FEATURED Main Story

Natatanging Progresibo ng 2021


Kung ang 2021 ay version 2 ng nakaraang taon, mainam na kunin ang diwa nito bilang level up ng mga kilos at panawagan para sa hustisya.

2009 | 2010 | 2011 | 2012 | 2013 | 2014 | 2015 | 2016 | 2017 | 2018 | 2019 | 2020

Nabansagan ng ilan na 2020 version 2 ang taon na ito. Bahagi pa rin ng konteksto ng mga pagkilos ngayong taon ang pandemya dulot ng coronavirus disease 2019 (Covid-2019), isang elemento na wala sa nagdaang dekada ng paglathala ng Pinoy Weekly ng Natatanging Progresibo.

Sa mga litrato ng kilos protesta, mga eksena sa palengke, kahit pagbaybay sa kahabaan ng nagsisikipan nang muli na mga kalsada, nakatago pa rin sa likod ng mask ang kalahati ng mukha ng masa—tulad ng nakaraang taon. At kahit sa hindi malitratuhang mga pagtatagpo, dama ang bigat ng mga kailangang gawin para sa kaligtasan.

May pagkakapareho man sa nagdaang taon, alam natin na walang dalawang araw sa kuwento ng pagsisikap at paglaban ng masa ang eksaktong kopya ng isa’t isa. Nagkakahawig ang pinag-uugatan ng mga problema: bulok na sistemang pangkalusugan, mga opisyal na taksil sa bayan, mga batas na pinasa para sa benepisyo ng nakakaangat.  Kaya naman nagkakaisa rin ang mga panawagan: ayuda sa masa, suporta sa serbisyong pampubliko, at pagwawakas ng baluktot na panunungkulan tulad ng sa administrasyon ni Pangulong Duterte.

Kung ang 2021 ay version 2 ng nakaraang taon, mainam na kunin ang diwa nito bilang level up ng mga kilos at panawagan para sa hustisya. Pinatunayan ito ng mga nominado at napiling natatanging progresibo ngayong taon.


Natatanging Progresibong Pagkilos

Mga litrato ng Alliance of Health Workers

September 1 health workers’ mass protest. Mula sa kapos o hindi pa nabibigay na hazard pay at special risk allowance, mababa at delayed pa kung minsan na pasahod, hanggang sa mahabang mga shift dahil sa kakulangan ng staff, malinaw ang kawalan ng hustisya para sa mga manggagawa ng kalusugan. Noong Setyembre 1, nagkasa ng kilos-protesta ang healthcare workers mula sa mga pampubliko at pampribadong mga ospital para muling kalampagin ang pamahalaan, partikular na ang Department of Health at si Health Secretary Francisco Duque III. Kasabay ng mga panawagan ang pagbabanta ng mass resignation, dahil lubos na naging mapanganib at lalong hindi nakabubuhay ang pagiging health worker sa bansa.

Sa parehong panahon, naitala ang paglampas sa dalawang milyon ng mga kaso ng Covid-19 sa bansa. Ayon sa mga health worker, kung hindi bibigyan ng sapat na suporta ang sektor ng kalusugan, lalong magiging masalimuot ang pandemya para sa kanilang mga manggagawa, at para sa buong bansa.

Mga nominado: Lumad bakwit school graduation; Bonifacio Day 2021; September 13 protesta ng mga guro para sa ligtas na balik eskuwela; serye ng protesta laban sa Anti-Terrorism Act; June 12 Independence day caravan; January 22 protesta ng magsasaka laban sa Mendiola massacre; Human Rights Day 2021; Protesta ng pagtutol sa UP-DND Accord; #MarcosNoHero Libingan ng mga Bayani 2021 protest …

Natatanging Progresibong Organisasyong Masa

Litrato ng Alliance of Health Workers

Alliance of Health Workers. Para ipanawagan ang pagiging makamanggagawa ng mga polisiya ng gobyerno para sa frontliners, dinala at sinuportahan ng AHW ang laban sa napakaraming lunsaran, gamit ang maraming iba’t ibang estilo ng protesta. Nakapag-organisa at nasurpotahan nila ang serye ng pagkilos para sa espesyal na mga petsa tulad ng National Nurses’ Week, at naroon din sila sa mas malawak na mga pagkilos tulad ng laban para sa sapat na ayuda.

