Kritika after X
Ang matingkad sa ngayon ay ang hamong igiit ang progresibong politika sa panahon ng iglap na virality, ng krisis-kultural na iniluwal ng mga makinarya ng attention economy.
Binubuksan ko ang kolum na ito sa panahon na sumabay ako sa maraming user ng X (dating Twitter) sa mabilisang paggawa ng account sa Bluesky, isang bagong social networking site (SNS) para sa microblogging.
Simula nang bilhin ni Elon Musk ang Twitter/X, naging kapansin-pansin ang pagsulpot ng bot-generated tweets, gayundin ng agresibong ragasa ng maka-kanang content sa platform. Ito ang nagbunsod sa malawak na exodus ng mga user sa bagong SNS na ito.
May pangako ang Bluesky na hindi ito kasing-toxic ng Twitter/X. Gaya ng marami kong nababasang post sa bagong plataporma na ito, refreshing ito, lalo’t hindi pa masyadong nagkakaroon ng bardagulan. Pero siyempre, nariyan din ang pagdududa sa hanay ng maraming bagong user—na baka gaya ng X, maging echo chamber lang din ito.
Sa panahon ng microblogging at paulit-ulit na hamon na manghimasok sa, kung hindi man buwagin ang echo chamber, napapaisip ako sa halaga at bisa ng komentaryo. Bago ang espasyong ito, kalakhan ng mga pakiramdam ko—o hanash, sa kontemporaryong parlance—sa daigdig, politika, pop culture at iba pa ay nailalahad ko sa bite-sized na porma—tweet, Facebook status, caption sa Instagram story.
Madalas, dahil na rin sa maraming progresibong personalidad na may kakayahang masapol ang mga pakiramdam na ito sa pinaka-lucid at articulate na pamamaraan, nakasasapat na ang retweet o share.
Aaminin kong hindi ako mahusay magsustine ng mahahabang sulatin sa social media. Tinangka kong bumuo ng blogsite, magbukas ng Letterboxd at Goodreads account pero wala akong naipaskil sa mga ito.
Lagi akong may pakiramdam na baka kailangang ilaan ang enerhiya sa pagsusulat sa mga akademikong papel na kahingian sa hanapbuhay (bilang pakikisabay sa toxic productivity na parametro ng propesyonal na mobilidad).
Marahil, naikondisyon din ako na sa mas mahahabang papel na ito maaaring magkaroon ng espasyo para sa elaborasyon o at least nuancing (o ilusyon nito?) ng mga kuro-kuro at ideya. Ito’y kahit wala namang masyadong matiyagang nagbabasa maliban sa mga ka-echo chamber sa makipot at pinakikipot na espasyo ng akademya.
Pero baka kailangan din minsan ng mga iglap na pagtatangkang maglatag ng mga pakiramdam at kuru-kuro. Maaaring may simbuyong narcissista ito (na bakit ka nga naman karapat-dapat basahin o pakinggan?), pero puwede rin itong pagsugal sa posibilidad na—baka naman—may maibahaging makabuluhan sa hinihirayang publikong kayang maglaan ng ilang minuto para mag-scroll ng sinusulat.
Ang kabuluhang ito’y maaaring sa pagiging tama o sa pagiging mali; napapanday ng nagbabasang publiko ang sariling pagkukuro, sampu ng mga subhetibo at obhetibong danas na inuugatan nito, maaaring sa praktika ng pagsang-ayon o pagtunggali sa mga inilalahad na punto.
Namamayaning problematique sa kasalukuyan ang paglalahad ng progresibong pananaw sa pampublikong ispero na espasyo din ng kontestasyon. Ang matingkad sa ngayon ay ang hamong igiit ang progresibong politika sa panahon ng iglap na virality, ng krisis-kultural na iniluwal ng mga makinarya ng attention economy.
Nariyan ang memeable meltdown ni Sara Duterte, ang mga imahen ng kalabisan at layaw ng mga Marcos Jr. at kasabwat, ang mga imahen ng pananalanta ng kalamidad, ang mga sumisirkulong video ng dahas mula sa henosidyo sa Gaza. Malikot at nakapanlilinlang ang algoritmong malimit na sumasagka sa posibilidad ng pampolitikang mobilisasyon sa loob at labas ng ating mga screen.
Mga hamon ito na puwede ring tingnan bilang oportunidad. Laging puwedeng sagpangin ang mga espasyo upang pagmuni-munihan at sipatin ang lipunan at mga posibilidad na baguhin ito.