Pag-usad ng peace talks, panawagan ng mga sektor sa Luzon
Isang taon matapos ang Oslo Joint Communiqué, nanawagan ang iba’t ibang sektor sa Luzon ng muling pag-uusap para resolbahin ang mga ugat ng digmaang sibil.

Patuloy na nananawagan ang iba’t ibang sektor sa Luzon ng pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) isang taon matapos pirmahan ang Oslo Joint Communiqué.
Tinalakay sa kumperensiya ng Council of Leaders for Peace Initiatives (CLPI) nitong nitong Nob. 21 sa Philippine Christian University sa Maynila ang mga isyung kaugnay ng mahigit limang dekadang armadong tunggalian sa pagitan ng mga puwersa ng pamahalaan at New People’s Army (NPA).
“Ang pinakagusto natin, kapayapaan na may hustisya. Permanenteng kapayapaan kung saan kinakailangan na natutugunan yung mga ugat ng [armadong labanan] kasi kung hindi ‘yan matutugunan, babalik at babalik din ‘yong giyera,” ani Antonio La Viña, isa sa mga convenor at tagapagsalita ng CLPI.
Bagaman kinikilala ng ng parehong peace panel ng GRP at NDFP ang pagkakaroon ng prinsipyado at mapayapang paglutas sa armadong labanan, gayundin ang pangangailangan na magkaisa bilang isang bansa upang tugunan ang mga ugat nito at ang mga seryosong isyu sa ekonomiya, kalikasan at dayuhang banta sa seguridad ng Pilipinas, bigo pa rin na maihapag ang susunod na adyenda ng usapan: ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (Caser).
Makaisang panig na pinutol ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP matapos niyang pirmahan ang Proclamation 360 noong Nobyembre 2017. Kasunod nito, iprinoklama niya ang Communist Party of the Philippines, NPA at NDFP bilang mga teroristang organisasyon.
Pagprotekta sa karapatan
Ibinahagi ng CLPI ang kanilang pag-aalala sa paniniwala ng GRP na tuluyang matutuldukan ang armadong labanan sa pamamagitan ng mga barangay “development” project, surrender at reintegration program at pinatinding operasyong militar sa kanayunan.
Halimbawa nito ang pag-aresto noong Oktubre ng pinagsamang puwersa ng militar at pulisya sa tatlong NDFP consultant na protektado mula sa panliligalig, paniniktik at pag-aresto sa ilalim ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (Jasig), isang susing dokumentong pinirmahan ng GRP at NDFP noong 1995.
Kinilala sina Wigberto Villarico, 68, Porferio Tuna, 60, at Simeon Naogsan, 70, bilang mga NDFP consultant na protektado ng Jasig na inaresto sa magkakahiwalay na insidente at sinampahan ng mga patong-patong at gawa-gawang kaso.
Nababahala rin ang CLPI sa mga sunod-sunod na atake ng mga elemento ng gobyerno laban sa kapayapaan dulot ng sunod-sunod na pagkawala ng mga aktibista, tanggol-karapatan at tanggol-kalikasan.
Bukod sa Jasig, may pinirmahan din na Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (Carhrihl) noong 1998. Parehong layunin ng mga kasunduan ang pagprotekta at paggalang ang mga karapatang pantao ng mga indibidwal na kabilang ng negosasyong pangkapayapaan at ng mga mamamayang naiipit sa mga engkuwentro.
Isa rin sa mga pangunahing layunin ng Carhrihl ang pagkakaroon ng Joint Monitoring Committee na binuo noong 2004 upang maging bantayan sa anumang paglabag sa mga karapatang pantao at internasyonal na makataong batas.
Sentro sa mga dokumentong ito at sa binubuong mga kasunduan ang pagkilala sa karapatan ng bawat Pilipino na mamuhay nang may dignidad.
Tulad ng sabi sa pagpupulong ni Ambassador Christian Halaas Lyster ng Norway, dapat manaig ang boses ng nasa laylayan. Ang pamahalaan ng Norway ang tumatayong third-party facilitator ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP.
Ugat ng labanan
Nakataya sa pag-usad ng usapang pangkapayapaan ang kinabukasan ng mga pinagsasamantalahang sektor ng lipunang Pilipino katulad ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda at pambansang minorya.