Nagawa din ng AHW ilapit sa maraming tao ang kuwento ng health workers sa Pilipinas, dahil sa kanilang maagap na pagtugon sa mga tanong ng midya, lokal at maging internasyunal. Hanggang sa pagtatapos ng taon, pinapalakas nila ang panawagan para sa sapat na suportang pinansyal sa sistemang pangkalusugan sa bansa.

Mga nominado: Defend Jobs Philippines; National Union of People’s Lawyers; Karapatan; Kilusang Mayo Uno; Filipino Nurses United; Sama-samang Artista para sa Kilusang Agraryo …

Natatanging Progresibong Lider-Masa

Litrato ng Embassy of France to the Philippines and Micronesia

Cristina Palabay ng Karapatan. Ang paggawad ng Franco-German prize para sa Human Rights and Rule of Law 2021 kay Cristina Palabay ay nakatungtong sa higit sa isang dekada ng puspusang trabaho para sa karapatang pantao. Nagsimula ito noong 2010, sa kasagsagan ng panawagan para humantong sa pagkakakulong ang mga kaso laban kay Imelda Marcos. Bago ito, nakilahok at nanguna na siya sa mga kampanya ng kabataan at kababaihan.

Sa harap ng tumitinding atake sa karapatang pantao, at sa kabila ng banta sa kanyang seguridad, tinuloy ni Tinay ang pagtindig kasama ang mga biktima ng iba’t ibang atake sa karapatan. Nagamit rin niyang plataporma ang parangal para lalong ilapit sa internasyunal na komunidad ang laban ng mga Pilipino para sa hustisya,  at para idiin na lehitimo ang labang ito, sa kabila ng pilit na pangmamaliit at pambubusabos ng administrasyong Duterte.

Mga nominado: Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno; Dr. Leni Jara ng Solidarity of Health Advocates and Personnel for a Unified Plan to Defeat Covid-19; Alicia Lucena ng Anakbayan; Nanay Inday Bagasbas ng Kadamay; Robert Mendoza ng Alliance of Health Workers; Bai Bibyaon Ligkayan Bigkay …
Espesyal na pagkilala: Ka Oris, para sa kanyang dedikasyon sa masa

Natatanging Progresibong Alyansa o Koalisyon

Litrato ng 10K Ayuda Na Network

10K Ayuda Na Network. Paulit-ulit ang gobyerno sa linya na dapat makabangon na ang ekonomiya ng Pilipinas ngayong taon, pero ang tanong ng mga komunidad: paano babangon mula sa patong-patong na problemang pinansiyal ang mga Pilipino? Habang tumatagal ang pandemya, makikita sa pinapasang mga panukala tulad ng Bayanihan 3 at ng national budget ang lumiliit o nawawalang puwang para sa ayuda o direktang suporta sa pinansiya ng mga Pilipino. 

Dahil sa mga restriksiyon, dagdag na gastos pangkalusugan, pagsasara ng mga business at pagkawala ng trabaho, kailangan ng sapat at direktang suporta sa pinansiya ng mga Pilipino. Bitbit ng 10K Ayuda Na Network ang panawagan na ito, kasama ang panawagan para sa suporta na nakatutok sa bawat sektor tulad ng production subsidy para sa mga manggagawa sa agrikultura at student subsidy dahil malaki ang gastos sa distance learning.

Mga nominado: Save Our Schools Network; Artists Resist Tyranny; Rise Up for Life and for Rights …

Natatanging Progresibong Desisyon o Panukala

Lumang litrato ng Bulatlat

Dismissed Hilongos mass grave case. Matapos ang 14 na taon, pinatotoo ng korte ang matagal nang ipinaglalaban na katotohanan ng mga nadawit na peace consultant ng National Democratic Front of the Philippines, aktibista, at magsasaka: walang sapat na “pruwebang suportado ng siyensiya” at ang mga witness ng prosekusyon ay “may pagkiling at masamang motibo”, sabi sa Disyembre 16 na desisyon ni Judge Thelma Bunyi-Medina.

