Muni at Suri

Teach you a lesson

Mahalagang siyasatin kung paano nahuhulma sa pampublikong imahinasyon ang nosyon at praktika ng disiplina bilang kaagapay ng mga pasistang patakaran.

Nitong nagdaang linggo, nag-viral ang video ni Gabriel Go, head ng Special Operations GroupTask Force for Road Clearing ng MMDA habang ina-apprehend ang isang guro na hindi nagsuot ng helmet habang nakasakay sa motorsiklo. Umani ng batikos ang video dahil sa panghihiya ni Go sa guro. Dahil dito, kaagad na idineklara ng MMDA ang imbestigasyon sa potensyal na paglabag ni Go sa Data Privacy Act.

Ang insidenteng ito’y bahagi ng teknolohiya ng subordinasyon ng ordinaryong mamamayan sa harap ng dominanteng kapasidad ng estado. Nagsisilbing ekstensiyon ng kapangyarihan ng mga awtoridad ang spectacle ng pagdidisiplina na lumalaganap sa social media.

Nakukuhanan at sumisirkulo ang akto ng mga paglabag bilang ideolohikal na alibi sa kamay na bakal na pagpapatupad. Dito natutunghayan ng madla ang pagdidisiplina bilang porma ng virtual na flexing ng estado.

Hinggil sa spectacle ng disiplina at kaayusan, naalala ko ang kontrobersiyal na K-drama na “Teach You A Lesson”. Tungkol ito sa isang fictional na ERPB (Educational Rights Protection Bureau) na binuo upang protektahan ang mga paaralan at mga guro mula sa mga porma ng pang-aabuso mula sa mga estudyante, magulang at maging kapwa guro.

Napukaw ang atensiyon ko ng seryeng ito dahil sa matapos ang naganap na pamamaril ng dalawang estudyante sa isang paaralan sa Tacloban nitong Hunyo, Samu’t saring komento sa social media ang nagmungkahi na kinakailangan ng ERPB sa bansa. Makakapa sa mga komentong ito ang sentimyentong palawigin ang represibong aparato ng estado sa mga paaralan.

Habang pinapanood ko ang “Teach You A Lesson”, nakita ko ang pag-iral ng melodrama bilang genre na maaaring magsulong ng pasistang sentimyento.

Ipinakikilala ng serye ang mga elementong dapat disiplinahin—mga sigang estudyante, mga mararahas na bully, mga pakialamerong magulang, mga gurong nagmamanipula ng exam—bilang mga kontrabidang masasawata lang ng puwersa ng “lehitimong” karahasan ng estado.

Literal na militarisado ang inihahapag na solusyon ng serye—ang pangunahing tauhan ay dating kasapi ng Korean Special Forces at sa gayon ay may sapat na training upang harapin maging ang mga pisikal na agresyon ng mga kalaban. 

Mahalagang siyasatin kung paano nahuhulma sa pampublikong imahinasyon ang nosyon at praktika ng disiplina bilang kaagapay ng mga pasistang patakaran. Lagi’t laging nakatungtong ang pagpapalakas ng puwersang pulis at militar sa ideya sa agenda ng paglipol sa mga elementong tinitingnan bilang transgresibo at pasaway.

Sa Pilipinas, ang dominasyon ng spectacle ng mga “unruly element” ay isa sa mga sangkap sa pagpapatanggap sa politika ng kontra-insurhensiya, sa implementasyon ng Tokhang, at iba pang patakaran ng social extermination.

Ngunit maraming binubura ang mga spectacle na ito—ang kahalagahan ng pagpapahalaga sa karapatang pantao, ang mga estruktural na kalagayang nagpapausbong sa mga transgresyong panlipunan at ang makauring katangian ng karahasan ng estado na nagproprotekta sa mga tunay na ahente ng karahasan sa nakatataas na saray ng lipunan.

Hindi nga ba’t ordinaryong mamamayan ang tinatarget ng Tokhang habang protektado ang mga dambuhalang drug lord na kasabwat ng mga politiko, pulis at militar?

Ikinukubli ng spectacle na ito ang mas matitinding karahasan at krimen ng mga nasa kapangyarihan. Tagapaghulma ito ng melodramatikong publikong handang magtipon-tipon upang protektahan ang mga kagaya nina Duterte, Bato at Marcoleta.

Sa mapanganib na melodrama ng karahasan, ginagawang bida ang mga tunay na tagapaggawad ng karahasan at nagiging kontrabida ang ordinaryong mamamayang binibiktima ng sistemang pinapanatili ng iilan.