Muni at Suri

Baha at edukasyon

Sa pagbaha sa mga pamayanan, umaagos din ang krisis sa edukasyon.

Sunod-sunod ang pagsuspinde ng mga face-to-face na klase nitong nagdaang mga linggo dahil sa pananalanta ng ulang dala ng habagat sa malaking bahagi ng Luzon. Dala na rin ng mga blanket suspension na ito na nagmula pa sa mga direktiba ng Malacañang, napilitang i-adjust ng marami ang kani-kanilang schedule lalo pa’t kasisimula pa lang ng klase sa maraming unibersidad at paaralan. 

Habang may mga puna sa blanket suspension dahil may mga lokalidad na hindi naman lubusang nasalanta ng ulan at baha, hindi pa rin maitatatwa na inilantad ng mga nagdaang linggo ang sistemikong bunga ng pagpapabaya ng estado sa mga pamayanan at pagpaplanong panlungsod. 

Sumirkulo muli ang mga imahen ng baha sa iba’t ibang bahagi ng bansa—mga imahen ng paglusong, paglubog at paghahanap ng saklolo. 

Nakalakip sa mga imaheng ito ang marahas na kasaysayan ng pangangamkam at pamamayani ng lohika ng kita sa pagpaplano ng ating mga espasyo. Sinisira ang kalikasan at winawasak ang mga katutubong pamayanan sa ngalan ng mga komersiyal na interes na pinapayagan ng Department of Environment and Natural Resources at National Commission on Indigenous Peoples.

Itinatransporma ang maraming lupain at anyong tubig bilang mga lungsod ng semento, tinatambakan ng mga mall at subdibisyon.

At muli sa ating naipaalala na hindi pa lubusang napapanagot ang mga negosyante at politikong sangkot sa anomalya sa flood control projects. 

Sa bahagi ng mga guro, mag-aaral at magulang, tila naibalik na naman tayo sa panahon ng pandemya. Inihahapag ang alternatibong modalidad sa pagtuturo na para bang awtomatikong naiko-convert ang mga silabus, silid-aralan, laboratoryo at classroom discussion sa loob ng mga screen.

Ipinapasa sa mga guro at magulang ang responsibilidad na i-recreate ang mga lohistikal na kahingian ng pagkatuto sa mga paaralan. 

Lagi’t laging inilalatag ng maraming administrador sa sektor ng edukasyon na kinakailangang ibukas ang mga kurikulum sa mga kahingian ng hybrid na sistema ng pagtuturo. Naitinulak na tayo ng post-pandemic na pag-iral sa hindi matatakasang implementasyon ng blended learning bilang staple na bahagi ng edukasyon sa kasalukuyan.

Ngunit sa harap ng mga kakapusang patuloy na hinaharap ng mga paaralan at unibersidad dahil sa patuloy na pagtatapyas ng budget, hungkag ang direktibang ito.

Kapos na kapos ang suporta sa mga guro, mahina (kung gumagana man o available) ang wifi sa mga paaralan, kulang ang mga pasilidad para sa teknolohikal na kahingian ng hybrid at flipped na classroom.

At sa loob ng mga tahanan, sinusuong ng mga pamilya ang malawakang ekonomikong krisis na nagtatakda ng ‘di pantay na access sa mga kahingian sa pagkatuto.

Ang blended learning ay nagiging buzzword na walang kinakapitang materyalidad sa mga paaralang biktima ng kapos na budget, sa mga pamayanang hindi makakaaccess ng wifi dahil lubog sa baha.

At hindi rin tinutugunan ng blended learning ang maraming krisis sa kurikulum na nakapadron sa interes ng pagkakamal ng tubo na isinusulong ng mga puwersang komersiyal na siya ring nagdudulot ng pagbaha sa mga komunidad.

Sa pagbaha sa mga pamayanan, umaagos din ang krisis sa edukasyon. Maging ang pagkatuto ay pagsuong na sa baha ng mga suliraning panlipunan.