Imperyalismong Estados Unidos
Ang imperyalismong Estados Unidos ay may mahabang tradisyon ng pakikialam sa militar, politika at ekonomiya sa panloob na mga gawain ng ibang mga bansa mula pa noong 1945.
Imperyalismong Estados Unidos (United States o US) – Paraan ng pamamahala kung saan hangad nilang palawakin ang kanilang kapangyarihan sa pamamagitan ng pagsakop o paglulunsad ng mga hakbang para makontrol ang politika at ekonomiya ng isang sakop na teritoryo ng ibang bansa upang makalikha ng isang mas malaking imperyo.
Ang imperyalismong US ay may mahabang tradisyon ng pakikialam sa militar, politika at ekonomiya sa panloob na mga gawain ng ibang mga bansa mula pa noong 1945.
Ang imperyalismong US ay nakialam sa Tsina noong 1945-1946 at 1950-1953, sa Syria noong 1940, sa Korea noong 1950-53, sa Iran noong 1953, sa Guatemala noong 1954, sa Tibet sa pagitan ng 1955 at 1970, sa Indonesia noong 1958, sa Bay of Pigs sa Cuba noong 1959, sa Democratic Republic of the Congo noong 1960-1965, sa Dominican Republic noong 1961, sa Vietnam noong 1961-1973, sa Brazil noong 1964, muli sa Guatemala noong 1964, at sa Laos mula 1964-1973.
Nagpatuloy ito sa iba pang mga bansa sa mundo. Ilan lang sa halimbawa nito ang panghihimasok sa Anggola mula 1976 hanggang 1992, pakikialam sa Libya at pati Pilipinas noong 1989, sa Panama noong 1990, sa Iraq noong 1991, sa Somalia sa pagitan ng 1992 at 1994 at sa Afghanistan noong 2001.
Gamit ang bilyon-bilyong dolyar, pinalakas ng US ang kanyang hukbong dagat at militar upang hindi malamangan ng iba pang mga bansang imperyalista. Ginagawa rin ito ng US para matiyak ang tagumpay ng pananakop kung sasalungat ang sasakupin o kung maghihimagsik kapag nasakop na.
Layunin ng imperyalismong US ang pananakop ng mga bansa tulad ng Pilipinas na may mapagkukunan ng mga hilaw na materyales at mababagsakan ng sobrang produkto at kapital. Magsisilbi ring base ang Pilipinas para higit na mapalawak ng US ang kapangyarihan nito sa Asya-Pasipiko. Kailangan pangalagaan ng Amerika at protektahan ang kanilang kalakal sa rehiyon.
Pero hindi mananatili nang matagal sa Pilipinas ang imperyalistang US kung wala silang kasabwat at kapanalig sa bansa. Sa larangang pangkabuhayan, ang mga imperyalista ay may mga alipores—mga panginoong maylupa at komprador na siyang tuwirang nakikinabang sa pananakop. Ang laging biktima ng koloyalismo’y ang maraming bilang ng mga magsasaka at manggagawa.
Malaking balakid ang imperyalismo kung bakit hindi maaaring makasunod ang isang bansang hindi maunlad sa landas ng kapitalistang pag-unlad. Dahil sa patuloy na pananatili ng imperyalistang US sa Pilipinas, ang lipunang nabuo at tumibay sa bansa ay isang lipunang malakolonyal at malapyudal.
Nais ng US mapanatiling pyudal ang balangkas ng kabuhayan ng Pilipinas upang sa habang panahon’y maging tagatustos ito ng mga hilaw na kalakal at tagaangkat ng mga yaring produkto ng US.
Ang mga burukratang kapitalista at kaalyadong mga partido politikal ay nagsilbing kasabwat o kakutsaba ng mga imperyalista. Lahat ng mga kautusan at batas na kanilang nililikha at ipinatutupad ay mga batas na mga imperyalista at naghaharing uri lang ang nakikinabang.
Walang dignidad ang kasalukuyang papet na estado sa paglapastangan sa pambansang soberanya, patrimonya at teritoryal na integridad ng bansa. Walang ibang hinaharap ang sambayanang Pilipino kung hindi ang tumitinding krisis, kahirapan, paglabag sa karapatan bunsod ng pansariling hangarin ng Amerika at iba pang imperyalista.
Mawawakasan lang ang agresibong panghihimasok ng US at ibang bansa sa Pilipinas kung mapahigpit ang pagkakaisa ng sambayanang Pilipino para sa pagpapalakas ng kilusang masa laban sa tumitinding interbensyon ng Amerika at mga kasabwat nito sa bansa.