Kawalan ng sariling lupang sakahan, barat na pasahod at kawalan ng seguridad sa trabaho, maliban pa sa malubhang kalagayan ng ekonomiya’t paglabag sa karapatan ang nagiging dahilan kung bakit nagpapasya ang mga magsasaka at manggagawa na lumaban sa inhustisyang nararanasan.
Kahirapan at kawalan ng panlipunang katarungan ang nag-uudyok sa marami na humawak ng armas at sumapi sa NPA para ipaglaban ang kanilang mga karapatan.
“Sa katotohanan lang po, kami pong mga magsasaka, kami ang nagbubungkal ng lupa, pero kami ang dumaranas ng kawalan ng pagkain sa hapag,” ani Miriam Villanueva, isang magsasakang nakaligtas sa Mendiola Massacre at kasapi ng Katipunan ng mga Lehitimong Magsasaka at Mamamayan sa Lupang Ramos.
Bagaman galing sa pamilyang magsasaka, hindi nila naging pagmamay-ari ang lupang inaalagaan sa Dasmariñas City, Cavite.
“Nasaksihan ko po ‘yong development aggression mula sa napakalawak na lupain ng mga pinagtatamnan ng mga palay at mais mula pa sa Bacoor. Ngayon po, wala ka nang makikitang kahit ano mang palay na nakatanim,” aniya.
Hirap rin ang mga manggagawa dahil sa makasariling interes ng mga kapitalista at malalaking kompanya, ayon kay Mary Ann Castillo, pangulo ng Nexperia Philippines Inc. Workers Union.
“Tubo po ‘yong nagiging dahilan sa mga panliligalig sa manggagawa. Pagtatanggal ng mga manggagawa sa ngalan ng tubo, cost efficiency at cost improvement,” sabi ni Castillo.
Sa mga nagdaang taon, lalo na noong pandemya, madalas silang nakararanas ng pandarahas. Kasama dito ang pagdalaw ng mga unipormadong kalalakihan sa bahay upang takutin pati ang kanilang pamilya at panghihikayat na huwag mag-unyon dahil wala raw itong benepisyo sa kanila at sa makakaliwang mga grupo lang ito nakakatulong.
“Natatakot na kumilos ‘yong mga manggagawa para sa kanilang sahod, sa kanilang ganansiya sa pang-araw araw. Pero hindi po kami tumitigil kahit na gano’n yung ginawa sa amin, ni-red-tag kami. Patuloy pa rin kaming kikilos para sa aming batayang karapatan sa sahod [at] trabaho,” ani Castillo.
Kaya ganoon kahalaga para sa karaniwang Pilipino ang Caser na tutugon sa kanilang mga problema at sa mga ugat ng armadong tunggalian.
Ilan sa nilalaman ng panukalang Caser ang tunay na reporma sa lupa, reporma sa polisiyang pang-ekonomiya sa loob at labas ng bansa, pagtataguyod ng karapatang pantao at paglayo sa neoliberal na sistema na siyang patuloy na nagpapahirap sa mga mamamayan.
Nakatakda sanang talakayin ang Caser sa ikalimang round ng pormal na pag-uusap ng GRP at NDFP at pirmahan sa ikaanim na round. Subalit kumalas si Duterte.
Ayon sa mga sektor, naging malaking balakid pa sa kapayapaan ang pagtatag ng administrasyong Duterte sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict at pagsasabatas sa Anti-Terrorism Act.
“‘Yong mga iba’t ibang patakaran, programa at mga kakatwang batas na ipinatupad ni Duterte, kailangan i-withdraw,” ani Bagong Alyansang Makabayan secretary general Raymond Palatino.
Sabi pa ni Palatino, sana maisama sa electoral agenda at plataporma ng mga kandidato ang panawagan para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan ngayong nalalapit ang halalan.
“Kung hindi man, ‘yong mga isyu na dapat tugunan ng mga nakaupo sa pamahalaan,” wika ni Palatino.
Maliban sa natapos na kumperensiya sa Luzon, plano rin ng CLPI na maglunsad ng mga parehong pagtitipon sa Visayas at Mindanao sa mga susunod na buwan para talakayin ang mga isyu ng mamamayan at isulong ang pagpapanumbalik ng pormal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDFP.