Natatanging Progresibo ng 2024


Hindi man maipagkakasya sa isang sulatin ang lahat ng boses na sumama sa koro ng hustisya, naniniwala ang Pinoy Weekly na mainam na representante ng laban para sa katarungan ang Natatanging Progresibo ng 2024.

2019 | 2020 | 2021 | 2022 | 2023

Walang pahinga ang mga isyu at balita sa 2024 kaya kailangang kilalanin ang mga hindi nagsawang tumindig sa panig ng katotohanan at ng inaapi. Sa dami ng kagimbal-gimbal na pangyayari, magagamit itong listahan pandagdag pag-asa sa sunod na mapanghamong taon ng pakikiisa at paniningil.

Hindi man maipagkakasya sa isang sulatin ang lahat ng boses na sumama sa koro ng hustisya, naniniwala ang Pinoy Weekly na mainam na representante ng laban para sa katarungan ang Natatanging Progresibo ng 2024.

Jolie Babista/Pinoy Weekly

40th People’s Cordillera Day. Isa ang People’s Cordillera Day sa pinakamalaking pagtitipon sa rehiyon para makiisa sa laban ng mga katutubo at itong ika-40 ang unang sentralisadong pagbubuklod mula noong pandemya. Bukod sa kasiyahan at pakikibahagi sa kultura ng mga lokal, katangi-tangi ang ang People’s Cordillera Day dahil nakatahi sa selebrasyon ang pagkakaroon ng pag-aaral ukol sa mga isyung kinakaharap ng mga katutubo katulad ng tumitinding militarisasyon, large-scale mining, pagkalbo sa mga kagubatan at pang-aagaw sa lupang ninuno.

Sa ika-40 na taon ng selebrasyon, hindi nakakalimot ang Kaigorotan sa pinag-ugatan ng pagtitipon na alay sa katapangan ni Macliing Dulag sa kabila ng diktadura ni Ferdinand Marcos Sr. at banta ng Chico River Dam project sa kanilang lupain. Sumikad, Kordilyera!

Mga nominado: Mga pagkilos sa buong bansa kontra Charter change; Protesta ng mga manggagawa ng Bacolod City Water District (Baciwa) sa Civil Service Commission; Mga pagkilos ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU) para sa katiyakan sa trabaho; Mayo Uno protest sa US Embassy; Nagpapatuloy na mga transport strike kontra sa ‘di makataong modernisasyon.

All Nexperia Fight/Facebook

Nexperia Philippines Inc. Workers Union (NPIWU). Buong taon sumuong sa pakikibaka ang unyon para sa sahod, trabaho at karapatang mag-organisa. Agad itong kumilos at dalawang beses bumoto pabor sa strike—kauna-unahan sa industriya ng semiconductor sa Pilipinas—dahil sa dumaraming biglaang tanggalan sa Nexperia Philippines na pagmamay-ari ng Chinese company na Wingtech Technology. Nanindigan ang unyon sa karapatan ng mga manggagawa na hindi mapag-iwanan alang-alang sa pagkakamal ng kita ng mga kompanya gamit ang makabagong teknolohiya. Halimbawa rin ang NPIWU sa binubuhay na diwa ng unyonismo sa Pilipinas para protektahan ang karapatan sa makataong kabuhayan.

Mga nominado: Kilusang Mayo Uno; Pamalakaya Pilipinas; Concerned Artists of the Philippines; Kalikasan People’s Network for the Environment; Amihan National Federation of Peasant Women.

Pamalakaya Pilipinas/Facebook

Ronnel Arambulo ng Pamalakaya Pilipinas. Hindi naging madali ang nagdaang taon para sa mga mangingisda dahil sa Manila Bay oil spill, agresyong militar ng Tsina sa exclusive economic zone ng Pilipinas, at lumalalang krisis sa klima. Kaya ganoon na lang ang tikas ng pamumuno na pinakita ni Arambulo nang pangunahan niya at ng Pamalakaya Pilipinas ang mga panawagan para sa subsidyo, pagprotekta sa yamang tubig at pagprotekta sa karapatang mag-organisa ng mga mangingisda para mas mapalakas ang kanilang mga panawagan.

Mga nominado: Mody Floranda ng Piston; Mimi Doringo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay); Cathy Estavillo ng Amihan National Federation of Peasant Women at Bantay Bigas; Mary Ann Castillo ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union; Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno; Lisa Ito ng Concerned Artists of the Philippines.

Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Makabayan Coalition. Kakaunti na lang ang mga mambabatas na nanatiling tunay na mukha ng oposisyon sa gobyerno at hindi miyembro ng mga dinastiyang nakikipagbuno para sa higit na kapangyarihan. Mas kakaunti pa ang humahumanay sa tabi ng mga pinagkakaitang komunidad ng mga magsasaka, mangingisda, manggagawa, maralitang tagalungsod, at iba pa. Kaya naman katangi-tangi ang koalisyong nagpatakbo sa Senado ng mga lider mula sa mga sektor na kailangan ng kasangga 

Mula sa kanilang mga tinintindigang isyu sa Kongreso hanggang sa suportang tapat sa taumbayan, muling pinatunayan ng Koalisyong Makabayan ang halaga ng tunay na serbisyong pampubliko.

Mga nominado: Bantay Bigas; Suki Network; National Wage Coalition; Filipino Youth 4 Palestine; Youth Advocates for Climate Action Philippines (Yacap).

Marc Lino J. Abila/Pinoy Weekly

Desisyon sa red-tagging ng Korte Suprema. Sa isang makasaysayang desisyon, sinabi ng Korte Suprema na banta sa buhay, kalayaan at seguridad ang panre-red-tag, paninira, pagbabansag o pagkakasala batay sa ugnayan. Kaugnay ito ng petisyon para sa writ of amparo ni dating Bayan Muna Partylist Rep. Siegfred Deduro na biktima ng red-tagging, pagbabanta at harassment ng militar sa Iloilo. Sa desisyong ito, malinaw na nilalabag ng ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, kasabwat ang militar at pulisya, ang mga karapatan ng mga indibidwal at grupong pinararatangang nilang “terorista.”

Espesyal na pagkilala: Sinalubong nang maligaya ng maraming organisasyong midya at tanggol-karapatan ang paghatol ng Quezon City Regional Trial Court na guilty kina Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz sa isinampang P2 milyong kasong sibil ni Atom Araullo. Para ito sa mapanirang-puri na mga pahayag nina Badoy at Celiz laban sa lehitimong pagbabalita ni Araullo at pakikisangkot sa mga organisasyong tanggol-karapatan ng kanyang ina na si Carol Araullo.

Mga nominado: Imbestigasyon sa giyera kontra droga ni Rodrigo Duterte; Desisyon ng Korte Suprema sa Paoay ill-gotten properties ng mga Marcos; Pagpasa ng House of Representatives sa divorce bill; Imbestigasyon sa confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education; Ruling ng International Court of Justice ruling na may batayan para sabihing henosidyo ang ginagawa ng Israel; Arrest warrant ng International Criminal Court Pre-Trial Chamber I para kina Benjamin Netanyahu at Yoav Gallant.

Supreme Court of the Philippines/Instagram

Supreme Court Justice Marvic Leonen. Matagal nang pumosisyon si Leonen laban sa red-tagging at paulit-ulit niya itong pinatunayan kahit pa pilit ipinagmumukha ng nasa kapangyarihan na kathang-isip lang ito ng mga tanggol-karapatan. Nitong Pebrero, sa 52 pahina na desisyong isinulat ni Leonen, sinabi ng korte na hindi sakop ng kalayaan sa pagpapahayag ang pagbabanta at paninira ni Lorraine Badoy-Partosa laban kay Judge Marlo Magdoza-Malagar noong 2022. Noong 2021, sinabi rin ni Leonen nagagamit ang red-tagging para “padaliin ang pagpapatahamik ng militar o ng mga paramilitar na yunit” sa mga nagsasalita tungkol sa pang-aabuso ng kapangyarihan.

Nominado: Quezon City Mayor Joy Belmonte at ang Quezon City government para sa pangunguna sa transgender healthcare access sa bansa gamit ang Strategic Trans Health Access to Resources and Services Program (QC Stars) at para sa nagpapatuloy na mga inisyatiba climate initiatives tulad ng bike paths at pagpapaunlad pa lalo sa libreng sakay project na natatangi sa buong bansa.

House of Representatives

Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party. Pinatunayan ni Brosas at ng Gabriela Women’s Party kung gaano kahalaga magkaroon ng kakampi ang kababaihan at mga bata sa Kongreso, para sa paniningil ng hustisya at paglikha ng makataong mga panukala tulad ng divorce bill na naipasa na sa Kamara.

Nanindigan si Brosas para sa mga pamilyang naulila dahil sa giyera kontra droga at extrajudicial killings, tulad na lang ng mga biktima ng Bloody Sunday Massacre. At kahit pilit ibinabaon sa limot, ipinaglaban ni Brosas ang karapatan ng mga comfort women na biktima ng sexual slavery noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Mga nominado: Rep. France Castro para sa masinsing pag-usisa sa paggamit ng kaban ng bayan sa kabila ng mga politikal na atake; Sen. Risa Hontiveros para sa pagiging boses ng oposisyon sa Senado sa kanyang pagtutol sa POGO at matapang na pagtatanong sa drug war hearings; Rep. Raoul Manuel ng Kabataan Partylist para sa patuloy ng pagtindig para sa karapatan ng kabataan mag-organisa at sa pagtutol sa mandatory ROTC; Sen. Leila de Lima para sa kanyang pagtindig kasama ng mga biktima ng drug war sa kabila ng pagbabanta ni Rodrigo Duterte. 

Columbia Daily Spectator

Pandaigdigang protesta at kampuhan sa mga unibersidad para ipanawagan ang hustisya para sa mga Palestino. Mahalagang lalong mapalakas ang suporta para sa mga Palestino sa Gaza na biktima ng nagpapatuloy na henosidyo ng Zionistang Israel, kaya kailangang kilalanin ang kampuhan ng mga kabataan na naging lunsaran ng iba’t ibang porma ng suporta at pag-oorganisa. Nag-organisa ng kampuhan ang mga mag-aaral sa higit 50 unibersidad sa US at ilan pa sa Australia, habang tuloy-tuloy hanggang sa kasalukuyan ang mga protesta na pinangungunahan ng kabataan sa maraming bansa, kabilang ang Pilipinas.

Mga nominado: Mga protesta ng mga estudyante sa Bangladesh para sa trabaho; Mga protesta sa Jakarta laban sa pananatili ng mga politiko sa kapangyarihan; 7th International Assembly ng International League of Peoples’ Struggles sa Malaysia.

Altermidya

Frenchie Mae Cumpio. Sa unang pagkakataon na pinayagang tumestigo si Cumpio apat na taon matapos ang kanyang pagkaaresto, nanindigan siya na walang mali sa pamamahayag ng katotohanan sa sitwasyon ng Kabisayaan at walang tinatago ang Eastern Vista, isang alternative media outfit sa Tacloban City kung saan siya nagsisilbi bilang executive director. Bilang community radio broadcaster na naging tanyag sa pagbabalita ng mga katiwalian ang pang-aabuso, partikular na ng militar, bahagi si Cumpio ng malawak na laban para sa karapatan ng sambayanan sa impormasyon.

Espesyal na pagkilala: Kathleen Okubo, ang yumaong patnugot ng Northern Dispatch, para sa buhay na laan sa pagbabalita tungkol sa mga komunidad sa Kordilyera.

Mga nominado: Lian Buan ng Rappler para sa kanyang masinsing pag-uulat sa mga isyu ng korupsiyon sa bansa; Karmina Constantino para sa matalas na pagtatanong sa mga naiinterbyu tulad ng tanong tungkol sa lumang politika ng BBM Alyansa Para Sa Bagong Pilipinas senatorial slate.

Remo Casilli/Reuters

Cardinal Pablo Virgilio David ng Roman Catholic Diocese of Kalookan. Ikasampung Pilipinong kardinal, obispo ng Diyosesis ng Kalookan, kasalukuyang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, at kritiko ng giyera kontra droga at extrajudicial killings. Kilala si David sa kanyang pagtindig para sa mga karapatang pantao at pakikiisa sa mga maralita at inaapi. Bukod sa pagsuporta sa mga biktima ng pamamaslang, sinusuportahan din niya ang pagtataguyod sa mga karapatan ng persons deprived of liberty. Kinondena din niya kamakailan ang patuloy na kalupitan ng Israel sa mamamayang Palestino sa Gaza.

Mga nominado: Deaconess Rubilyn Litao ng United Methodist Church at Rise Up for Life and for Rights, tagapagtaguyod ng katarungan para sa mga biktima ng giyera kontra droga; Obispo Maximo Joel Porlares ng Iglesia Filipina Independiente, bagong Obispo Maxino ng Iglesia Filipina Independiente; Bishop Carlo Morales ng Iglesia Filipina Independiente Diocese of Libertad, pinawalang sala sa gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives; Deaconess Norma Dollaga ng United Methodist Church, pinarangalan ng 2024 World Methodist Peace Award para sa kanyang adhikain sa karapatang pantao; Bishop Cerilo Casicas ng Roman Catholic Diocese of Marbel, nagsampa ng kaso kasama ang mamamayan laban sa ekstensiyon ng pagmimina sa Tampakan, South Cotabato.

