Bagong Pilipinas
Kampanya ng administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. na hindi nagsisilbi sa interes ng mga Pilipino at panakip butas lang ang pangako ng kaunlaran.
Bagong Pilipinas – Mula ito sa isang memorandum circular na inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hunyo 2023 kung saan ipinagmalaki niya na ang “layunin ng Bagong Pilipinas ay maglatag ng mga mithiin na dapat nating makamtan para sa kinabukasan ng ating bayan. Tapos na ang patsi-patsing plano na naiiba-iba na ang nangyayari lang ay nagkakawatak-watak tayo.”
Ang Bagong Pilipinas ay ang campaign rally ng pagkapangulo at administrasyon ni Marcos Jr. na nakatutok sa isang panglahatang plano para sa pagbabagong pang-ekonomiya at panlipunan. Pero hindi nagsisilbi sa interes ng mga Pilipino at panakip butas lang ang pangako ng kaunlaran para sa “Bagong Pilipinas” ng administrasyong Marcos Jr.
Hindi pa lubos na nasasaklolohan ang sektor ng agrikultura. Hanggang ngayon, patuloy pa din ang pag-iral ng Rice Tariffication Law na lalo lang pinasidhi ng mga pro-import na patakaran ni Marcos Jr. Patuloy din ang huwad na reporma sa lupa sa pamamagitan ng Comprehensive Agrarian Reform Program na nananatiling hindi sapat sa pagtugon ng kakulangan ng lupang sakahan na pagmamay-ari ng mga magsasaka.
Hindi na din kayang abutin ng karaniwang Pilipino ang sumisirit na presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo kahit bumagal ang implasyon dahil sa mababang kita at kawalan ng ipon ng mga pamilyang Pilipino.
Sa kabila ng pagtindi ng kahirapan, umaabot na sa P15.89 trilyon ang utang ng Pilipinas sa pagtatapos ng Setyembre. Sa parehong buwan, nagsagawa ng sarbey ang Social Weather Stations kung saan lumabas na nasa 16.3 milyong Pilipino o 59% ng buong populasyon ang naghihirap, pinakamataas na porsyento mula noong 2008.
Makitid rin ang daan para sa pag-unlad ng mga nasa laylayan. Nasa 35 milyon hanggang 40 milyong Pilipino ang kulang o impormal ang hanapbuhay at mababa ang tinatanggap na sahod. Kaya hindi nakakagulat na halos 12 milyong manggagawang Pilipino na piniling malayo sa kani-kanilang pamilya para mangibang bansa at doon humanap ng trabaho, ayon sa Ibon Foundation.
Mula nang maupo si Marcos Jr. bilang pangulo, tuloy-tuloy rin ang atake sa karapatang pantao. Hindi nawala ang harassment, banta, pag-aresto, pag-atake, surveillance, pagdukot, panggigipit at red-tagging sa mga tagapagtaguyod para sa lipunang sibil, pati ang patuloy na pamamaslang ng pulisya at vigilante na konektado sa droga.
Marami nang inakusahang mga manggagawa, magsasaka, taong simbahan, abogado, guro, kabataan, pati mga kritiko ng gobyerno’t artista at iba pang organisasyon bilang tagasuporta ng mga rebeldeng komunistang New People’s Army ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na kakuntsaba ng militar at pulisya.
Tumtindi lang lalo ang paglabag sa karapatang panto dahil nanatili ang batas na minana sa nagdaang rehimeng Duterte na Anti-Terror Law na naglalagay sa mga biktima sa matinding panganib ng atake ng ahente ng gobyerno o ‘di kilalang professional killer.
Ang patuloy na pambubusabos at pagyurak ng rehimeng Marcos Jr. sa demokratikong karapatan ay lalo lamang magtutulak sa mga progresibo at makabayang puwersa na magmulat, mag-organisa, magpakilos at maglunsad ng mga pag-aaral sa batayang karapatan ng mamamayan upang maarmasan sila ng kaalaman sa pagtatanggol sa kanilang sarili.
Dapat malinaw na ilantad ang papel ng “Bagong Pilipinas” ni Marcos Jr. Dapat palakasin at palawakin ang hanay ng mamamayang naniningil ng katarungan gamit ang anti-pyudal at anti-imperyalistang pakikibaka—ang pakikibaka para sa kabuhayan at pagkakamit ng tunay na kalayaan at demokrasya.