Mula parlor hanggang developmentalismo
Dagdag na saray ng depolitisasyon sa kaunlaran ang pagkakapiit ng mga NGO sa estado, mga korporasyon at mga multilateral na institusyong nagdidikta ng mga mandato ng kaunlaran.
Halos dalawang dekada matapos mailimbag ang “Sa Labas ng Parlor,” ang isa sa unang kalipunan ng antolohiya ng mga maikling kuwento tungkol sa kabaklaan sa Pilipinas, inilabas ng kuwentistang si Honorio Bartolome de Dios ang “Maikling Kasaysayan ng Dalita” (UP Press, 2026). Sa panibagong koleksiyong ito, ipinagpatuloy ni de Dios ang danas ng kabaklaan sa konteksto ng neoliberal na pag-iral at ang mga kabalintunaan ng inihahapag nitong nosyon ng kaunlaran.
Marahil isa sa pinakatanyag na kuwento “Sa Labas ng Parlor” ang “Geyluv.” Magkasalitang isinalaysay ng dalawang tauhan dito—sina Benjie at Mike—ang papausbong nilang pag-iibigan habang nakikisangkot sa development work sa kanayunan. Tinuturol ng kuwentong ito ang milieu ng developmentalismo sa pagbungad ng dekada ’90.
Sa pagbagsak ng diktadura at pagyakap ng bansa sa demokratisasyon, inihapag ng developmentalismo ang pangako ng pagpapabuti sa buhay ng mamamayan sa pamamagitan ng malaong integrasyon ng pambansang ekonomiya sa globalisadong pag-iral. Inihapag ng mga sumulpot na non-government organization (NGO) sa panahong ito ang mga alternatibong hakbang sa panlipunang pagbabago na sumasagka rin sa pakikilahok sa mga radikal na kilusang panlipunan.
Dagdag na saray ng depolitisasyon sa kaunlaran ang pagkakapiit ng mga NGO sa estado, mga korporasyon at mga multilateral na institusyong nagdidikta ng mga mandato ng kaunlaran.
Sa “Maikling Kasaysayan ng Dalita,” umigting ang pagsuysoy ni de Dios sa malaong propesyunalisasyon ng aktibismo sa porma ng development work.
Sa kuwentong “Magkaibang Uri” na maaaring basahin bilang baryasyon ng “Geyluv,” salitan ang pagsasalaysay ng dalawang tauhang sina Raffy at Gerald habang binabagtas ang kalaunan ay malungkot na kongklusyon ng kanilang relasyon.
Sa gitna ng deteritoryalisasyong idinidikta ng neoliberal na laro ng developmentalismo, ibinabalik tayo ng ilang kuwento ni de Dios sa mga pamayanan kung saan nananatili ang mga lapat-sa-lupang realidad ng mga ordinaryong mamamayang may partikular na aspirasyon tungo sa panlipunang pagbabago na lampas sa de-numerong ulat ng mga propesyunal na NGO.
Primaryang kontradiksiyon ng dalawang magkasintahan ang magkaibang aspirasyon ng panlipunang kaunlaran na nagsisilbing sagka rin sa kanilang hangad na mabuhay nang magkasama—si Raffy, tungo sa kosmopolitanisadong mobilidad ng propesyonal na development work sa Europa, at si Gerald, tungo sa kanayunan upang palalimin ang pakikisangkot laban sa agresyong pangkaunlaran sa kanilang rehiyon.
Puno ang mga tauhan ng koleksiyon ng mga baklang inuusisa kung bakit ang kaunlaran na hindi nararamdaman ng mga pamayanang dinadayo ng mga NGO ay nakabatay sa metriko at parametro ng funding agencies. Sa mga kuwentong “Lamay” at “Sunshine Boy,” nariyan din ang mga personal na kompromiso ng paulit-ulit na deteritoriyalisasyon at reteritoriyalisasyon upang tawirin ang mga hangganan ng mga bansa sa isang larangang ang kaunlaran ay nagiging isang globalisadong laro ng mga project report.
Sa gitna ng deteritoryalisasyong idinidikta ng neoliberal na laro ng developmentalismo, ibinabalik tayo ng ilang kuwento ni de Dios sa mga pamayanan kung saan nananatili ang mga lapat-sa-lupang realidad ng mga ordinaryong mamamayang may partikular na aspirasyon tungo sa panlipunang pagbabago na lampas sa de-numerong ulat ng mga propesyunal na NGO.
Ito ay mababakas sa “Batang ML” na kuwento ng alaala tungkol sa pagkabata sa ilalim ng diktadura, kung saan naunawaan ng tauhan ang kahulugan ng rebolusyon sa unang pagkakataon.
Sa mga kuwentong “Ang Tawo sa Puso ni Teresa” at “Etong Bayad, ‘Sang Kalayaan Lang,” isinalaysay ang danas ng mga tauhang tumakas mula sa karahasan ng kani-kanilang pinagmulang pamayanan upang makipagsapalaran sa kabayanan at kalunsuran.
At sa gitna ng nakalalansing diskurso ng developmentalismo, nariyan din ang mga tauhang kagaya ni Reyna sa “Yungib” at “Reyna” na ginulat ang kanyang piyudal na pamayanan sa pamamagitan ng paglalantad ng sarili at ng matapang na pamumuno sa kanilang lokal na pakikibaka.
Sa mga pahina ng aklat ni de Dios, nakabigkis ang pakikibaka hinggil sa kasarian at seksuwalidad sa masalimuot na panlipunang pakikibaka laban sa agresyong pangkaunlaran sa mga pamayanan. At dito, napatitingkad na maging ang nosyon ng kaunlaran ay isang sityo rin ng tunggalian.