Concerned Artists of the Philippines/Youtube

Despotiko” at “Salarin, Salarin” ng Concerned Artists of the Philippines. Dahil sa halong popular na tugtugin at napapanahong mensahe, madaling kabisaduhin at nakatutuwang kantahin ang mga satirikong likha ng Concerned Artists of the Philippines. Parehong may tema ng paniningil, pinapatunayan ng dalawang kanta na posibleng may halong sayawan sa mga proyektong pangkatarungan. 

Espesyal na pagkilala: Inilunsad ngayong 2024 ang kabuuan ng album ng Oriang, isang proyekto na sinimulan nang ilabas noong 2022 ang mga kantang Amanda, Kerima at Chad bilang pagkilala sa mga tanggol-karapatan na tumatayong bagong mga bayani at huwaran sa Pilipinas.

Mga nominado:Bumangon Kaigorotan” ng Talahib; “Kontra” ni Vitrum; “Silang” album ng switchbitch.

Tag-Ani Performing Arts Society/Facebook

Spirit of the Glass” ng Tag-Ani Performing Arts Society, sa panulat ni Bonifacio P. Ilagan at direksyon ni Joel Lamangan. Sa obrang ito, ginamit ang “Spirit of the Glass” para makausap ang mga yumao na nagpapaalala sa halaga ng kasaysayan. Masasabi ring ginamit nina Ilagan at Lamangan ang pagtatanghal bilang liham sa kabataan na pilit inililihis mula sa katotohanan, at pagtutol sa mga mapanupil na mga polisiya tulad ng pagbabawal sa mga librong kritikal sa gobyerno. Matapang na obra para sa mapanghamong panahon.

Mga nominado: Mga likha ni Federico Dominguez sa “Ing Kanak mga Yahinang Yagsamin kung Sin-O Ako” o “What I have Made Mirrors Who I Am” ng Concerned Artists of the Philippines; “Slices of Time” photography exhibit ni Ka Efren Ricalde; “Ana-Huna” Solidarity for Palestine film screening ng Respond and Break the Silence Against the Killings (Resbak); Better Living Through Xenography (BLTX) ng alternatibong mga palimbagan (Mako Micropress, Magpies Press, Paper Trail Projects, Gantala Press, at Studio Soup); Warm Bodies: Defending the Right to Dissent (katuwang ang UP Fine Arts Gallery) at Warm Bodies II: On Art, Labor, and Proletarian Struggles (katuwang ang Tambisan sa Sining at UPFA Gallery); “Oh Shux Despotiko: Gabi ng Banda, Blooms, at Bb. Bagong Pilipinas” ng Concerned Artists of the Philippines; “Kasalukuya’t Kasaysayan” ng Artista ng Bayan (ABAY) 1985-1994.

Alipato at Muog/Facebook

“Alipato at Muog” ni JL Burgos. “Wala kaming artista. Ang meron lang kami ay katotohanan,” sabi ni JL Burgos noong ipinalabas ang dokumentaryo tungkol sa nagpapatuloy nilang paghahanap sa kanyang kuya na si Jonas Burgos, aktibista at kakampi ng magsasaka. Maraming luha ang naialay sa panonood (at pati na rin paglikha) ng dokumentaryo na hindi nagkulang sa masining nitong pagtitipon ng mga panayam at papeles. Mula sa dekadang paghahanap sa minamahal hanggang sa paglaban para tanggalin ang naunang X rating ng MTRCB, nanatiling matatag ang pamilya Burgos.

Mga nominado: “Balota” ni Kip Oebanda; “Tumandok” nina Richard Jeroui Salvadico at Arlie Sweet Sumagaysay; “Kinakausap ni Celso ang Diyos” ni Gil Baldoza; “Invisible Labor” ni Joanne Cesario at ng Mayday Multimedia.

Larawan ni Chad Booc” ni Melvin Pollero. Ang sining na likha para sa isa’t isa ay patak sa balon ng pag-asa. Ito ang makukuha mula sa obrang gawa sa goma na nagpapakita ng ngiti ni Chad Booc, pinaslang na guro at tanggol-karapatan na hindi pa nabibigyang hustisya. Hanggang Ene. 2, 2025 sa Museo de Oro, Cagayan de Oro City ang obra ni Polero na kabilang sa “Sumpay sa Katawhan” group exhibit ng mga alagad ng sining mula sa iba’t ibang sulok ng bansa. 

Mga nominado: Cartoon tungkol sa P64 food budget ng NEDA ni Cartoonist Zach; Pusit cartoon ni Tarantadong Kalbo; Hangga’t may Lupa Komiks ng Kuyahil at Magiliw.

