gilid ng Tullahan River bago masalanta ng Bagyong Ondoy ang kanilang mga tirahan noong 2009. Bitbit ang salita ng National Housing Authority (NHA) na giginhawa ang kanilang sitwasyon sa pabahay ng gobyerno, pinili ni Doringo at ng iba pang nawalan ng tahanan na manirahan sa inalok sa kanilang public tenement sa Caloocan City.
“Kahit in-city relocation, mahirap pa rin ‘yong sitwasyon. Naisip ko, ito na ‘yong magiging bahay namin habambuhay—dito na ko mamamatay. Kaya kailangan na maging maayos ‘yong relokasyon. E ‘di, tumayo kami bilang bagong leaders, at dahil nakita naman ng NHA siguro yung senseridad ko, pinabayaan nila [akong] mangasiwa,” ani Doringo.
Bilang lider ng komunidad, nagsilbi siya hindi lang bilang tanod ng kanilang gusali kung hindi maging tagapagtanggol ng mga karapatan laban sa aniya’y hindi patas na paniningil sa kanila ng gobyerno at ng pribadong korporasyon na kasama nito sa proyekto.
Sabi ni Doringo, naranasan niya at ng kanyang mga kasamahan sa tenement ang panggigipit mula sa dalawang stakeholder.
“Dahil nga sa sobrang mahal ng bayarin, nagbunga siya sa hindi nakakabayad yung mga tao. [Minsan], bayad naman kami pero napuputulan [pa rin] kami ng serbisyo [tulad ng kuryente at tubig].”
Bunga ng aniya’y kakulangan sa maayos na serbisyo at patas na sistema sa pabahay ng gobyerno, natutuhan ni Doringo na tumindig para sa kanyang komunidad—at higit para sa kanyang pamilya at sarili.
Bilang miyembro ng Kadamay, saksi si Doringo sa patuloy na pag-iral ng ganitong klaseng sistema.
Mula Kadamay hanggang Senado, ipagpapatuloy ni Doringo ang paglaban para sa “disente, abot-kaya, pampubliko at pangmasang pabahay.”
Plano niya ring pigilan ang anumang porma ng pribatisasyon sa tubig, kuryente, pabahay at iba pang pampublikong serbisyo at espasyo gaya ng mga palengke. Balak niya ring pagtuunan ng pansin ang mga sektor ng kalusugan at edukasyon.
Kung manalo sa Senado, nais muling isulong ni Doringo ang panukalang pagbubuwis sa mga bilyonaryo upang makalikom ng mas maraming pondo para sa mga pampublikong programa ng gobyerno. Inihain ng Makabayan bloc ang House Bill 10253 sa mababang kapulungan ng Kongreso noong 2021.
Sa ilalim ng panukala, kailangang magbayad ng 1% na buwis ang mga indibidwal na mayroong hihigit sa P1 bilyong taxable assets, 2% para sa higit P2 bilyon at 3% para sa higit P3 bilyon.
Nananatili itong nakabinbin sa Kongreso dahil sa pangamba ng Department of Finance na maaari itong magdulot ng paglabas ng kapital mula sa bansa at agresibong pag-iwas sa pagbabayad ng buwis.
Para kay Doringo, ito ang tamang panahon para pasukin niya ang mundo ng politika “dahil hanggang ngayon, ang mga nakapuwesto sa pamahalaan ay naglilingkod sa mga mayayaman, sa mga dayuhan at mga kapitalista.” Aniya, oras na para magkaroon ng tinig ang totoong maralita sa Senado.
Biyaheng mambabatas
Matapos ang mahigit 25 taong pamamasada, ilang taong pamamahala bilang national president ng Pagkakaisa ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (Piston), at walong taong pakikibaka laban sa “bogus at huwad na [jeepney] modernization program,” ang sunod na destinasyon namang nais tahakin ni Floranda ay ang Senado.
Sa haba ng kanyang karanasan sa sektor ng pampublikong transportasyon, nakita at naranasan niya ang mga problemang kinakaharap nito.
Dahil dito, naninindigan siya sa pangangailangan ng kinatawan nito sa Senado upang “makapagsulong ng mga batas para sa interes at kapakan ng mga drayber at opereytor, at para sa mga mamamayan.”
Isa sa mga problemang lantarang kinakaharap ng pampublikong transportasyon ang modernisasyon ng mga pampasaherong jeep.
Ayon kay Floranda, hindi lang ito ang sektor na apektado ng programa dahil nariyan din ang mga vulcanizing shop, barker at kainan na kumikita rito.
Tulad ng kanyang matagal nang mungkahi bilang lider ng Piston, naninindigan si Floranda na hindi phaseout kundi reporma ang solusyon sa tinuturong ambag ng mga jeep sa air pollution.
Imbis na mag-import ang gobyerno ng mga modernized jeepney, mas dapat aniya na gumawa ang pamahalaan ng sarili nitong industriya. Sa kanyang pag-upo sa Senado, ito ang kauna-unahang panukalang ihahain niya sa Senado.
Bukod sa pagbasura sa modernisasyon, plano rin niyang ibasura ang buwis sa langis at pagbibigay benepisyo sa mga drayber at opereytor dahil “isa ang [public] transport sa mga napabayaan ng gobyerno.”
Salat sa makinarya, sobra sa tiwala
Aminado sina Doringo at Floranda na salat sila sa politikal na makinarya. Hindi tulad ng ibang mga kandidato, hindi nila kayang magdikit ng mga paskil na may pagmumukha nila sa bawat pader na kanilang madadaanan. Mas lalong hindi nila kayang libutin nang personal ang bawat sulok ng Pilipinas.
Ang puhunan nila sa darating na halalan ay tiwala sa sarili, sa mga sektor na kanilang kinakatawan at sa masa na kanilang paglilingkuran. Ang kanilang diskarte, ayon kay Doringo, “makipag-usap tao sa tao, kapwa sa kapwa.”
Sa huli, kapwa silang naniniwala sa mabuting pagpapasya ng taumbayan. Sabi nga ni Floranda, bilang bahagi ng kanilang mga kinakatawang sektor, ramdam nila at danas nila ang mga problemang kinakaharap nito dahil “nakadikit [sila] sa mamamayang Pilipino.”