Muni at Suri

Nagpapatuloy na siglo ng kalungkutan


Nakokondisyon tayo ng mabilisang trapiko sa social media na bumabangga sa meditatibong akto ng pagbabasa. Nagiging nakabuburyong na gawain ang pagbabasa sa harap ng mas kapana-panabik na ragasa ng ating mga newsfeed.

Pinasubalian ng adaptasyon ng Netflix ng klasikong “One Hundred Years of Solitude” ng Colombianong nobelistang si Gabriel Garcia Marquez ang ideya na “unfilmable” ito. Sa halip na gawing isang feature-length na pelikula, ipinaloob sa 16-episode miniseries ang masalimuot na naratibo ng mga Buendia na maituturing din bilang alegorya ng kolonyalismo, kasarinlan at pakikibaka sa Ikatlong Daigdig.

Ilang episode pa lamang ang napapanood ko, pero tingin ko’y makabuluhang reimahinasyon ito ng akdang itinuturing bilang pangunahing halimbawa ng magic realism sa Latin America.

Ramdam ang makalupang sensibilidad sa adaptasyon at napagsanib ang mahiwaga at ang ordinaryo na siyang estilo ng pagsasamundo ng nobela. Naging kongkreto ang Macondo at may pakiramdam na makakabisado ng iyong talampakan ang mga maalikabok at maputik na sityo ng piksyonal na pamayanang ito, sampu ng mga lihim at lantad na kalungkutan ng mga tauhan nito.

May bisa ang televisual na adaptasyon upang maipakilala sa publiko ang mga akdang pampanitikan. Bilang guro ng panitikan, pamilyar ako sa hamong hikayatin ang mga estudyante na magbasa ng mga nobela.

Kung tutuusin, suliranin din ito maski sa hanay ng mga guro. Paano ka ba makapagsisingit ng panahon at atensiyon para rito kung sandamakmak ang teaching load, walang book allowance at kinakailangang tumugon sa diktang publish-or-perish?

Nakokondisyon din tayo ng mabilisang trapiko sa social media na bumabangga sa meditatibong akto ng pagbabasa. Nagiging nakabuburyong na gawain ang pagbabasa sa harap ng mas kapana-panabik na ragasa ng ating mga newsfeed.

Mahalagang bigyang-diin ang kahalagahan ng pagbabasa bilang replektibong gawain ng paghihiraya sa panahon ng mabilisan at bite-sized na daloy ng impormasyon. Sa tahimik na pag-upo sa isang sulok, may bagal, lalim at saklaw ang praktika ng pagsuong at paglilimi sa mga salita at mga ideya.

Gayunpaman, ang panonood ay nagiging pagbabasa rin.

Isang interesanteng halimbawa rito ang “Maria Clara at Ibarra” ng GMA Network. Sa malayang adaptasyon (o mas tumpak na sabihing reimahinasyon) ng “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo”, itinawid ang kasalukuyang danas ng pagkabansa sa milieu ng mga nobela ni Jose Rizal.

Dinala ang tauhang Gen Z na si Klay sa panahon nina Ibarra at Maria Clara at doon naunawaan niya ang katuturan ng pagbabasa kay Rizal. Makabuluhan ang pag-unawang ito sa panahong pinakikipot ang espasyo para sa humanidades sa mga kurikulum bilang pagtalima sa kahingian ng pandaigdigang merkado.

Sa pananaw ng kritikong si Caroline Hau, bahagi ang akto ng pagbabasa sa mga nobela ni Rizal—na hinihikayat ng serye—ng patuloy na paghihiraya sa bansa. Nauusisa natin kung paano tayo pinagbubuklod at isinasantabi sa lohika ng pagkabansa, at paano natin hinaharap ang mga hamong kaakibat ng pagbuo ng isang hinihirayang pamayanan.

Kagaya ni Klay, naipapakilala sa atin ng panitikan ang nagpapatuloy na mga usapin ng panunupil, pagkabansa at paghihimagsik na hinaharap natin bilang mga tauhan sa naratibo ng ating lipunan.

Binabasa natin hindi lamang ang kuwento ng nakaraan, kundi ng ating nagpapatuloy na pag-iral—kagaya ng pagkakatuklas ng huling Buendia na ang lumang manuskrito ni Melquiades ay kuwento pala ng kanilang nakaraan, kasalukuyan at hinaharap.