Agosto 26, 2006 nang idawit ng militar ang mahigit 70 katao, kasama sina Satur Ocampo, Vicente Ladlad, Benito Tiamzon, at Wilma Tiamzon, sa patong-patong na kaso ng pagpatay na patutunayan umano ng isang mass grave. Ayon sa mga inakusahan, malinaw na gawa-gawang kaso ito dahil ginamit na ebidensiya ang ilang bangkay na natagpuan umano sa Baybay, Leyte anim na taon ang nakakaraan.

Nakalagay rin sa desisyong umabot sa 97 pahina ang pagnanais ng korte na bumalik sa negosasyon ang NDFP at ang gobyerno ng Pilipinas, para makalikha ng pagkakasundo na magbebenepisyo sa magkabilang panig.

Mga nominado: Deklarasyon ng Korte Suprema na unconstitutional ang ilang bahagi ng Section 4 ng Anti-Terrorism Act; Rekomendasyon ng Department of Justice AO 35 panel na sampahan ng kaso at imbestigahan ang mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Manny Asuncion; Desisyon ng International Criminal Court na imbestigahan sina Pangulong Duterte; Paghatol sa tatlong may sala sa kaso ng pagpatay kay Rolando Olalia at Leonor Alay-ay, 35 taon makalipas; Panukala ng senado na bawasan ang pondo ng NTF-Elcac …

Natatanging Progresibong Opisyal

Litrato ni Philip Jamilla ng Karapatan.

Chito Gascon. Pinamunuan ni Jose Luis Martin “Chito” Gascon ang Commission on Human Rights mula 2015. Nagawa niya at ng komisyon na pangibabawan ang pandudusta ni Pangulong Duterte sa komisyon at sa karapatang pantao. Binigay ni Gascon ang kanyang suporta sa mga programa ng iba’t ibang organisasyon, kasama na ang #StopTheKillingsPH solidarity program ng Karapatan ngayong 2021.

Tinangka noong 2017 ng mga miyembro ng House of Representatives na tagasunod sa kumpas ng pangulo na bigyan lang ng P1,000 na budget para sa 2018 ang komisyon. Hindi rin nakatakas si Gascon mula sa personal na mga atake ng pangulo.

Sa kanyang pagpanaw nitong Oktubre dahil sa Covid-19, inaalala ng lahat ng nakikiramay at lahat ng natulungan niyang organisasyon ang hindi matatawaran niyang kontribusyon sa laban para makamit ang hustisya.

Mga nominado: Vico Sotto; Leni Robredo; Mga justice ng Supreme Court at mga hukom ng Regional Trial Court na nagbasura sa gawa-gawang mga kaso at nakapagpalaya sa mga bilanggong pulitikal …

Natatanging Progresibong Mambabatas

.

Mga mambabatas na suportado ang pag-imbestiga at pagbawas ng pondo ng NTF-Elcac. Sa magkakaibang kuwento ng danas at datos, nailathala ang atake ng NTF-Elcac sa iba’t ibang sektor at inisyatiba: mga unyonista at aktibista, mga indigenous people, mga kabataan at pati ang pagtayo ng community pantry. Lumabas naman sa taunang audit report na may anomalya sa pondo na inilipat o ginastos ng task force.

Dahil dito, noong Abril, nagpahayag ng suporta sina Sen. Joel Villanueva, Sen. Risa Hontiveros, Sen. Nancy Binay, Sen. Franklin Drilon, Sen. Sherwin Gatchalian at Sen. Grace Poe sa pangangailangan na ilipat ang P19 bilyon na pondo ng NTF-Elcac sa ayuda. Sa parehong panahon, nagpasa ng house resolution ang Gabriela Women’s Party para imbestigahan ang paggastos ng task force.

Sa mga diskusyon sa senado para sa 2022 budget, sinabi naman ni Sen. Sonny Angara, tagapangulo ng Senate finance panel, na mainam na bawasan ang pondo ng NTF-Elcac at ilaan na lang sa Covid-19 benefits ng health workers.