Ateneo de Manila University Press/Facebook

“Ransomed by Love” ni Atty. Tony La Viña. Sa sariling kuwento ng kanyang paglalakbay, nagbaliktanaw si La Viña sa sigla at sigalot ng naghahalong pagmamahal sa Diyos, bayan, pamilya, pagtuturo, at sarili. Sabay niyang binaybay ang mahahalagang yugto ng kanyang buhay at ng bansa, partikular na ang mga kaganapan sa minamahal niyang Mindanao. Napapanahong paalala ang kanyang libro na walang simple sa pag-ibig, at ganoon rin sa pagkilos kasama ang bayan—at ganoon naman sa lahat ng makabuluhang desisyon.

Espesyal na pagkilala: “State of Unpeace” ni Raymund Villanueva. Kalipunan ng mga ulat ng beteranong peryodista ng Kodao Productions hinggil sa negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Republic of the Philippines at National Democratic Front of the Philippines mula 2018 hanggang 2020. Ito ang ikaltong libro ni Villanueva hinggil sa nasabing usapin.

Mga nominado: “Bahaghari” ni Ricky Lee; “Toward a Nationalist Feminism” ni Delia D. Aguilar; “PaaasaaaluuuBONG!!!” ni John Romeo Venturero, na kuwentong pambata tungkol sa magulang na seafarer.

Miles Leavitt via Billboard

Olivia Rodrigo para sa pagsuporta sa kababaihan at mga bata sa Pilipinas. Matapos ang kanyang Guts World Tour stop sa Philippine Arena, inanunsiyo ni Olivia Rodrigo na magiging donasyon sa kababaihan ang lahat ng kinita mula sa kanyang concert sa Pilipinas. Ayon sa half-Filipina singer, nabisita niya at namangha siya sa gawain ng Jhpiego, organisasyong tumutulong sa karapatang pangkalusugan ng kababaihan at mga bata. Sa kabuuan, aabot sa $2 milyon ang kabuuang donasyon ni Rodrigo sa mga charity tulad ng Jhpiego, Women Against Violence Europe, Women’s Shelters Canada, at marami pang iba.

Mga nominado: Nadine Lustre para sa pagsuporta niya sa #SaveMasungi campaign; Pia Wurtzbach para sa suporta niya sa mga non-government organizations na nakatutok sa HIV; Donny Pangilinan para sa kanyang boluntaryong serbisyo sa panahon ng sakuna.

Altermidya

Mga mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea. Kung nadarama at pinangangambahan na ng mga Pilipinong sumusubaybay sa balita ang tensiyon sa West Philippine Sea dahil sa panghihimasok ng Tsina sa exclusive economic zone ng Pilipinas, ganoon na lang kalabis ang banta sa buhay at kabuhayan ng mga mangingisda doon. Sa kabila nito, patuloy nilang hinaharap ang mga banta alang-alang sa kanilang mga pamilya at pati na rin bilang patunay para sa kapwa Pilipino na hindi dapat isinusuko ang karapatan sa sariling bansa.

Mga nominado: Eco Dangla, survivor ng sapilitang pagkawala na patuloy nananawagan ng hustisya; Rowena Dasig, para sa patuloy na pagtindig para sa kalikasan sa kabila ng pagkakadakip; Mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings na patuloy nagkakaisa para sa hustisya; JL Burgos at Edita Burgos laban sa X rating ng “Alipato at Muog”; Angelika Moral na nanindigan para sa Talaingod 13.

Celine Murillo/Facebook

Celine Murillo. Inilapit ni Celine Murillo ang mga social media user sa kaalaman ukol sa kalikasan gamit ang mga malalamang bidyo sa TikTok ukol sa mga puno, halaman, hayop, ibon at iba pang likas na yaman sa bansa. Nakita ni Murillo ang malalim na interes ng mga tagapanood niyang Pilipino na tingin niya’y hindi nabigyan ng oportunidad makilala nang lubos ang kalikasan sa bansa dahil sa epekto ng kolonyalismo sa ating edukasyon at pag-iisip.

Mga nominado: Call for donations at relief ops ng mamamayan para sa mga nasalanta ng bagyo; All Eyes on Rafah online campaign laban sa Palestinian genocide; Sassagurl, para sa kanyang paniniwala na ang paglikha ng content ay iba sa pagsabak sa halalan; Arshie Larga para sa kanyang mga payo sa TikTok at pamimigay ng gamot; Riders Watch, one-stop tambayan para sa kwentuhan, kaalaman at karapatan ng platform workers.