Mga nominado: Mga miyembro ng Blue Ribbon Committee sa kanilang pagsiyasat sa isyu ng Pharmally at procurement ng DOH; Mga mambabatas na nagsusulong ng ayuda para sa 2021 at 2022 …

Natatanging Progresibong Pandaigdigang Pagkilos

Litrato ng Bayan-USA

Protesta laban sa nominasyon ni Harry Roque sa International Law Commission. Matagumpay ang Bayan-USA at ang mga nakilahok sa protesta ng pagtutol sa nominasyon ni Roque sa ILC. Naging pagkakataon rin ito para sa organisasyon na palakasin ang panawagan para wakasan ang hindi makatao na panunungkulan ni Pangulong Duterte. Ayon sa grupo, may pagkakasala rin ang mga tulad ni Roque na nagtatanggol sa mga hakbang ng rehimen.

Para kay Roque at sa iba pang opisyales na nagtatago sa likod ng kapangyarihan, malinaw ang mensahe: may habol ang hustisya at mahaba ang kamay ng karma.

Mga nominado: Pakikilahok ng mga Pilipino sa serye ng mga protesta para sa hustisya sa climate crisis kasabay ng UN Climate Change Conference; December 10 global day of action ng Council of Global Unions at ang pagtutol nila sa atake sa mga manggagawang Pilipino at Anti-Terrorism Act. …

Natatanging Progresibong Midya o Mamamahayag

Litrato mula sa Nobel Prize Outreach. Kuha ni Jo Straube

Maria Ressa. Sa panahon ng tumitinding atake sa midya, iginawad kay Maria Ressa ang Nobel Peace Prize. Si Ressa ang kauna-unahang Nobel laureate ng bansa, pero idiniin niya sa kanyang talumpati na hindi ito tungkol lang sa nag-iisa niyang kuwento bilang mamamahayag. Ginamit niyang lunsaran ang maraming panayam sa kanya para matalakay ang puspusang laban para sa kalayaang magpahayag dito sa Pilipinas.

Isa si Ressa, kasama ang Rappler, sa mga binanatan ng administrasyon. Sa mata ng gobyerno, pagkakasala ang pag-imbestiga at pagkuwestiyon sa mga hakbang ng gobyerno at hindi makatotohanang mga salaysay. Pero iginiit ni Ressa na hangga’t matapat na ginagampanan ng midya ang tungkulin nito sa taumbayan, may puwang ang katotohanan.

Mga nominado: Northern Dispatch; Mike Navallo; Ezra Acayan; Lady Ann Salem; Frenchie Mae Cumpio …

Natatanging Progresibong Kanta o Album

Screenshot ng “Kapangyarihan” Official Lyrics Video

“Kapangyarihan” ng Ben&Ben featuring SB19. Unang ibinahagi sa publiko (online) ng Ben&Ben ang “Kapangyarihan” noong Disyembre 22, 2020, dalawang araw matapos mamatay ang mag-inang Sonya at Frank Gregorio sa pamamaril ng pulis na si Jonel Nuezca. Kasabay ng bagong kanta ang pahayag nila ng suporta sa panawagan na #StopTheKillingsPH at #EndPoliceBrutality. Sa bersiyong lumabas sa album nila na “Pebble House, Vol. 1: Kuwaderno” ngayong 2021, makapangyarihan ang tambalan nila ng SB19, lalo na kung titignan ang posisyon ng dalawang grupo sa mainstream OPM.

Ngayong papalapit ang eleksiyon, mainam na tandaan: “Kayong mga hari-harian, pagkalaki na ng mga ulo; ‘Wag n’yong kalilimutan na hawak-hawak namin ang inyong trono.” 

Mapapakinggan ang kanta sa Youtube page ng Ben&Ben at iba pang streaming platform.

Mga nominado: “Sulong, Maria” ng Panday Sining – Cavite kasama ang Malayang Kababaihan ng Tanghalan; “Tayo ang Tugon” album ng Musicians for Democracy; “Heartlessness and the systematic perpetuation of despair” album ng The Exsenadors; “Autonimbus” album ng NONENTITIES; “Dapat Bawiin” acoustic cover ng Barangay Pesante Combo. …

Natatanging Progresibong Pagtatanghal o Pagtitipong Pangkultura

Screenshot ng “Damay at Dangal” May 9 memorial

Damay at Dangal. “Para masimulan ang paghilom, kailangan muna ng sama-samang pagluluksa,” sabi ni Bibeth Orteza, alagad ng sining at kapatid ni Dr. Ephraim Neal Orteza, isa sa mga frontliner na nasawi sa Covid-19.  Isa si Dr. Orteza sa mga pinarangalan sa paglulunsad ng “Damay at Dangal”, online memorial para sa mga binawian ng buhay ngayong pandemya. 

Kada ika-siyam na araw ng buwan, simula noong Mayo 9, naging online na entablado ang Damay at Dangal para sa mga pagtatanghal na alay sa mga namayapa at sa mga pamilyang nananatili. Mahirap man, at iba sa nakasanayang sama-samang pagluluksa, posibleng makiramay sa isa’t isa online. Nilayon ng mga organisador ng memorial na magkaroon ng puwang para sa pagluluksa, kasabay ng mga panawagan para sa hustisya.

Mga nominado: Bonifacio Dakilang Anakpawis Street Art Festival; Tribute para kay Bienvenido Lumbera, National Artist for Literature at dating board member ng PinoyMedia Center …

Natatanging Progresibong Pelikula o Bidyo

Poster ng Kodao Productions

“River of Tears and Rage” mula sa Kodao Productions. Oktubre 16, 2021, isang taon matapos ang libing ni baby River Emmanuelle Nasino, naiyak, naantig, at muling nauhaw sa hustisya ang mga nakapanood ng “River of Tears and Rage” sa Facebook pages ng Kodao Productions, Kapatid – Families and Friends of Political Prisoners, Karapatan, Church Response, Gabriela USA at Malaya Movement USA.

Dinerehe ito ni Maricon Montajes at co-photographed ni Joseph Cuevas, parehong dating bilanggong pulitikal. Sa pelikula masisilayan ang pagmamahal ng isang ina at ang karahasan ng estado sa mga bilanggong pulitikal. Pinapakita ng “River of Tears and Rage” ang nagpapatuloy na agos para sa mga biktima ng pulitikal na paniniil ng estado, at lalo binibigyang dahilan ang mga manonood para makilahok sa laban. 

Mapapanood ang pelikula sa Facebook page ng Kodao Productions.

Mga nominado: “Bayi: Stories of Women Human Rights Defenders” documentary na produksiyon ng Karapatan; “Arisaka” na dinerehe ni Mikhail Red; “Walang Kasarian ang Digmang Bayan” na dinerehe ni Jay Altarejos; “Tao Po” bersyong pelikula na dinerehe ni Mae Paner; “Tech Tales: Films about Digital Rights in the Asia-Pacific” na proyekto ng EngageMedia …

Natatanging Progresibong Sining-Biswal

Screenshot ng Tumindig.ph website

Tumindig (sinimulan ni Tarantadong Kalbo). Simpleng disenyo na bukas sa pagbibihis at pagpinta ng panawagan ang Tumindig icon na nilikha ni Tarantadong Kalbo. Ang kamao na likha ni Kevin Kalbo o Kevin Eric Raymundo ay nakatayo, nakasimangot, nababalot ng liwanag at napapaligiran ng mga nakadapang kamao. Hindi nagkataon na kamukha ng nakadapang kamao ang signature pose ni Pangulong Duterte at ng mga kaalyado niya. Ayon kay Raymundo, online art protest niya ito laban sa pandadahas ng administrasyong Duterte.

Hindi nagtagal, napalibutan ang orihinal na karakter ng makukulay na mga kamao. Nabuhay ang diskusyon at pagpapaliwanag tungkol sa iba’t ibang laban na tinitindigan ng mga organisasyon at indibidwal na kalahok. Tignan ang nabuong mural dito sa Tumindig.ph.

Mga nominado: Wakasan Na! Komiks cover contest ng Concerned Artists of the Philippines; FotomotoPH 2021; Mga online cartoon ni Zach Cartoonist para sa 2021; Online komiks ni Martin’s Purrspective …

Natatanging Progresibong Libro o E-Book

Mula sa NUJP website

“Ethical Guide for Filipino Journalists” ng National Union of Journalists of the Philippines. Laman ng “Ethical Guide for Filipino Journalists” ng NUJP ang paalala sa mga manggagawa sa midya, mga halimbawang kaganapan na sumubok sa prinsipyo ng mga mamamahayag, at mga gabay para sa mga partikular na kaso na dapat may mas sensitibong lapit.

Makikitang magkasangga ang teorya at danas dahil binuo ito ng mga kapwa mamamahayag na mulat sa sitwasyon ng manggagawang midya sa Pilipinas. Available ang libreng e-book sa lahat ng nais makabasa, paalala na rin na may pananagutan ang midya sa publiko. Basahin ang e-book dito sa NUJP website.

Mga nominado: “Hindi Nangyari Dahil Wala sa Social Media: Interogasyon ng Kulturang New Media sa Pilipinas” nina Rolando B. Tolentino, Vladimeir B. Gonzales at Laurence Marvin S. Castillo; “Blogging the City and Spaces of Dissent in the Philippines” ni Mong Palatino; “Points of Contact”, ang Philippine Collegian Literary Anthology ng 2021;“Lahuntay: A Path to Sustainability” ng Ibon Foundation; “INTERREGNUM: Maiikling Kwento” ni Mix Villalon; “Makisawsaw Recipes x Ideas: Community Gardens Edition” published ng Gantala Press; “Kwentong Covid/Kwentong Trabaho” ng Institute for Occupational Health and Safety Development, inedit ni Teo S. Marasigan
Espesyal na pagkilala sa mga susunod na manunulat: Bienvenido Lumbera, para sa kanyang hindi matatawaran na kontribusyon sa literatura at sa lahat ng naitulong sa PinoyMedia Center bilang board member; Kerima Tariman, para sa mga likha niyang sining at serbisyo sa masa.

Natatanging Progresibong Artista

Mula sa Instagram ni Angel Locsin

Angel Locsin. Hindi mabibilang sa isang kamay ang lahat ng tinindigan na isyu ni Angel Locsin, kasama na ang nasa litrato na pagsuporta niya sa kampanyang #StopAsianHate. Sa mga nakaraang laban ng kababaihan, ng mga Lumad, ng mga maralitang lungsod, at ng mga katulad niyang manggagawa sa midya, naroon si Locsin. Sa mga inisyatiba para sa apektado ng mga sakuna at mga biktima ng kahirapan, ibinigay ni Locsin ang nag-uumapaw niyang pinansiyal na suporta tulad na lang ng relief efforts sa Bagyong Odette at sa pagtatangkang magtayo ng malaking community pantry.

Buhay ang kanyang prinsipyo dahil sinasabayan niya ng aksiyon. Kung pagbabatayan ang sinasabi ng mga kasamahan sa showbiz, inspirasyon siya para tumindig at makisangkot rin ang iba.

Mga nominado: Mga artistang tumulong sa relief efforts sa mga apektado ng Bagyong Odette; Enchong Dee; Liza Soberano …

Natatanging Progresibong Agaw-Eksena

Mula kay Patricia Non at sa Defend Jobs Philippines

Community Pantry. “Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan.” Nagsimula sa isang payak na kawayang kariton, lumaki ang inisyatibang Maginhawa community pantry ni Patricia Non. Naging ehemplo ito para sa iba pang komunidad at organisasyon, at di kalaunan, nagkaroon ng daan-daang community pantry na napagkukuhanan ng tulong ng libu-libo.

Hindi kayang hintayin ng sikmura ng sambayanang Pilipino ang makupad na tugon ng gobyerno sa lumalalang kahirapan at kagutuman sa bansa. Pinakita ng community pantry initiative ang bisa ng direkta at hindi kakarampot na tulong sa mga mamamayan. At sa maraming kuwento ng 2021, isa ito sa mga mapagkukunan ng pag-asa.

Mga nominado: Pagkapanalo ni Hidilyn Diaz ng unang Olympic gold ng Pilipinas; Pagsiyasat sa iba’t ibang senate slate at trending na #WeWantNeri …

Featured image mula sa litrato ng isang bahagi ng “Masigasig na Maynila” mural ng Gerilya, sa Lagusnilad Underpass.